Fourteenth Dream

429K 24.7K 9.3K
                                    

Fourteenth Dream

Nadatnan ko si Nanay na nakaupo sa labas ng operating room.

May hawak-hawak siyang panyo at pinupunasan niya ang mga luhang bumabagsak sa mata niya.

Ipinaliwanag ni Nanay sa akin ang nangyari. Appendicitis ang dahilan kung bakit isinugod si kuya. Buti na lang nadala siya agad dito. Sa ngayon ay ino-operahan na siya pero sabi ng mga doktor eh magiging ayos na ang lagay niya.

Pero kahit sinabi na ng doktor na magiging maayos si Kuya, patuloy pa rin ang pag-iyak ng Nanay. Sunod-sunod na luha ang bumabagsak sa mata niya. At alam ko kung ano ang dahilan. Wala kaming maipapambayad sa ospital.

Hindi ko magawang tingnan si Nanay pero rinig na rinig ko pa rin ang mga hikbi niya. Ang sakit talagang makita at marinig na umiiyak ang nanay mo. Ang sakit makitang nahihirapan siya.

Parang dinudurog ang puso ko. Pakiramdam ko wala akong kwenta. Wala akong magawa. Hindi ko alam ang pwede kong gawin ngayon.

Gusto kong tumakas. Gustong-gusto kong tumakas.

Naalala ko dati nung nanakawan kami. Naalala ko ang tunog ng hagulgol ni Nanay. Ang pagmamakaawa niya sa iba naming mga kamag-anak para pautangin siya. Ang hindi niya pagtatanggol sa sarili niya sa masasakit na salitang binitiwan nila nung nangungutang si Nanay.

Nagpakababa siya noon. Tiniis niya 'yun.

Para lang may perang mapagkuhanan ng pangkain namin.

At ako? Nakatingin lang mula sa malayo. Umiiyak lang. Pero wala rin akong magawa nun.

Wala akong kwenta.

Bigla akong may naalala. Napatingin ako kay Nanay.

"Nay, uuwi lang po muna ako sa atin. Kukuha lang ako ng pera."

Napalingon sa akin si Nanay.

"Anak..." protesta niya.

Nginitian ko siya at hindi ko mapigilan ang pagbagsak ng luha sa mata ko.

"Ngayon, mas mahalaga si Kuya. Magiging okay rin ang lahat."

Tumango si Nanay at kasabay nun at ang paghagulgol niya ng iyak. Pinigilan kong 'wag maiyak. Kailangan kong magpakatatag. Kailangan kong makayanan 'to.

Umuwi agad ako sa amin at dumiretso sa kwarto ko. Binuksan ko ang cabinet namin at sa kaila-ilaliman nun ay may isang maliit na kahon na may lamang pera.

Perang inipon ni Nanay para sana sa college ko. Perang pinaghirapan ko rin at kinita ko sa pagtitinda ng gulay sa palengke.

Alam kong kahit makakuha ako ng scholarship, kailangan pa rin namin ng panggastos para sa college ko. Mahal ang mga kagamitan sa Architecture. Kailangan ng extra money.

Kaya lang...

Mas importante si kuya.

Nanginginig ang kamay ko nang kinukuha ko ang pera sa kahon.

Ba't ba nangyayari sa akin 'to? Ba't nangyayari 'to sa reality ko?

Bakit kung kailan nakikita ko na ang ganda ng reality ko at saka pa kailangang may mangyaring ganito?!

Lucid DreamTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon