Case 1-A: Backmasking

113 11 3
                                    

A/N:  Ang  Backmasking ang unang istorya sa Pinoy Horror Stories

***

Nakatayo sa labas ng presinto si Patty.  Nag-aalangan pa siyang pumasok sa loob dahil mukhang puro lalaki ang nandoon.  Hindi niya naman akalain babagsak siya sa mundo ng mga kalalakihan.  Hindi naman lingid sa kaalaman niya na may mga pagkakataon na humihingi ng tulong sa mga psychic ang mga kapulisan sa pagresolba ng kaso ngunit ngayon niya lamang yata narinig na bubuo ang mga ito ng isang special unit na kabilang ang mga gaya niya.  Lihim na lamang siyang nagdasal na sana naman ay hindi siya nag-iisang babae doon.

Nakapwesto siya sa ilalim ng puno habang sinusubukang iwasan ang sikat ng araw na tumatagos sa mga siwang ng dahon.  Manakanakang hahangin at babagsak ang mga tuyong dahon.  Napaka-presko ng hangin kahit na sabihing nasa  siyudad pa siya.  Huminga siya ng malalim ngunit saktong paghinga niya ay biglang napuno ng usok ang kaniyang lugar.  May isa palang pulis na malapit sa kanya na ganoon na lamang ang paghithit buga sa sigarilyong hawak nito.

Tiningnan niya ng masama ang pulis, umaasa na lalayo ito sa oras na mapansin ang pagkairita niya.  Ngunit sa halip na lumayo ito ay kinindatan pa siya nito sabay sabing, "Gwapo ba?"

Lalo namang nairita si Patty sa kahambugan ng binata.  Manhid yata at hindi alam na nakakaperhuwisyo na ito sa kanya.  Isa siguro ito sa mga pulis na walang alam kung hindi ang mangotong sa mga tao sa oras na ng kainan.  'yung tipong nanghaharang ng sasakyan at bibigyan ng kung anu-anong violation makakuha lamang ng pangmeryenda.

Sa totoo lang ay may itsura naman talaga ang pulis.  Naglalaro ang edad nito sa 24-26 anyos.  Makapal ang kilay nito at matangos ang ilong.  Bilugan ang mukhangunit litaw na litaw ang linya ng kanyang panga, idagdag mo pa doon ang malarosas na labi nito.  Nanghinayang tuloy si Patty nang makitang naninigarilyo lamang ito dahil alam niya na hindi magtatagal ay mangingitim ang mga labing iyon.  Ang mga mata niya ay maliliit na nawawala sa oras na ngumingiti siya.  Ngunit ang lahat ng iyon ay balewala kay Patty dahil nangingibabaw para sa kanya ang kahambugan ng pulis na ito.

"Makapasok na nga.  Nakakasira ng araw."  Padabog na nilisan ni Patty ang lugar na iyon.  Ngunit hindi pa nakuntento ang pulis na iyon sabay sumipol ng kanta na parang nakakainsulto.  Nilingon ni Patty ang pulis at binigyan ng matapang na tingin ngunit muli ay kinindatan lang siya nito.  Napasinghal tuloy si Patty sabay irap sa lalaki at dali-daling dumiretso sa loob ng presinto.

Sa loob ay lumapit si Patty sa may precinct desk upang ipaalam dito na naroon na siya.   Iyon kasi ang instruction sa kanya ng dalawang pulis kahapon.  Sabihin lamang daw ang pangalan niya sa may desk ngunit h'wag ipaalam sa mga ito ang dahilan kung bakit siya naroon.  Hanggat maari daw ay gusto nilang manatiling sikreto ang unit upang maging malayo sa panghuhusga ng lipunan.  Iniiwas nila na baka isipin ng marami na kulang ang kaalaman ng pulis sa pagresolba ng krimen at kahit sa mga psychic ay humihingi na ng tulong.

Agad namang tumayo ang pulis na nasa desk at kumatok sa opsina ng hepe.  Halata mong nasabihan na ito tungkol sa bagay na iyon at mukhang inaasahan din nito ang pagdating niya.  Binuksan niya ng kaunti ang pinto sapat lamang upang masilip niya ang kwarto at makita ang hepe.

"Sir, nandito na po siya."

Matapos iyon ay nakarinig ng isang malalim na boses si Patty na nagmula sa loob, inuutusan ang pulis na papasukin siya sa loob at nang makausap na siya nito.  Bumaling ang pulis sa kanya at sinabi sa kanyang makakapasok na siya at inaasahan na ng Hepe ang pagdating nila.

Nalito naman si Patty kung yuyuko, makikipagkamay o sasaludo sa pulis na tumugon sa kanya para magpasalamat.  Sa huli ay ngumiti na lamang siya at nagsabi ng 'salamat'.  Dahan-dahan niyang binuksan ang pintuan ng opisina. Lumangitngit ang pintuan ng opisina dahil sa bagal ng pagbukas niya.  Sumilip siya at nakita ang isang matandang nasa 45-50 anyos ang edad, maliit ito at may kabilugan.  May bigote na kulay puti na pati na rin ang buhok nito na hindi naman ganoong kanipisan.  Pansin na rin ang kulubot sa mukha nito at mukhang matagal na ang ibinibigay nitong serbisyo sa kapulisan.

Shinrei Investigation UnitTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon