Sino ang Sertipayd Lola's Girl?

53 1 1
                                    


"Sa bukid kami ay haligaya..."

     Sa abot ng aking naaalala, isa ito sa mga linya ng 'walang awit' na kinakanta-kanta ko habang ako'y masayang nakatanaw sa di-kalawakang palayang pinagsasakahan nina 'Lulu' at 'Lula'. Mula sa bintana ng aming munting kubong yari sa pawid at kawayan na nakatindig sa gitna ng taniman ay mapagmamasdan ang mga luntiang dahon at mga gintong uhay ng palay na nakayukod sa lupang animo'y mumunting aliping sumusuko sa paanan ng namumulang araw. Kaysarap pakinggan ng huni ng mga maya at tagak, ang banayad na hanging kumikiskis sa dingding na kayakas, ang lawiswis ng kawayan sa di-kalayuan, ang pagaspas ng pakpak at panaka-nakang tilaok ng mga manok sa likod-bahay, animo'y mabining musikang nagsasaliwan, nagpapahayag kung gaano kaamo at kahali-halina ang kalikasan.

     Magdadalawang-taong gulang pa lang ako ng iuwi ng aking mga magulang sa probinsya namin sa Quezon. Walang magbabantay sa akin sa Cainta dahil parehong nagtatrabaho sina Nanay at Tatay. Ang dating nag-aalaga sa aking si Ate Veron ay nakipagtanan sa nobyo, walang ibang opsyon kundi iwanan ako sa pangangalaga ng aking abuela. Hindi ko malilimutan kung gaano kalakas ang palakat ko nang sumakay na ng Kapalaran Bus Line si Nanay upang lumuwas ng kabilang probinsya.

     Hindi naman naging mahirap sa akin ang mag-adjust sa buhay sa lalawigan. Naroon ang aking mga pinsan at mga kalaro, kasama sa mga kalangagan. Kinalakhan ko ang araw-araw na paliligo sa sapa at dagat. Masarap maglangoy sa sapa sa gilid ng bahay ni Lula. Malalim at malamig ang tubig na nagmumula sa munting talon at bukal sa ilaya ng anyong-tubig. Naroon din ang malalaking bato kung saan nakakula ang mga puting damit na nilabhan ni Lula. Madalas ay napapagalitan kami sa pakikialam sa pagtutuktok ng mga damit. Nasa isang malapad na bato ang nilagang kamoteng baging at inihaw na rimas ni Lula. Iginayak niya iyon bago kami tumungo sa sapa dahil baka magutom daw ako sa paglalangoy. Halos magdadapithapon na kung umuwi kami dahil sa mga hiling kong ilang minuto pa bago umahon. Sunong ang batyang puno ng nilabhan ay niyayapos niya ako sa gilid ng kanyang balakang dahil nangangaligkig na ako sa lamig. Hindi ko malilimutan kung gaano siya kabalisa nang minsang atakehin ako ng napakataas na lagnat at dayikdikin ng matinding ubo. Hindi matatawaran ang ligayang mababakas sa kanyang mukha kapag magaling na ako.

     Maraming tanim na punong-kahoy sa paligid ng bahay ni Lula: mangga, bayabas, papaya, atis, kaymito at iba pa. Minsan, ibinili nya ako ng 'mantsanas' sa bayan, nakatitig siya sa akin habang kinakain ko ang huling kalahati ng prutas, binibigyan ko siya, pero ayaw niya, sa kanya na lang daw yung buto. Itatanim niya raw para araw-araw daw akong makakakain ng mansanas. Hindi na raw kailangang bumiyahe pa ng dalawampu't apat na kilometrong balikan patungong bayan. Wala kaming pridyeder noon, hindi pwedeng mag-stock. Sekundarya na ako nang malaman kong imposibleng mabuhay ang mansanas sa tropikal na lunan. Noo'y lalo akong humanga sa green thumb niya, 'di man niya napagbunga ang tanim nyang mansanas, napatubo at napayabong naman niya ito.
     May tanim ding ubas si Lula sa harap ng bahay. Gumawa si Lulo ng maliit na balag na nakasanday sa harapan ng dingding na bato. Pinagagalitan nya ang mga dumaraang mga kabataang taga-kabilang sityo kapag pinupuna ang kakaibang dahon ng ubas dahil baka raw mabati. Nagbunga rin ng ilang dosena ang ubas, makalipas ang ilang buwan ay natuyo ang mga dahon at tuluyan ng namatay.

     Malakas pa si Lula. Kasama ang ilan pang mga apo'y umaakyat kami sa kaingin upang manguha ng pilaway, suha, at tagbak. Dumadaan din kami sa niyugan upang manguha ng gango na ipanggagata sa tulingang nahuli ni Lulo sa pangingisda sa laot. Payak ngunit laging masarap ang pagkain namin. May mga panahong mapili din ako sa ulam, hindi sila nawalan ng variety para sa akin, minsan ipinagbibilog nila ako ng kaning milagrosa, isasawsaw sa sariwang pulot na ibinigay ng kapitbahay.

     Kindergarten ako nang natatandaan ko'ng una akong napalo ni Lula. Kagagaling ko noon sa daycare center, ibinaba ko lang ang aking Princess Sarah na bag at sumama ako sa mga kababata at kaklaseng naghihintay sa kalsada. Hindi pa nagpapalit ng pambahay ay naglaro kami sa tambak ng graba at buhangin ng DPWH na sa unang pagkakataon ay kokongkretuhin ang national highway sa aming lalawigan. Nakita ko si Lula mula sa sulok ng aking kaliwang mata, may dalang maiksing sanga ng bayabas, hindi ko namalayan, pinalo na niya ako sa binti. Umuwi ako ng bahay, pero hindi ako umiyak. Hindi masakit ang palo ni Lula. Naiinis at umiiling na lamang niyang sinuyod ang mga buhangin sa ulo ko.

     Napakaraming masasayang alaala ng aking kamusmusan. Mga alaalang nabuo kapiling ang pinakaimportanteng babae sa buhay ko. Halos labing-anim na taon niyang hinulma ang aking pagkatao. Inakay niya ako sa kapanatagan, pilit na pinatahan at kinandili sa panahon ng mga karamdaman. Kasama ko siya sa lahat ng araw ng tagumpay, karamay sa bawat pagkakataong may ligalig at lumbay. Hindi ko malilimot ang mga pinong kurot na nagturo sa akin na maging magalang, mapagbigay at mapagpakumbaba. Tandang-tanda ko pa ang kaniyang mga ngiti, ang mga mahihinhing halakhak sa aking maliliit na kapalpakan. Ang mga paalala at saway, ang pangdidilat ng mata at matatalas na tingin kapag ako'y nangungulit, ang pagtatanggol at pagtatakip, ang masungit ngunit mahinang tinig ng pagkainis kapag pinipilit ko siyang bunutan ng puting buhok o ang nanggigil na kurot kapag dinadantayan ko siya sa aming pagtulog, ang walang katapusang mga pamahiin at alamat, ang paglalaro namin ng siklot-pitik at ang galing niyang magsungka, ang kalinisan niya sa tahanan, ang sarap ng kanyang sinigang... ang kanyang pag-aalaala at pag-aaruga.. Ang kanyang pagpapagal at walang sawang pagmamahal..

     Dumating ang panahong kailangan kong lumuwas ng Maynila upang magkolehiyo. Hindi maitatago ang repleksiyon ng aking kalungkutan sa kaniyang mga mata. Walang salitang kayang ipaliwanag ang kahungkagan at pag-aalala. Kung pwede lang sanang huwag ko siyang iwan...

     Mabilis na lumipas ang mga araw. Tila nasanay na rin ako sa nagmamadali at abalang buhay sa kalungsuran, maingay na paligid at usok ng mga sasakyan. Sa school, nakakapagod rin, masakit sa ulo, minsan sa katawan, madalas, kumakalam ang tiyan. Naalala ko si Lula, ang masarap niyang ginataan... ...gusto kong umuwi!

     Malayo pa lang ay natatanaw ko na siya. Nakaupo sa lumang upuang piping saksi ng aking kabataan. Hindi matatawaran ang mga ngiti sa napapagal na niyang mga labi, ang kislap ng kanyang mga matang kagaya rin ng sa akin, marahil dahil sa aking pagbabalik. Umupo ako sa tabi niya: "Lula, Sunkist, pasalubong ko sa'yo, paborito mo."
Habang binabalatan nya ang prutas ay tinititigan ko ang nangiginig niyang mga kamay. Ang dating malakas at makikinis na brasong umaakay sa akin noon ay tuyot at mahina na. Ang mga pisnging tahanan ng kanyang malalayang ngiti ay humpak at kulubot na, ang mga matang bagamat may ligaya ay mababanaag ang kahinaan ng katandaan. Sadyang kaybilis ng panahon. Ngunit ang masasayang alaala ay singsariwa pa ng samyo ng sampagita. Hindi madaling tangayin ng hangin, humahalimuyak, sumisiim...

     Isang Sabado sa Maynila, walang pasok, hindi ko iskedyul umuwi ng probinsya. Naglalaba ako ng tumawag ang pinsan ko: "Rob, uwi ka, si Lula..." Hindi ko na tinapos ang tawag niya, pinutol ko na ang linya at kumaripas ng takbo sa kwarto ng inuupahang boarding house...

     Noon ko lang napagmasdang muli ang paligid ng bahay ni Lula: wala na ang mga punong dati naming palaruan at pinaglalambitinan, ang hardin ng mapupulang rosas, daisy at ilang-ilang ay nasira at napag-apak-apakan na, ang mga lumang upuang saksi ng aking kamusmusan ay wasak na, ang sapa sa di-kalayua'y marumi at mababaw na, ang tahanang kumalinga sa akin sa matagal na panaho'y wari'y isang matandang nasa dapithapon na ng panahon. Nakakalungkot isiping habang umuuunlad ang nayon ay nasisira naman ang kagandahan ng kapaligirang aking kinamulatan, ang dalisay na daloy ng tubig at ang nagmamalaking punongkahoy. Ang matatamis na halakhakan ay napalitan ng karimlan, kahungkagan, ng kapaitan at pagdaramdam.

     Dahan-dahan akong lumapit kay Lula. Pinigil ko ang aking damdamin hanggang makarating ako sa harap niya. Minasdan kong maigi ang kanyang mukha: Maaliwalas at Payapa.
     Nag-uunahang kumawala ang aking mga luha. Puno ng kalungkutan at pighati, ng panghihinayang, ng taos-pusong pasasalamat...

...ng walang hanggang pagmamahal.

Sino ang Sertipayd Lola's Girl?Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon