"Ano'ng gayuma ang ginamit mo kay James?"
Tumaas ang isang kilay ni Francine nang inangat niya ang mukha sa pagkakasubsob sa mga papeles na kanyang binabasa. Nakatayo sa harapan niya ang magandang si May. Ano na naman ba ang ginagawa ng babaeng ito rito? Ang layo ng departamentong pinagtatrabahuhan nito, pero nagawa pa rin nitong pumunta rito para asarin siya. Alam kaya ng boss nito na andito na naman ang empleyado nito para lumandi kay James?
At bakit ba naiinis si Francine tuwing may ibang babae ang lumalandi sa boss niya? Pakialam ba niya kung gumawa na naman ng milagro at kababalaghanan ang dalawang ito. Bahala na sila sa buhay nila at nang tuluyan nang masunog ang kaluluwa nilang dalawa sa impyerno.
At bakit ba ganito na lamang katindi ang inis niya sa dalawa?
"Wala kang maisagot?" muling banat ni May sa kanya. "Baka naman binarang mo?"
Ang walanghiya, ginawa pa siyang mangkukulam? Mukha ba siyang bruha para mapagkamalang marunong mambarang? "Office hours pa ngayon, May. Ibig sabihin ay oras pa ng trabaho. At ang ibig sabihin no'n, bawal ang loitering dito kung wala ka namang pakay rito na work related."
"Si James ang pakay ko. It's reason enough para pumunta ako rito."
"Close na kayo para tawagin mo siya sa first name niya? Kung sabagay nagpalitan na nga pala kayo ng laway dati, kaya ganyan mo na lang kung tratuhin ang isa sa mga boss mo."
Ngumisi sa kanya si May. "If I know, pinagnanasahan mo rin ang boss mo. Halata naman, eh. 'Yung pagtataray mo sa kanya? Defense mechanism lang 'yon."
"Wow, psychologist ka na ngayon? May pa-defense defense ka pang nalalaman."
"It doesn't need a psychologist to analyze your actions. Babae rin ako, kaya alam ko ang ibig ipahiwatig ng mga ikinikilos mo." Ipinatong ni May ang mga palad sa mesa ni Francine at bahagyang yumuko. "Sabihin mo nga sa akin, may nangyari sa inyo no'ng isang gabi nang sinundo mo si James sa dinner nila ng fiancée niya, hindi ba?"
Kumunot ang noo ni Francine. "Papaano mong nalaman 'yon?" Sigurado si Francine na wala siyang ibang sinabihan tungkol doon.
"May nakakita sa inyo. Nagawa mo pa ngang magsinungaling sa COO, hindi ba? May fax mula sa Batanggas project? No'ng tinawagan ko naman ang architect, wala naman siyang fax na ipinadala."
"Ano ba 'yang pinagsasabi mo, May? At papaano mo nalaman ang mga 'yan? Stalker ba kita?"
"Basta ang lahat na tungkol kay James ay inaalam ko. Ang totoo, balak ko siyang agawin sa mapapangasawa niya. Kaya huwag ka nang sumagabal pa sa mga binabalak ko, okay?" Ngumisi muli si May kay Francine na para bang wala lang ang mga sinambit nito at dumiretso sa opisina ni James.
Naiwan namang nakanganga si Francine. Ang ambisyosang 'yon! At talagang may balak itong agawin si James sa fiancée nito? As if naman magagawa talaga nitong maagaw si James kay Margaret. Natigilan si Francine sa ideyang iyon. Hindi malayong mangyari iyon –depende pa rin sa self-control ni James. At knowing her boss, wala namang self-control ang kanyang boss pagdating sa magaganda at sexy na babae.
Shit! Baka nga magtagumpay si May! Napakunot naman siya ng noo. Bakit ba pinoproblema pa niya kung magtagumpay si May?
Ang totoo, si May na sana ang solusyon niya sa problema tungkol kay Mr. Villanueva. Tumanggi na kasi ito na bayaran ang medical expenses ng kapatid niya kung hindi ito magbibigay ng isang malaking pasabog tungkol kay James. Ayaw na ni Francine na ipagpatuloy ang kanilang pinagkasunduan dahil nakokonsensya na siya sa kanyang ginagawang pagsisiwalat ng mga sikreto ni James kay Mr. Villanueva. Pero kung hindi naman niya ipagpapatuloy iyon, papaano na lang ang kapatid niya? Ang alam ng mga magulang niya ay nakapag-loan siya ng malaki upang mapagamot ang kapatid.
BINABASA MO ANG
The PAST MISTAKE
RomanceSa unang gabi ng pagkikita nila ni James Madrigal ay agad nahulog ang puso ni Francine Montojo para sa binata. Ngunit isang pangyayari ang nag-udyok kay Francine upang kamuhian ang lalaking dati niyang minahal. At sa pangalawang pagkakataon ay mulin...