CHAPTER 216

2.2M 53.2K 164K
                                    


CHAPTER 216

SIN'S POV

NGUMISI SIYA. "Hindi ko ugaling magsabi kung ano ang laman ng isip ko, Cargosin. Pero hindi ko nagustuhan ang ginawa mo sa kaibigan ko, lalo na sa mga bata." Tumiim ang kaniyang mukha.

"Mukha nga," nakangisi ko ring tugon. "Nangingilid na ang iyong mga luha at hindi ko malaman kung dahil ba iyan sa galit sa akin, o awa para sa mga bata."

Nakita ko kung paanong nagtiim ang bagang niya. Ang paningin niya sa akin ay lalong tumalim. Pero hindi ko magawang matakot dahil lalo akong natatawa. Muli niyang nilingon ang mga bata, gusto ko siyang kwestiyonin nang mabasa ko ro'n ang awa dahil salungat iyon sa kayabangan niya kanina.

Nagtaas ako ng noo, nagmamalaki nang todo. "Panimula pa lang iyan, Maxpein Moon. Maghuhurumintado ka sa mga kasunod. Ngayon kung wala kang planong iligtas ang mga bata ay hayaan mong paunlakan ko ang pagbisita mo." Itinaas ko ang aking kamay at saka pumitik ng dalawang beses.

Nanatili kaming nakatingin sa isa't isa, nakangisi ako habang siya ay hindi kakitaan ng anumang ekspresyon sa mukha. Nang walang pagbabago ay muli akong pumitik. Nang wala pa ring lumabas sa mga tao ko ay aligaga akong lumingon sa aking paligid.

Sinabi nang sa isang pitik ko ay kailangan na nilang lumabas! Lintik!

"May hinahanap ka, Cargosin?" seryosong tanong ni Maxpein Moon.

Nagugulat akong lumingon sa kaniya. Ano'ng...ano ang ginawa niya sa mga tauhan ko? Nangunot nang todo ang aking noo at saka nagpatuloy sa paglingon sa kabuuan ng lugar na iyon pero walang lumalabas. Nakahanda ang bawat tauhan namin sa madidilim na parte ng parking lot. Nanonood at naghihintay ng aking hudyat sa kanilang pagsugod. Ngunit ni isa sa mga iyon ay hindi ko alam kung nasaan ngayon.

Tiningnan ko siya, at gusto kong kilabutan nang mabasa ang matinding galit sa kaniyang mga mata. Kuyom na kuyom ang mga palad niya at ang mga paa ay tila handang-handa nang sumugod sa akin.

"Ano ang ginawa mo sa mga tauhan ko?" Itinago ko nang pilit ang panggigigil.

"Kailangan ko pa bang idetalye sa 'yo?" seryoso niyang tugon.

Matagal bago ako nakatugon. "Bilib naman talaga ako sa iyo. Napakahusay mo."

"Mahirap 'yang itanggi," walang emosyon niyang sabi.

Lalo akong ngumisi. "At inaasahan mong mas matutuwa ako dahil ganoon ang ginawa mo?"

Umiling siya nang nakangiwi. "Walang matutuwa kapag tahimik na itinumba ang mga tao niya, Cargosin." Bumuntong-hininga siya, nilingon ang madidilim na parte ng lugar na iyon bago muling tumingin sa 'kin. "Sa susunod ay asahan mo nang ganoon ang mangyayari sa kung sinumang humarang sa daraanan ko."

"Nakakabilib lang na wala akong narinig na kahit anong ingay."

"Masanay ka na. Kumikilos ako sa mga oras na hindi mo inaasahan. Masyado kang abala kaya wala kang naramdaman."

Ngumisi ako at nagsimulang magpalakad-lakad sa harapan niya. "Hindi ko malilimutan kung paanong naging ganoon kadali para sa iyong sugurin ang umuulang mga bala para lamang mailigtas si Chairman Enrile." Nanuot sa alaala ko ang sandaling iyon. "Hindi ko man lamang naisip na may kakaibang katauhan ang taong iyon, na siya ring kaharap ko ngayon." Nilingon ko siya at hindi man lang nagbago ang seryoso niyang mukha. "Hanga ako sa lakas ng loob mo, Maxpein Moon. Aminado akong hindi ganoon kadali na tumbasan ang lakas, galing at ang iyong bilis. Matalino ako kaya naisip kong may kahinaan ka rin, at ginamit ko ang katalinuhan kong iyon para pahirapan ka ngayon." Saka ako humalakhak. "Ano ngayon ang gagawin mo para maisalba ang buhay ng mga batang ito?"

HE'S INTO HER Season 3 | COMPLETED |Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon