CHAPTER 12

12.6K 612 70
                                    

Talaga ba?

KABADO ako habang hinihintay na mag-load ang website kung saan naka-upload ang resulta ng licensure exam. Magkatabi kami ni Zia rito sa computer shop.

Napapikit ako nang unti-unti nang lumabas ang listahan. Pakiramdam ko parang inaasar pa ako ng internet connection dahil mabagal. Parang nagpapa-suspense pa. Agad kong hinanap ang apelyido ko.

"Yes!"

Napatayo ako sa upuan sabay talon sa sobrang tuwa. Napatingin tuloy sa akin ang nagbabantay ng computer shop, pati na rin ang iba pang customers.

Pumasa ako! Licensed teacher na ako!

Sobrang bilis ng tibok ng puso ko. Nang kumalma na ako ay muli akong umupo saka tiningnan ulit ang listahan. Hinanap ko rin ang pangalan ng iba ko pang classmates, pati na rin ang kay Zia.

Pero natigilan ako nang mapansin ang pananahimik ni Zia. Hinanap ko ang pangalan niya. Kumurap-kurap pa ako kung totoo nga ang nakikita ko, pero hindi ko talaga makita.

"Besh?"

Humarap siya sa akin na namumula ang kanyang mga mata. Nagbabadya ang mga luha roon.

"Besh..."

Umiling siya, na tila sinasabi niya sa akin na okay lang siya.

"Out na  po sa 8 at 9," malakas na sabi ko saka nag-abot ng pambayad sa nagbabantay.

Pagkatapos kong makuha ang sukli ko ay hinila ko na si Zia sa labas.

"Congratulations, Besh!" biglang sabi niya sabay yakap sa akin.

Napangiwi ako dahil hindi ko magawang maging masaya.

"Salamat, Besh! Sa wakas!" wika ko. Kunwari ay nakangiti ako.

Idinipa ko ang magkabilang braso ko at  nakapikit na tumingala sa kalangitan.

"Sa wakas, natupad na rin ang pangarap mo. Masaya ako para sa 'yo, Divina."

Hinawakan niya ako sa kamay saka muling niyakap. Natigilan ako nang maramdaman kong nabasa ang balikat ko.

"May masaya bang umiiyak?" untag ko. Tiningnan ko siya diretso sa mga mata.

"Masaya naman talaga ako. Ano ka ba?" Pasimple niyang pinahid ang mga luha niya ngunit tuloy-tuloy lang ang mga iyon sa pag-agos. Hinaplos ko siya sa likod.

"Zia Lynn..."

Naiyak na rin ako. Hindi ko kasi kayang maging masaya nang lubos. Pakiramdam ko isa akong ibon na walang pakpak.

"Ayos lang, Divina. Huwag mo akong intindihin. Ang mahalaga ay naabot mo na rin ang mga pangarap mo. Dapat nga mag-celebrate tayo, 'di ba? Tara, libre kita ng banana cue."

Hinila niya ako sa kamay pero hindi talaga ako mapakali. "Besh, sa tingin mo ba masisikmura kong magsaya nang ganyan ka?"

Napaiyak muli ako sa sobrang lungkot. Hindi kasi pumasa ang BFF ko. Paano ko naman isi-celebrate ang pagkapasa ko?

"Marami pa namang pagkakataon, 'di ba? Huwag kang titigil dahil kahit anong mangyari, nandito lang ako para sa 'yo, Zia Lynn," untag ko sa kanya. Sana kahit papaano ay gumaan ang loob niya.

Hinigit ko siya at niyakap. Humagulgol siya kaya nataranta ako..

"Tahan na, Besh. Huwag kang mag-alala, sasamahan pa rin naman kita kapag magre-review ka ulit at sasamahan din kita sa pag-retake. Kaya ngiti na, hindi bagay sa 'yo ang umiiyak, pumapangit ka."

Huminga siya nang malalim at ngumiti sa akin kahit may luha pa sa mga mata niya.

"Maraming salamat, Divina. Pero huwag mo na akong alalahanin. Kaya ko ito. Kakayanin ko. Ang mahalaga ngayon ay mai-celebrate natin ang tagumpay mo. Tara na?"

Against the WindTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon