Code Twenty: "Lost and Found"
*****
--Hayan! Tapos na!
Katatapos lamang ng batang lalake na gawin ang kaniyang panibagong obra sa dingding ng kaniyang kulungan at masaya naman siya sa itsura nito. Ngunit gaya ng dati, mayroon paring kulang sa kaniyang ginawa.
--Parang...may kulang?
Sa gitna ng kaniyang pag-iisip, isang matigas na bagay ang biglang tumama sa kaniyang bunbunan.
--A-aray!
Lumagpak sa sahig ang bagay na tumama sa kaniya at gumugulong papunta sa isang sulok. Napahimas ang bata sa kaniyang bunbunan habang sinusundan ang gumugulong na bola.
--Ano kaya 'yan?
Isang kulay dilaw at hugis bilog na bagay ang tumama sa kaniya. Hindi ito pamilyar sa batang lalake kaya naman natatakot siyang hawakan ito. Kumuha siya ng mahabang patpat mula sa imbakan niya ng mga gamit-pangguhit at sinundot ang bilog na bagay na singlaki ng mansanas.
--Mukhang...hindi naman nangangagat...at hindi rin sumasabog...
Doon na siya nagpasyang lapitan ang bagay na iyon para pulutin. Pinakiramdaman niya ang bagay na iyon sa kaniyang mga kamay at manghang-mangha siya rito.
"Ang galing! Ang ganda nito!"
Sa gitna ng kaniyang pagkamangha ay bigla siyang nakarinig ng isang tinig:
"May tao ba dyan!!!!"
Iyon ang unang beses na may narinig na ibang tinig ang batang lalake bukod sa huni ng mga ibon, mga insekto at sa sarili niyang tinig. Agad siyang napatingala, at doon niya nakita ang isang batang lalake na nakadungaw sa kaniya mula sa pagitan ng mga rehas na bakal.
"Bata! Paabot naman nung bolang nahulog ko!"
At dahil ito ang unang beses na nakakita siya ng ibang tao kaya agad siyang sumiksik sa isang tabi. Bakas sa kaniya ang takot at kaba habang hawak ng kaniyang dalawang kamay ang dilaw na bola.
"Huy!" muling hiyaw ng bata sa taas. "Naririnig mo ba ako? Ang sabi ko paabot nung bola!"
Bahagyang napalunok ng kaniyang laway ang batang lalake. Ibinuka niya ang kaniyang kamay at pinagmasdan ang bolang kaniyang kimkim.
--Ito kaya ang gusto nyang ibigay ko?
Dahan-dahang inihakbang ng batang lalake ang kaniyang paa papunta sa tapat ng rehas na bintana na sapat para masulyapan niya ang nakadungaw na bata.
"E--eto ba yung...sinasabi mo? B--bola?"
"Oo! Iyan nga!" ang nakangiting sagot ng bata sa itaas "Pwede mo bang...iabot yan dito?"
Kinuha ng batang lalake ang mataas na silya at itinapat ito sa rehas na bintana. Tumuntong siya roon at inunat ang kaniyang braso para iabot ang bola. Agad naman itong kinuha ng batang lalake at ngumiti.
"Salamat!"
Bahagyang natigilan ang batang lalake pagkaabot niya ng bola sa batang kausap. Doon niya naramdaman ang hindi maipaliwanag na tuwa at kasabikan nang mayroong nagpasalamat sa kaniya. Ngunit nagbalak nang umalis ang bata, kaya tinangka niya itong pigilan sa pamamagitan ng paghablot sa kamay nito.
"T--teka sandali!"
Ngunit nakabitiw siya at agad na nawalan ng balanse mula sa kaniyang tinutungtungan. Tuluyan na sana siyang mahuhulog kung hindi agad siya nahawakan ng batang lalake na nasa taas at hinatak siya upang makuha muli nito ang kaniyang balanse.
ВЫ ЧИТАЕТЕ
Code Chasers
ФэнтезиWalang kamalay-malay si Fillan na taglay niya ang kapangyarihang magtatakda sa kapalaran ng buong sangkatauhan: Wawasak sa kasalukuyang mundo o lilikha ng panibago. Wala siyang alam tungkol sa kaya niyang gawin... Ni wala siyang anumang ala...
