Kabanata CXIX: Ang Kaharian ng Naia (Ikalawang Bahagi)

8.9K 691 579
                                    

- Caedmon -

Ilang oras nang nakakulong si Caedmon sa bilangguan ng kaharian ng Naia ngunit hindi man lang siya kakikitaan ng pagkabahala o takot sa kanyang mga mata.

Nanananatiling kalmado ang binata sa loob ng isang hindi kalakihang silid na may mga rehas. Maayos ang kulungan na kinalalagyan ni Caedmon dahil malinis ito, may korales na ginawang higaan, isang upuang kabibe, kahoy na lamesa, at may mga dikyang lumalangoy sa labas nito na nagsisilbing liwanag sa kapaligirian.

Sa mahigit pitong oras nang pananatili ni Caedmon sa kanyang kulungan ay inabala niya lang ang sarili sa paglalaro ng kanyang kapangyarihan at pagmamasid sa labas ng kaharian gamit ng isang katamtaman ang laki na bintana.

Ilang sandali lamang ay narinig niyang nagbukas ang pintuan sa pasilyong kinalalagyan ng kanyang piitan. Hindi man lang natinag si Caedmon at nanatili lamang itong nakaupo at malayo ang tingin kahit pa alam niya na ang kanyang bisita ay walang iba kundi ang kanyang Lola na ngayon lamang siya pinaunlakan ng bisita magmula nang makulong siya.

"Caedmon," malamig na pagtawag sa kanya ng may katandaan na Reyna ngunit hindi pa rin siya tinatapunan ni Caedmon ng tingin, "hanggang ngayon ba ay hindi ka pa rin aamin sa iyong kasalanan?" dugtong pa nito ng may himig ng pagkadisgusto sa bawat salita.

Hindi naman mapigilan ni Caedmon ang sarkastikong mapangisi sa tinuran nito hanggang sa napailing na lang ang binata at muling ibinaling ang tingin sa labas ng bintana.

"Bakit ako aamin sa kasalanang hindi ko ginawa? Kayo ba? Hanggang kailan niyo itutuon sa akin ang galit na mayroon kayo sa mga taga-lupa?" malamig niyang tanong dito dahilan para maramdaman niya naman na nagbago ang atmospera sa pagitan ni Caedmon at ng dalawang matanda na nasa labas ng kanyang kulungan.

"Pero nakita ka ng mga kawal at ng mismong pinsan mo, Caedmon! Hindi pa ba sapat na ebidensya ang mga iyon sa kalapastanganang ginawa mo sa kahariang ito?!" may himig ng galit ns pahayag ng reyna ngunit nagtaas lamang ng kilay si Caedmon dito.

"Nakita? Sapat na ba iyon? Huwag niyo akong patawanin." sarkastikong pahayag ni Caedmon habang nangungutya ang tingin nito sa Reyna na nasa kanyang harapan.

"Caedmon!" saway naman sa kanya ng kanyang Lolo Eldoris na nananatili lamang nasa tabi ng matandang asawa nito.

Wala itong magawa o halos masabi upang maipagtanggol man lang ang apo dahil mananatiling na kay Nerida ang otoridad sa ilalim ng karagatan.

"Alam niyong kayang linlangin ng mga mata ang utak ng isang tao. Hindi lahat ng bagay na nakikita ng mga mata ay tama at totoo. Minsan, kailangan niyo rin mag-imbestiga at isantabi ang personal niyong emosyon at baka sakaling malaman niyo rin ang katotohanan." makahulugang pahayag ng binata at muli itong nag-iwas ng tingin sa dalawang matanda.

"Sinaksak mo ang sarili mong pinsan, Caedmon! Hindi pa ba sapat na dahilan ang pagnanais mo sa trono ng Naia para gawin iyon?" may pagbibintang na saad ng Reyna at hindi na nakatiis pa si Caedmon kundi ang marahas na harapin ang reyna dahil sa pambibintang na ito.

"Tingin niyo ba talaga magagawa kong saktan si Attina?" nanghahamon niyang pahayag dahilan para hindi halos makasagot ang dalawa sa kanya. "May mga kapatid akong babae kaya kailanman ay hindi ko makakayanang saktan ang mga babaeng kadugo ko. Kung sino man ang sumaksak sa kanya, hindi ako iyon."

Reincarnated as the Seventh Princess (Book 2/3) (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon