Kabanata 10: Sa Ilalim ng Lamesa

15 2 0
                                    

KABANATA 10: SA ILALIM NG LAMESA






AMOY NA AMOY ko ang aroma ng kape at nakakatakam na amoy ng tinapay. Hindi ko mapigilan ang sarili ko na sundan ng tingin ang bawat kapeng dadaan sa harapan ko kapag may ise-serve na order sa kabilang table.

Hinihintay namin ni Addy ang order namin at tahimik lang kaming nakamasid sa mga tao sa loob ng cafe.

Niyaya ako ni Addy lumabas ngayong araw dahil kakatapos lang ng midterm exams namin. Halos sabay lang ang campus calendar ng universities namin kaya kakatapos lang din ng midterm exams nila para sa unang semester. Naisip niyang yayain ako para magkape.

Kasama dapat namin si Isabella ngayon, pero hindi sumama sa akin si Isabella nang alukin ko siyang sumama. Alam kong alibi lang niya na may kailangan pa siyang tapusin nang sabihin kong si Addy ang kasama ko.

"Nakausap mo na ba ang iba nating mga kaibigan?" tanong ko sa kaniya nang mapunta na sa gawi niya ang mukha ko. Nakita kong diretso siyang nakatingin sa akin kaya minabuti ko na lang na magtanong kaysa hayaan siyang nakatitig lang sa mukha ko.

Umiling siya. "Bukod kay Renald, wala na akong iba pang nakausap ulit pagkatapos ng huli nating pagkikita-kita," tugon niya.

Suminghap naman ako ng hangin bago tumango-tango.

Matagal-tagal na rin nang huli kaming magkita-kitang magkakaibigan. Nang magsimula ang unang sem sa kolehiyo, nawalan na kami ng oras para magkita-kita pa. Pero bukod do'n, malaking epekto ang naidulot ng huli naming pagtatalo sa estado ng relasyon namin sa isa't isa.

Hanggang ngayon ay mainit pa rin ang dugo ni Isabella kay Tyrese at hindi ko naman siya masisisi kung gano'n ang nararamdaman niya. Ilang beses ko man amyendahan ang isip niya, 'di ko naman hawak ang nararamdaman niya kaya wala rin akong magawa.

Alam ko naman na may value pa rin ang pagkakaibigan naming lahat. Siguro matagal lang talaga bago lalamig ang sitwasyon sa ngayon. Hindi ko rin ma-imagine kung sakaling tatagal na ganito ang sistema naming magkakaibigan habang buhay.

"Kumusta pala ang professors niyo?" random na tanong ni Addy nang dumating na ang order namin. Ilang random na tanong pa ang binato niya sa akin kaya hindi kami naubusan ng pag-uusapan habang inuubos ang kape at tinapay na binili namin sa cafe.

Halos isa't kalahating oras ang lumipas bago bumuhos ang malakas na ulan.

"Mukhang gagabihin tayo," ani ko.

Hindi sumagot si Addy, bagkus tiningnan lang din niya ang pagpatak ng ulan sa glass window ng gusali. Sabay naming pinanood ang pagpatak ng ulan at tanging ang ingay lang nito at ng mga taong nag-uusap sa paligid namin ang namayani sa pagitan naming dalawa.

"Naniniwala ka ba sa sinabi ng nanay ng tsuper?" bigla kong tanong. "Tingin mo ba may sense ang sinabi niya noong araw na 'yon?" dagdag ko pa.

"Siguro," aniya. "Hindi ko masasabi na may punto ang sinabi niya, pero hindi ko rin naman kayang sabihin na wala 'yong katuturan. Gusto kong maniwala dahil hindi ako makatulog sa tuwing iniisip ko na aksidente lang ang sunud-sunod na pagkawala ng mga kaibigan natin. Pero hindi ko naman din masabi na may ibang dahilan—bukod sa paliwanag ng matandang babae—sa nangyari sa kanila."

Pareho kaming natahimik sandali.

"Sa tingin mo, kung sakaling totoo man ang sinabi ng matandang babae. Susunod na ba tayo sa mga kaibigan natin?" tanong ko. Nakita ko sa mga mata niya na hindi niya inaasahan ang tanong ko na 'yon.

Hiram na AninoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon