Kabanata 5: Dilat ang Mata

26 4 0
                                    

KABANATA 5: DILAT ANG MATA





Nilalamig ako at hindi ko pa rin mahanap ang antok ko kahit lagpas madaling araw na. Ilang beses akong nagpagulong-gulong sa higaan ko, nagtalukbong ng unan, binalot ang sarili sa ilalim ng kumot, at dumapa pero gising na gising pa rin ang diwa ko.

Tahimik na ang buong lugar at tanging ingay na lamang ng kuliglig ang naririnig ko sa paligid. Sa sobrang tahimik, naririnig ko rin ang mga kamay ng orasan na gumagalaw sa bawat segundo. Hindi ko alam kung bakit, pero kakaiba ang dulot sa akin ng katahimikan ngayon. Hindi ko man ginugusto, pero kusang bumabalik sa isipan ko ang mga kakatwang pangyayari na nakita ko sa mga nagdaang araw.

Partikular na ang masamang panaginip na naranasan ko sa byahe namin kahapon.

Dahil sa dami ng mga pinagkaabalahan ko nitong mga nakaraang araw dahil sa burol ni Maureen at pag-eensayo para sa paparating na graduation, muntik ko nang makalimutan ang nangyari sa palikuran ng paaralan namin isang araw bago matagpuan ang katawan ni Maureen.

Nakakapagtakang nakita ko ang repleksyon niya na kamukhang-kamukha sa lagay ng labi niya nang makita namin siya kinabukasan. Kinikilabutan ako sa tuwing iisipin na nagkataon lamang ang pagkamatay niya matapos ko siyang makita sa salamin dahil imposibleng namalikmata lang ako no'ng oras na 'yon. Walang ibang tao sa loob ng banyo bukod sa akin kaya sigurado ako sa nakita ko. Ang hindi lang malinaw sa akin ay kung bakit ako.

Bakit sa akin nagpakita ang repleksyon ng kaluluwa ni Maureen bago siya mamatay?

Hindi ko rin batid kung may kinalaman dito ang tatlong anino na nakita ko noong huling lamay ni Maureen. Alam kong hindi pangkaraniwang anino ang mga nakita ko dahil pawang mga nakahiwalay ang mga ito sa may-ari nila. Kung tutuusin, madali ko sanang nakita ang mga may-ari ng mga anino na 'yon kung hindi lang sana dumaan ang isang sasakyan sa kalsada kung saan tumawid ang mga ito—bagay na hanggang ngayon ay ipinagtataka ko pa rin.

Paanong biglang nawala ang mga anino nang gano'n kabilis?

Napabalikwas ako sa higaan nang may marinig akong ingay sa ibaba, sa may kusina.

Naisip ko na baka daga lang ulit 'yon gaya ng palagi, pero ilang beses kong narinig ang pagkalansing ng mga kubyertos. Parang kinakalikot ang mga ito at sinasadyang paingayin.

Dahil sa kuryosidad at pagaalala na baka pinasok kami ng magnanakaw, tumayo ako sa higaan at dahan-dahang naglakad palabas ng kwarto para tingnan kung saan nagmumula ang ingay.

Patay ang lahat ng ilaw dito sa itaas hanggang sa may hagdan pababa sa may salas kaya maingat at mabagal akong naglalakad. Tahimik ko mang tinahak ang daan pababa pero gumagawa pa rin ng kaunting ingay ang paglapat ng paa ko sa sahig sa tuwing hahakbang ako. Nakadagdag ito sa kabang bigla ko na lang naramdaman lalo pa nang makarinig ako ng bagong kalabog na nagmumula pa rin sa kusina.

Napagdesisyunan kong kuhain ang walis tambo na nakita kong naiwan sa gilid ng pasilyo bago ang hagdan. Mas mabuti nang handa ako kung sakali mang napasok nga kami ng magnanakaw.

Marahil malalim na ang tulog ng mga magulang ko sa silid nila kaya hindi nila naririnig ang ingay sa kusina.

Ilang hakbang ang ginawa ko bago tuluyang malagpasan ang hagdan. Ngayon ay nasa unang palapag na ako ng bahay namin at agad akong naglakad diretso papunta sa kusina. Bukas ang ilaw dito dahil ito lang ang tanging parte ng bahay namin na hindi namin pinapatay ang ilaw tuwing gabi. Kung meron mang tao rito ay agad kong mapapansin kahit malayo pa ako. Pero wala akong nakita na kahit sino. Walang bakas o hulma ng tao.

Hiram na AninoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon