Bola 66

416 35 1
                                    


Bola 66

TUMUNOG na ang buzzer at ang silbato ng referee. Hudyat iyon na ang second quarter ay magsisimula na. Si Kier, seryosong napatingin sa bench ng Panthers. Napasulyap siya kay Suarez na kanina ay bumigla ng paghataw sa opensa. Kung hindi nila ito mapipigilan ay baka makalamang na ng tuluyan ang kanilang mga kalaban.

"Pero hindi ko iyon hahayaan," sambit ni Kier. Sandali rin siyang napatingin kay Mendez. Nairita siya sa totoo lang, gusto niyang magpakitang-gilas ito, kaso kung mangyayari iyon ay baka mahirapan na silang makalayo ng puntos sa mga ito. Nagtatalo sa isip niya ang kagustuhang maging magaling si Mendez, at ganoon din ang kagustuhan niyang manalo sila.

"Marius, hahataw tayo ngayong second half!" wika ni Kier sa kanilang center. Kasunod nilang naglakad si Garcia, ang kanilang shooting guard at sinabing siya rin.

"Camilmil ang sunod nating makakalaban, ang defending champion!" sambit pa ni Alcala ang kanilang small forward at pumasok sa loob ng court ang mga players ng Lumangbayan na hindi na pagod at handang-handa na.

Pumasok naman si Mendez sa loob ng court na nagtatatalon at nagbabanat ng mga braso. Nag-squat pa nga siya nang ilang ulit at pagkatapos ay napatingin siya sa kanyang mga kakampi nang nakangiti.

"Ano Ricky Boy? Okay ka na?" tanong ni Manong Eddie sa kanya.

"Game na Manong!" winika ni Ricky at napatingin naman dito si Martin. Ito ay ang Mendez na nakasanayan niyang makita kapag naglalaro.

"Go Ricky!" sigaw naman ni Andrea at sinundan din ito ng malakas na cheer mula sa tatlo niyang kaibigan.

Ang labi ni Ricky ay napangiti at humanda na ang kanilang koponan nang mahawakan na ni Cunanan ang bola mula sa inbound pass ng kanyang kakamping si Montoya. Ang second quarter ay nagsimula na. Kasabay ng malakas na cheer mula sa marami ay siya ring pag-alingawngaw ng tunog ng tumatalbog na bola mula sa kamay ng naka-silver na jersey na si Kier.

Narating ni Kier ang side nila at nabigla siya nang sugurin siya ni Ricky. Naalerto siya at mabilis na inilayo ang bola mula sa kalaban. Kaso sa ginawa niyang iyon ay mabilis na humakbang ang kanyang bantay. Kasunod noon ay ang pagsilay sa ngiti sa labi nito dahil ang bola ay mabilis na naglaho sa kanyang mga palad.

Isang steal ang naibungad ni Ricky laban kay Kier!

Nabigla roon si Cunanan, pero mabilis na gumalaw ang team ng Lumangbayan. Kumaripas kaagad sila ng takbo papunta sa side ng Canubing nang makuha ni Mendez ang bola. Kung sakali mang may fastbreak na mangyari ay mapipigilan nila. Pero, marahan na bumaba si Ricky sa side nila. Hinintay nito ang pagdating ng kanyang mga kasamahan.

Napangiti na lang si Kier sa ginawang iyon ni Mendez. Dinepensahan niya kaagad ito. Sa pagtatama ng kanilang mga mata ay nagngisian ang dalawa.

"Game na Kier," sambit ni Ricky. Kasunod noon ay ang mabilis na pag-drive nito sa bola.

Sinabayan ni Cunanan ito kaso nang pagmasdan niya ang bola sa kamay nito ay wala na ito roon.

"N-nasaan ang bola?" tanong ni Kier sa sarili na mabilis na napatingin sa mga kakampi ni Mendez. Bigla na nga lang siyang sinandalan ni Ricky at nakita niya ang bola sa mga kamay ni Suarez na mabilis na pumwesto sa three-points arc sa kaliwa nila.

Nakita pa nga niya ang pagtalon ng defender nitong si Garcia, ngunit, pinakagat lang ito ni Martin at nagpatalbog pa ng isa. Nang pababa na mula sa taas ang defender ni Suarez ay dito pa lang ito tumalon upang ang bumitaw ng isang tres.

Umalingawngaw na lang bigla sa loob ng court ang malakas na pagsampal pabalik ni Montoya sa bola. Nagawa pa rin nitong i-block ang tira ni Suarez na ikinagulat ng mga naka-itim. Ang bola ay dumiretso sa kabila na mabilis na nakuha ni Garcia. Napakabilis ng pangyayari. Ipinasa kaagad nito ang bola papunta sa tumatakbo nang si Cunanan.

KINBEN II (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon