CHAPTER 25

12.2K 572 65
                                    

December Blues

KANINA pa ako tinatawag ni Nanay na kumain pero parang wala akong lakas na bumangon at lumabas. Ang hirap pala kapag sekreto lang ang relasyon n'yo. Wala kang karamay pagkatapos ng break up. Nami-miss ko tuloy lalo si BFF Zia Lynn. Wala kasi akong mapagkuwentuhan bukod kay Bambi.

Isinubsob ko na lang ang mukha ko sa unan at doon humagulgol para hindi nila ako marinig ni Nanay. Pagkauwi ko kasi ay basta ko na lang itinapon ang maleta ko sa kuwarto saka nahiga sa kama at nagkunwaring pagod.

Hindi mawaglit sa isip ko ang mukha ni Puppy Gaston. Nakokonsensya ako sa ginawa ko pero ito lang ang naiisip kong paraan para matulungan siya.

"Sinabi nang ayaw ko na sa 'yo, eh! Hindi ka ba nakakaintindi? Hindi kita mahal kagaya ng iniisip mo. Akala ko rin mahal kita, pero hindi pala. Kaya hayaan mo na ako, puwede? Pakawalan mo na ako at huwag na tayong magkikita kahit kailan!"

Isinigaw ko iyon sa kanya nang niyakap niya ako mula sa likod. Nakita ko kung paano siya umiyak. Kaya nasasaktan ako. Hindi ko alam kung saan ako humugot ng lakas para masabi ang mga iyon sa kanya. Pero doble ang sakit na balik sa akin ng bawat masasakit na salitang binitawan ko.

Ngayon ko mas naintindihan na hindi kailangang pumasok sa isang relasyon ang dalawang tao kahit na nagmamahalan sila. May kanya-kanya silang responsibilidad kaya may mga taong kailangang magparaya for the greater good. Sapat na sa akin na naging akin siya kahit sa maikling panahon lang.

Ang saklap naman, hindi man lang kami nakapag-celebrate ng first monthsary.

Ngayon naiintindihan ko rin kung bakit tumandang dalaga si Tiyang Sol. Siguro mahal na mahal pa rin niya ang dating ex niya.

Hindi ko na rin kasi nakikita ang sarili kong makipagrelasyon sa ibang lalaki. Kay Puppy lang. Kaya tatandang dalaga na lang din siguro ako.

"Dave, gising mo nga ang ate mo. Mukhang wala siyang balak maghapunan," dinig kong utos ni Nanay sa kapatid ko.

Tumalikod ako at nagtalukbong ng kumot para magkunwaring tulog na tulog.

Naririnig ko ang mga yabag ni Dave papasok.

"Ate, kain na! Ate Divina!"

Niyugyog niya ako. Nagkunwaring umungot lang ako at hinampas siya sa kamay saka bumalik sa pagtulog.

"Ang hirap mo namang gisingin!" reklamo niya.

Mas mahirap kaya gisingin ang nagtutulog-tulugan kaysa mismong tulog. Nakonsensya ako nang slight dahil pati ang pamilya ko ay nadadamay sa kadramahan ng love life ko.

Buti na lang talaga at hindi na ako sinundan kanina ni Puppy pagkalabas ko ng unit niya. Nag-taxi lang kami ni Bambi pauwi. Siguro ay shocked pa rin siya sa ginawa ko. Paano ba naman kasi okay naman kami sa huling dalawang linggo ng pagtatrabaho ko roon.

"Nay, pagod yata si ate. Ayaw gumising," pasigaw niyang sabi.

"Hay naku, hayaan mo na nga lang 'yan. Baka pagod nga sa trabaho. Gigising din 'yan kapag nakaramdam ng gutom. Pakainin mo na lang ang aso niya."

Nakahinga ako nang maluwag dahil sa sinabi ni Nanay. Hinintay kong lumabas ng kuwarto si Dave bago ko tinanggal ang kumot na nakatakip sa mukha ko. Kapag lumabas kasi ako ay tiyak na mapapansin nila ang pamumula ng mga mata ko dahil sa pag-iyak.

Napansin kong umiilaw ang cellphone kong luma. Naka-silent kasi iyon. Iniwan ko sa condo ang cellphone na bigay ni Puppy. Nang tingnan ko ay siya pala ang tumatawag. Kinuha ko iyon saka pinatay.

Pinilit kong matulog kahit na ayaw akong dalawin ng antok. Inabot ako ng madaling araw sa kaiisip ng mga nangyari. Kung hindi pa bumigat ang mga mata ko dahil sa kaiiyak ay hindi pa ako nakatulog.

Against the WindTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon