Kabanata 1

7.2K 202 4
                                    

Naging maayos ang aking unang araw ng pasukan. Puro introduce yourself ang ginawa namin, pero wala namang problema sa akin iyon dahil mas makikilala ko ang mga kaklase ko.

Oras ng uwian nang kalabitin ako ng katabi kong si Julie. Kabisado ko na ang pangalan niya dahil sa masigla niyang aura at tila kaibigan na niya ang lahat ng mga kaklase namin.

“Patingin kung meron,” aniya. Tumayo siya sa kan’yang upuan at tumalikod sa akin.

Sandali akong napakunot-noo bago ko napagtanto ang ibig niyang sabihin. Tiningnan ko nang maayos ang likod ng skirt niya bago umiling.

“Mabuti naman, salamat! Ikaw si Arianne, ‘di ba?”

“Oo,” sagot ko at tumayo na rin habang sinusuot ang bag ko.

“Narinig kong bago ka lang dito. Gusto mo bang sabay na tayong lumabas ng campus?” alok niya

Masaya kong tinanggap ang alok dahil sa tingin ko naman ay maayos siyang kasama. Habang naglalakad kami palabas ng campus ay itinuro niya sa akin ang mga bagay na dapat kong malaman tungkol sa bago kong paaralan, tulad ng kung saan matatagpuan ang canteen, faculty office, at comfort room.

“Hindi ako sigurado kung okay na ba ‘yong CR. Last school year kasi ay masyadong madumi ang sahig, pati lababo. Saka grabe ‘yong amoy, parang malalason ka sa sobrang panghi!” nandidiri niyang kwento, tila nananatili pa sa utak niya ang mga nakita at naamoy.

Nagpatuloy ang kwento niya habang palapit na kami sa gate. Nawala ang atensyon ko sa kan’ya dahil sa dami ng estudyanteng nakikipagsiksikan para makalabas.

“Lahat makakauwi, kalma lang!”

“Hoy, huwag kayong manulak!”

Nagsisigawan na ang iba habang nakikipag-unahan sa isa’t isa. Nagulat ako nang hawakan ako ni Julie sa braso at hilain para sumabay sa rumaragasang mga tao. Hindi na ako nakaatras dahil pati sa likod ko ay madaming estudyante ang ibig na ring makalabas ng campus.

Tuluyan na akong nasama sa umpukan na tila isa sa mga sardinas na nasa de-lata Nabitawan ako ni Julie at bigla siyang nawala sa paningin ko. Naghalo-halo ang amoy ng bawat isa, pabango man o pawis. Naramdaman ko na rin ang pawis ko sa noo dahil sa sobrang init ng paligid. Nakadikit na ang iba sa akin pero hindi ko na pinagtuunan ng pansin at patuloy lang ako sa paglalakad.

Nang makalabas na ako ng gate na tila ibong pinakawalan mula sa hawla ay mabilis kong hinanap ang kasama ko. Namataan ng aking mata ang isang taong hindi ko inaasahang makikita ko ulit kaagad. Kahit alam kong may posibilidad dahil pumapasok kami sa iisang school. Hindi niya napansin ang pagsulyap ko dahil sa dami ng tao. Mukhang mag-isa siyang nag-aabang ng masasakyang tricyle pauwi.

Palihim akong napangiti nang makita kong gusot na rin ang uniform niya tulad ng akin dahil sa pakikipagsiksikan sa gate. Ngunit sa tingin ko ay mas presentable pa yata siyang tingnan ngayon kaysa sa akin na tila dinaanan ng bagyo.

“Arianne!” Boses ni Julie iyon ah.

Bago ako bumaling sa kinaroroonan ng boses, sandali kong nahuli ang pagtingin ng snobber na lalaki sa gawi ko.

MarahuyoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon