3•6 - In the Treetop

290 18 0
                                    

6 - In the Treetop



"Kali!"



Hinila kaagad ako ni Tyler palayo sa matandang babae. Sa sobrang nakakatakot ng hitsura niya, napatakbo kaming lahat papunta sa isa sa mga kwarto. Hawak-hawak pa rin ni Tyler ang kamay ko nang makapasok kami.



"Okay ka lang?" tanong niya nang mapansing naghahabol ako ng paghinga. Sinapo niya ulit ang noo ko at napamura na lang siya. "Tangina."



"Okay lang—" Hindi ko natapos ang sinasabi ko nang bigla niyang hinila ang magkabilang dulo ng jacket ni Jero na suot ko, saka ikinabit ang dulo ng zipper at isinarado 'yon hanggang sa pinakataas. Nagkatinginan pa kami nang umangat ang tingin niya. Hindi ko alam kung bakit para kaming naging awkward bigla.



Sa pag-iwas namin ni Tyler ng tingin sa iba, do'n ko lang napansin ang kabuuan ng kwartong pinasok namin. At ang katotohanan na kaming dalawa lang ang nandoon.



"Sina Gia?" Nagsimula akong kabahan. Paano kami nagkahiwa-hiwalay? Iisang pinto lang naman ang tinakbuhan namin.



Tumakbo ako palapit sa pinto at pinihit ang door knob pero ayaw n'ong bumukas. Lumingon ako kay Tyler. "Naka-lock!"



Lumapit din siya at sinubukang puwersahin ang door knob at ang pinto mismo, pero tulad ng pinto sa unang kwarto na pinasok namin, hindi 'yon bumukas.



"Tyler, ano'ng gagawin natin?! Bakit tayo napahiwalay?! Baka mapano sila—"



"Kali! Kali!" Hinawakan niya ang magkabilang pisngi ko at ihinarap ako sa kaniya. Diretso ang tingin niya sa mga mata ko. "Wala nang mamamatay."



Humugot ako ng malalim na hininga at tumango. Nang bitawan ni Tyler ang mga pisngi ko, dumiretso ang isa niyang kamay sa kamay ko.



"Okay..." kalmado nang sabi ko. "May dahilan kaya tayo pinapapasok o pinapalabas kanina. May mangyayari. Pero magkakahiwalay tayo. Satin ba, o sa kanila? May—hindi, walang mamatay. Walang mamamatay—"



Hindi ko namalayang nagpa-panic na pala ako ulit. Naramdaman ko lang ang pagpisil ni Tyler sa kamay ko. Napatingin ako sa kaniya at sinubukan ko ulit huminga nang malalim.



"Baka may nakatagong daan dito," sabi niya. Nagsimula siyang maglakad paikot sa kwarto nang hindi binibitawan ang kamay ko.



Halos katulad din lang ang kwarto n'ong kwarto kung saan namin naiwan si Jing. Mas malaki lang nang kaunti at mayro'ng study table at malaking shelf na punong-puno ng mga libro.



Nakaramdam ako ng comfort dahil sa mga librong 'yon. Kahit naman noong una, pinilit ko lang ang sarili ko na palaging magbasa, iba na ngayon sa pakiramdam ko kapag lumipas ang isang araw nang hindi ako nakakahawak ng libro. Para bang kusang gumalaw ang libreng kamay ko para hawakan ang spine ng mga librong maayos na nakasalansan.



Unti-unti nang kumukurba pataas ang mga labi ko para ngumiti nang mabasa ko ang nakasulat sa spine ng isang libro. "In the treetop..."



"Huh?"



Napalingon ako kay Tyler saka itinuro sa kaniya ang libro. "Nasa lyrics 'to n'ong kinakanta ng matandang babae kanina."



Tumingin muna ulit sa 'kin si Tyler bago walang sabi-sabing kinuha ang libro. Aawatin ko sana siya, pero huli na.



~ Rock a bye baby, on the tree top. When the wind blows the cradle will rock. ~



Hinila ako ni Tyler para mas lumapit sa kaniya habang dahan-dahan kaming lumilingon sa likuran namin, kung saan bigla na lang tumugtog ang parehong nursery rhyme na kinakanta ng matandang babae.



"When the bough breaks the cradle will fall. And down will come baby, cradle and all."



Napahigpit din ang kapit ko sa kaniya noong kusang bumukas ang cabinet na katabi ng kama. Pigil ang hininga ko habang hinihintay ang kung ano o kung sino man na lalabas do'n.



Gano'n na lang ang pagkalito naming dalawa nang isang LED screen ang lumabas mula sa cabinet.



"Anong—"



Napatalon ako nang biglang nabuhay ang screen kasabay nang malakas na static. Saglit lang, ipinakita sa screen ang isang kwarto na halos katulad lang ng kinaroroonan namin.



"Si Herbert," halos walang boses na nasabi ko nang makita siyang nakatali sa kama. Hinila ko si Tyler para lumapit kami sa screen at makita nang malapitan ang nangyayari. "Bakit—"



Biglang lumitaw sa screen ang matandang babae. Humarap pa mismo siya sa camera na para bang nakikita niya kami. Kinilabutan ako dahil sa tingin niya.



"Tyler, ano'ng gagawin niya kay Herbert?" wala sa sariling naitanong ko.



Hindi na kinailangang sumagot ni Tyler nang biglang kumanta 'yong matanda.



"Rock a bye baby, on the treetop."



Hinila niya ang isang trolley cart na may nakapatong na malaking palanggana ng tubig at isang bimpo na para bang pupunasan niya si Herbert. Parang nanay lang na inaasikaso ang anak niya. Pero napakunot ang noo ko nang magsuot siya ng makapal na gloves.



"When the wind blows the cradle will rock."



Inilublob niya ang bimpo sa tubig at para bang huminto ang mundo noong mapansin ko ang usok na nagmumula do'n.



"Herbert—"



Napabitaw ako kay Tyler at napaupo sa sahig nang umalingawngaw sa LED screen ang malakas na sigaw ni Herbert nang dumampi sa mukha niya ang bimpo. Pinipilit niyang gumalaw pero nakatali ang magkabilang kamay at paa niya sa bawat sulok ng kama.



"When the bough breaks the cradle will fall."



Patuloy pa rin sa pagkanta 'yong matandang babae, kasabay ng mga sigaw at iyak ni Herbert. Paulit-ulit niyang inilublob ang bimpo sa mainit na tubig saka idadampi sa iba't ibang parte ng katawan ni Herbert.



Hindi na ako nakagalaw noong humarap ulit 'yong matandang babae sa camera. Ngiting-ngiti siya sa screen habang kinakanta ang huling linya. "And down will come baby, cradle and all."



May kakaibang diin sa huling word ng kanta at nagkaroon na ako ng ideya sa mangyayari. Pero hindi ko pa rin napigilang mapaiyak nang makita kung paanong ibinuhos niya ang mainit na tubig sa ulo ni Herbert.



Si Herbert na mismo ang umuusok matapos ang ginawa ng matanda. Hindi na siya sumisigaw. Hindi na rin siya gumagalaw.



Bumukas ang pinto nang nasa sahig pa rin ako, hindi makapaniwala sa napanood namin, iniisip kung gaano kasakit 'yong pinagdaanan ni Herbert bago siya namatay.



May namatay.



May namatay pa rin.



"Kali!"



Nagulat pa ako nang mapagtantong si Gia ang nakayakap sa 'kin. Nang mag-angat ako ng tingin, doon ko lang nalaman na nando'n na rin ang iba. Siya, si Jero, si Maco, at si Yoel. Tapos kami ni Tyler.



Ilang oras lang ang nakakalipas, sampu kami.



;

Scarper HouseTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon