Chapter 1

212K 2.8K 83
                                    

                                                               ******

  

Dug…dug…dug…

  

Ganyan kalakas ang kabog sa dibdib ni Warren Tyler Gonzales habang nakatayo sa tapat ng mataas at malaking gate ng bagong eskwelahang lilipatan.

Unang araw ng pasukan. Nasa ikaapat na taon siya ng hayskul. Transferee. Galing America.

  

Napadpad siya sa isang bagong tinitirhang lugar dahil sa kanyang ama. Naghiwalay ang kanyang mga magulang noong siya ay limang taong gulang pa lamang. Nag-iisang anak lamang siya. Laki sa nanay at nang tumuntong siya ng hayskul ay nag-migrate sila sa America. Mayaman ang pamilya ng kanyang ina samantalang karaniwang tao lamang ang kanyang ama. Ang pagkakaiba ng mga ito sa katayuan sa buhay ang pangunahing dahilan sa kanilang paghihiwalay.

Lumaki siyang mama’s boy, mahiyain, matatakutin at loner. Matatalik niyang kaibigan ang mga libro at computers. Madalas siyang tinutuksong nerd ng mga kamag-aral dahil sa hitsura niyang nakasuot ng makapal na salamin, hindi nakaayos na buhok at patpating katawan.

Nagkaroon sila ng hindi pagkakaunawaan ng kanyang ina dahil sa muling pag-aasawa nito. Matindi ang pagtutol niya sa naging desisyon nito kung kaya’t upang maibsan ang sama ng kanyang kalooban ay pinagbigyan siya nito sa kanyang kahilingan na makasama ang ama kahit man lamang sa loob ng isang taon.

Isang regular na empleyado ang kanyang ama sa isang accounting firm. Hindi na ito muling nag-asawa pa. Bagama’t hindi siya lumaki dito subalit hindi ito nagkulang sa pagdalaw sa kanya  . Natigil lamang ang kanilang pagkikita nang tumira na siya ng amerika.

Sa muling pagsasama nilang mag-ama ay pinilit nitong maipasok siya sa isang mamahaling eskwelahan. Inilabas nito lahat ng mga naipon upang gamitin sa ganitong pagkakataon. Batid ng kanyang ama na lumaki siya sa marangyang pamumuhay kaya’t sa ngayon ay nagsusumikap itong iparanas pa rin sa kanya ang kinalakihan niyang buhay.

Subalit para sa kanya, makapiling lamang muli ang ama ay sapat na. Nung nasa amerika siya ay doon niya lamang napagtanto kung gaano siya nanabik sa isang tatay. Kaya’t sa maiksing panahong ilalagi niya sa piling nito ay wala siyang ibang gusto kundi ang madamang muli ang pag-aaruga nito.

You Gave Me A ReasonTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon