Chapter 10

3.5K 114 1
                                    

Nasa sala noon si Nikki habang nakikipaglaro sa bata nang tumunog ang door bell. Tatayo sana siya para buksan ang pinto pero natanaw na niyang nagmamadali pababa ng hagdan si Cedric. "Ako na. Baka si Trisha na 'yan," anito atsaka ito dumiretso sa pinto.

"Sino'ng Trisha?" bulong ni Nikki na noo'y napasilip pa sa bintana. Kitang-kitang niya nang salubungin ng halik sa pisngi ni Cedric ang babae. Bumabakat ang hugis ng katawan nito sa suot nitong hapit na pantalon na tinernuhan ng maikling blouse. Tanaw na tanaw niya ang pusod nito kahit sa malayo. Matangkad ang babae, morena at may balingkinitang pangangatawan gaya ng sa mga nakikita niyang modelo sa mga magazine. Naka-pony tail ang tuwid at mahaba nitong buhok na lalong nag-paangat sa ganda nito.

"Hello, Migui. I miss you," anang babae habang naglalakad papalapit sa kanila. Parang wala itong nakita na agad na dumiretos sa bata.

"Grabe! Ang laki-laki mo na," anito habang kinukuha ang bata na noo'y nakaupo sa sahig na nasasapinan ng carpet.

Hindi umiimik si Nikki na noo'y nakatingin lang sa kanila. Medyo nabastos ang dalaga sa ginawang iyon ng bisita dahil hindi man lang ito nagpasintabi sa kanya at basta na lang nitong kinuha ang bata na para bang hindi siya nakikita. Naisip niya noon na baka ito na ang mama ni Migui kaya nagsawalang kibo na lang siya. Hinihintay niyang ipakilala siya ni Cedric bilang fiancee para naman medyo makabawi siya sa babae, pero hindi iyon nangyari. Hindi siya nito pinakilala kahit bilang yaya, making her feel that she's just nobody. Umakyat ang dalawa sa itaas dala ang bata na para bang hindi siya nakikita kaya mas lalo pa siyang nagngitngit sa galit. Halos maluha siya sa sama ng loob noon pero pilit niyang kinalma ang sarili. Wala naman kasi siyang karapatang magalit.

Kasalukuyan na niyang inililigpit ang mga laruan ni Migui nang biglang sumulpot si Joy.

"Ma'am, meryenda raw po kayo sabi ni Manang," anito nang lumapit sa kanya.

"Stop calling me, Ma'am, Joy. Hindi naman ako ang talagang amo niyo rito. Saka baka hindi naman ako 'yung Ma'am na inaalok ng meryenda ni Manang, baka 'yung babae sa itaas," blanko ang mukhang sabi niya.

Napangiti si Joy. "Hindi ko po kilala 'yung babae sa itaas. Ngayon ko lang po 'yon nakita." Bago lang si Joy kaya malamang sa hindi nga nito kilala ang babae. "Saka Nikki po ang binanggit na pangalan ni Manang, wala naman pong ibang Nikki rito, 'di ba?" nangingiting sabi nito.

Napabuga ng hangin si Nikki. "Pakisabi kay Manang, salamat. Busog pa kamo ako," aniya atsaka siya tumayo bitbit ang box ng mga laruan.

Napakamot na lang sa ulo si Joy.

Paakyat na si Nikki nang masalubong niya si Cedric kaya bigla siyang napahinto. "Nikki, pakigawan naman ng kape ang bisita ko," anito.

Blanko ang mukhang tiningnan niya si Cedric atsaka siya bahagyang tumango. Hahakbang na sana siya pasulong nang muli itong magsalita. "Pakitimpla na rin ng gatas si Migui."

Tumango lang siya atsaka siya nagpatuloy sa pag-akyat. Matamlay at walang kabuhay-buhay na nilampasan niya si Cedric kaya lihim itong napangiti nang lumingon sa kanya.

Nang makapasok sa silid ng bata, ibinagsak ni Nikki ang box atsaka siya sumubsob sa kama. "I hate you!" nangingilid ang luhang sambit niya. Hindi niya maintindihan kung bakit ganun na lang ang sama ng loob niya nang mga sandaling iyon. Sobrang bigat nang loob niya sa ginawang iyon ni Trisha. Lalo na ang ginawa ni Cedric na hindi man lang siya ipinakilala. Pero bakit nga ba siya kailangang ipakilala? Hindi naman siya totoong fiancee nito. May kung ano'ng kumirot sa dibdib niya sa isiping espesyal marahil kay Cedric ang babaeng iyon kaya hindi na nila kailangang magpanggap sa harapan nito. Doon naging malinaw sa kanya ang lahat. Wala lang kay Cedric ang lahat ng pinapakita nitong kabaitan sa kanya. Ang pagiging malambing at maalaga nito sa kanya ay parte lang ng pagpapanggap. Kaya hindi siya dapat nadadala sa matamis nitong pananalita.

Matapos maikondisyon ang sarili, bumaba siya sa kusina. Pero bigla siyang natigilan nang maabutan niya na nagtitimpla na ng kape ang binata. "Ang tagal mo kasi kaya ako na lang ang gumawa," kunwa'y sabi nito.

"Ako na riyan, Sir," aniya.

Napakunot ang noo ni Cedric. "Ano 'yon? Bakit ganyan na naman ang tawag mo sa akin?"

"Ah, hindi pa po ba tapos ang pagpapanggap? Akala ko po kasi tinapos niyo na kanina?" hindi tumitinging sabi niya.

Naningkit ang mga mata ni Cedric. Itinigil nito ang ginagawa atsaka ito dumukwang sa kanya. Halos malanghap na niya ang pabango nito sa sobrang lapit nito sa kanya. "Galit ka ba?"

Hindi umimik ang dalaga na noo'y agad na umiwas ng tingin.

"Trisha is just a friend. Wala kaming relasyon," ani Cedric atsaka nito binalikan ang kape.

Napasulyap siya sa binata.

"Iayos mo 'yang mukha mo. Hindi bagay sa'yo ang nakasimangot," nakangiting sabi nito.

Napakagat sa labi si Nikki para kasing pinagti-tripan siya ni Cedric. Padabog na inabot niya ang feeding bottle at lata ng gatas, pero bago pa niya mabuksan ang lata biglang nagsalita mula sa likuran si Milly.

"Ma'am Nikki, nag-akyat na po ako ng gatas kay Migui," anito.

Napaawang ang mga labi niya. Bumuga muna siya ng hangin para i-release ang tinitimping galit bago siya humarap kay Milly.

"Ano 'yang dala mo?"

"Magmeryenda na raw po kayo sabi ni Sir," anito habang iniaabot sa kanya ng dala nitong pizza at milktea.

Napakunot ang noo niya. "Sino ang nag-order nito?"

Napangiti si Milly. "Si Sir Cedric."

Biglang natigilan si Nikki. Possible kasi na nagkamali lang si Milly. "Baka nagkamali ka lang. I'm sure hindi para sa akin 'yan," aniya atsaka niya ito binalik.

"Babe naman. Nagtatampo ka pa ba sa akin?" ani Cedric na noo'y bigla na lang sumulpot.

Mas lalong nagsalubong ang kilay ni Nikki. Obvious kasi na pinaglalaruan na siya nito sa pabago-bagong trato nito sa kanya.

Pasimpleng inilapag ni Milly ang pizza at milktea atsaka ito lumabas.

"Ayaw mo ba nang pinabili ko?" ani Cedric nang makalapit sa dalaga.

Napatiimbagang ang dalaga. " Kanina lang parang hindi ako nag-e-exist sa paningin mo, tapos ngayon pa-fall ka na naman. Pinaglalaruan mo ba ako, ha?"

Natatawang pinisil ni Cedric ang pisngi niya. "Nagseselos ka ba?"

Galit na hinawi niya ang kamay nito. "Bakit kayong mga lalaki, iisang nasa isip sa tuwing makaka-offend kayo at magre-react ang babae? Porket nagalit kami, selos agad? Hindi ba pwedeng na-offend lang?"

"I'm sorry if I offended you. Saan banda ka ba na-offend?"

Hindi nakaimik ang dalaga. Saan banda nga ba siya na-offend at bakit siya na-offend? Alam niyang iyon ang isusunod na tanong ni Cedric kaya itinanong niya rin sa sarili. Pero maging siya ay hindi niya rin alam ang tamang sagot sa mga tanong na 'yon.

Nang hindi siya kumibo. Inabot ni Cedric ang milktea na inilapag ni Milly atsaka nito tinikman. "Masarap naman, ah?" kunwa'y sabi nito. Matalim ang tinging ipinukol niya sa binata. "Ang lakas ng tama mo!" aniya atsaka niya ito iniwan.

Natatawang sinundan siya ng tingin si Cedric. "Let's see how long you can endure this roller coaster feeling, Babe." 








Destined To Be YoursWhere stories live. Discover now