KABANATA 61

2.7K 173 47
                                    

 Senda's P.O.V.

"Mahal na Prinsesa!" Sabay-sabay na wika ng mga Lamabanang unang nakakita sa akin sa paglabas ko mula sa loob ng palasyo. Hindi ako sanay nang tinatawag akong gayun kaya hindi ko sigurado kung paano ako sasagot o magpapakita man lang ng kahit anong reaksiyon. Lalo akong nailang at hindi mapakali nang isa-isa nang nagsipagyukod ang mga ito sa aking harapan; tumatangis at naghihinagpis na tila maliliit na karayom na sabay-sabay na tumatagos sa puso ko.

"Mahal na Prinsesa wala na si Nana Maria." Wika ng isa sa mga nakayukod babaeng hindi ko na matukoy kung sino nang dahil na rin sa dami nila na halos magkakahawig at pareparehas ng ayos at kasootan.

"Wala na si Dalisay," sabi naman ng isa pa, "wala na rin si Agatha," hanggang halos sabay-sabay na silang nagsasalita at nagsusumbong sa akin tungkol sa kung sino-sino pa ang nasawi.

Halos mabingi na ako nang maglaon; dumating na ito sa puntong ni isa sa napakaraming sinasabi nila ang hindi ko na maintindihan.

"Senda!" Halos gumapang at nagkakandarapa si Patruska sa pagsugod sa kinatatayuan ko, ngunit kakaiba kumpara sa lahat ang ekspresyon ng kanyang mukha. Napakatalim ng tingin nito sa akin na tila nanggigigil ito sa galit. "Saan ka nanggaling, ha?" Pabigla nitong hinablot ang kanang braso ko. Nasaktan ako kaya pilit kong binabawi ito, ngunit ayaw naman nito itong bitawan. "Ikaw ba ang may dahilan kung bakit bigla na lang pumutok sa galit sa amin ang Panginoong Lucio? Sinasabi ko na sa 'yo, pag-iingatan mo ang pasasalita at pakikipag-usap sa kanya, 'di ba?!" Sinampal ako nito. Pinipilit itong pigilan ng ibang mga kababaihan ngunit nasampal pa rin ako nito sa kabilang pisngi. "Anong sinabi mo sa kanya, ha?! Ano?!"

Niyakap ko ang sarili ko at umatras papalayo sa kanya. Mabuti na lamang at may isang grupo ng kababaihan ang humahawak at pumipigil sa kanya kaya hindi na nito ako malapitan.

Hindi ako makapagsalita; saglit na napaisip. Pilit ko inaalala kung ano-ano ang mga sinabi ko kay Lucio bago kami umalis ni Luis mula sa palasyo kanina.

Nagalit nga kaya ito sa naging asal ko?

Hindi kaya nito nagustuhan ang mga sinabi ko sa kanya?

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2019, All rights reserved.

Ako nga ba ang pinag-ugatan ng trahedyang ito?

"Ano, bakit hindi ka makapasalita?!" Nagpatuloy ang pagbulyaw sa akin ni Patruska,

"dahil alam mong may kasalanan ka, 'di ba? Pinigilan kita, pero anong ginawa mo? Nagtapang-tapangan ka! Sinabi ko na sa 'yo, pag-iingatan mo ang bawat sasabihin mo sa Panginoong Lucio! Hindi puwedeng basta-basta ka na lang susugod lalo't hindi mo naman siya kilala! Sino ka ba sa akala mo? Paano mo ngayon susulusyunan ang problemang ito? Paano mo maibabalik ang mga buhay na nawala?! Alam mo?" Dinuro ako nito nang may halong panggigigil, "anak ka nga ng Tatay mong ubod ng 'yabang! Parehas lang kayong masyadong mataas ang tingin sa sarili, pero hindi naman kayo marunong gumamit nito!" Itinuturo nito ang kanyang sentido, "at kapos dito!" Itinuro nito ang kanyang puso. "Mag-ama nga kayo!"

Masakit pakinggan ang mag tinuran nito. Lalo't ngayon lamang may nakapagsalita sa akin ng ganito katindi. Bagaman hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko nang ikinumpara nito ako sa aking Amang hindi ko naman kilala bukod sa pangalan nito, para namang madudurog ang puso kong malaman na may posibilidad ngang ang pagsugod ko kay Lucio and naging mitsa upang isagawa nito ang karumaldumal na pangayayari laban sa mga kababaihan—partikular na ang mga Lambanang pawang mga dayuhang naninirahan sa kaharian ni Lucio.

"Bumalik ka na sa lupa!" Nagpatuloy ang paninigaw nito sa akin. "Nagkamali ako ng pag-aakalang ikaw ang makapagliligtas at ang makapagbibigay ng bagong pag-asa sa amin. Kabaligtaran lamang pala ang idudulot mo sa amin. Salot at hindi suwerte! Kabiguan, sa halip na tagumpay. Ngayon alam ko na kung bakit nag-iisa ka at maging ang sarili mong mga kadugo ay ayaw sa 'yo. Malas ka! Puro kamalasan lang ang dulot mo! Isa kang salot kaya itinatakwil ka ng kahit sino! Umalis ka na rito! Alis at huwag ka nang magpapakita sa amin."

Akmang susugurin ako nito ngunit muli na naman itong napigilan ng mga kababaihan. Masyadong masakit para sa akin ang mga binitiwan nitong salita kung kaya hindi ko na napigilan pa ang mapaluha. Mga salitang tumatagos sa pagkatao ko dahil sa talim at talas ng katotohanang nangmumula sa bibig ng ibang tao. Mga katotohanang sumasalamin sa mga samo't saring mga katanungang hinahanapan ko ng kasagutan buong buhay ko

Bakit nga ba ako nag-iisa?

Bakit ayaw sa akin ng mga sarili kong kadugo?

Bakit ayaw nila akong makasama?

Isa nga kaya akong salot?

Isang malas na puno't dulo nga lahat ng mga kasawiang sinasapit ng kung sino man ang nagtatangkang mapalapit sa akin?

***

Wala namang duda na gusto ko na talagang umuwi sa lupa. Nais ko nang bumalik sa munti kong kubo, kaparisong lupa at sa aba at tahimik kong pamumuhay. Sino ba ang nagdala sa akin sa Edenus? Hindi ba't sila? Sila naman ang dahilan kung bakit hindi ako makauwi, kaya ang dapat ay masaya na ako ngayon na makakauwi na ako nang maluwalhati at walang humahadlang. Ngunit bakit ang bigat ng aking pakiramdam? Bakit kaya tila hindi ko maihakbang ang aking mga paa habang inihahatid na ako ng tatlong mga Lambana patungo sa lagusan?

Ah...mabigat dahil binabagabag ako ng aking kunsensiya. Hindi halos kayanin ng pagkatao ko ang bigat na nararamdaman ko sa puso ko dahil sa hindi mabilang na dami ng mga nilalang na napahamak nang dahil sa akin. Isa itong mabigat na pasaning marahil ay bibitbitin ko na sa habang panahon. Isang madilim na pangyayaring magtatanggal sa akin ng karapatang ngumiti at maging masaya pa sa kahit anong kadahilanan. Nakapaglalakad pa ako ngunit animo'y isa na akong bangkay na iminamartsa sa aking huling hantungan. Bumabagtas patungo sa dating destinsyon na may iba nang ayos at anyo.

Trahedya nga siguro ang mamatay; ngunit hindi hamak na mas malala ang manatiling humihinga habang iniisip ko kung gaanong karaming paghinga ang hindi na mangyayari pa ng dahil sa akin.

Bumalik man ako sa aking makulay na buhay, ay hindi na magiging luntian pa ang tingin ko sa mga damo. Hindi na rin rosas at iba-iba pang magaganda at matitingkad na kulay ang mga bulaklak. Hindi na rin bughaw ang langit. Hindi ko na makikita pa ang pagkakaiba ng kahel sa dilaw, dahil simula kanina at sa araw na ito ay wala nang kulay ang mundo ko. Ang lahat ng kulay sa mundo ko ay magmimistula na lamang na madilim na puti, abo, at itim.

[ITUTULOY]

My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon