CHAPTER 218

2.3M 53.5K 89.1K
                                    




DEIB LOHR'S POV

TATLONG araw ang mabilis na lumipas. Hindi ko alam kung paanong dumaan ang tatlong araw na iyon pero nasisiguro ko kung paanong naging mahaba iyon para sa 'kin. Higit na siguro para kina Taguro at pamilya ng mga Moon. Ang dalawang naunang araw ng burol ay para sa pamilya lamang ng mga Moon. Hindi halos ako nakatulog sa sobrang pag-aalala dahil wala man lang akong marinig na balita mula sa kanila. Matapos ang araw na iyon sa masyon ng mga Moon ay kinailangan ko nang umuwi dahil sa kahilingan ni President Moon.

Dahil iba ang kultura nila, kailangan naming irespeto iyon. May nalalaman naman ako tungkol sa Korean practice and belief pagdating sa burol, may dugo kaming Korean, pero iba pa rin talaga ang pakiramdam dahil malapit sa akin ang mga Moon. Nakakapanibago. At hanggang ngayon ay parang hindi ako makapaniwala.

"Are you ready, son?" tinig ni daddy. Hindi ko man lang namalayan ang pagpasok niya sa kwarto ko.

Sinikap kong ngumiti nang humarap ako sa kaniya. "Yes, dad." Bumuntong-hininga ako bago nilabanan ang nag-aalala niyang tingin. "Hindi ako sigurado kung paano ko pakikitunguhan ngayon si Maxpein, dad. Pakiramdam ko ay hindi ko alam kung paano ko siya haharapin."

Napabuntong-hininga rin si daddy saka humawak sa kaliwang balikat ko. "Just stay beside her."

Hindi na ako nakasagot. Isang malalim na buntong-hininga na lang uli ang pinakawalan ko.

Tatlong araw lang ibinuburol ang mga Koryano sabi ni Lolo Dei Min. Ang tradisyon at kulturang iyon ang sinusunod ng mga Moon ngayon. Bukod doon ay pawang malalapit lamang sa pamilya ang maaaring pumunta. Ang mga hindi nasabihan tungkol sa pagpanaw ng Chairman ay hindi maaaring dumalo sa burol kahit pa kakilala nila ang namatay. Sa madaling salita ay iyong mga nasabihan lang ang maaaring makiramay. Nasa paniniwala rin nilang kapag sinabihan ka tungkol sa pagkamatay ng taong iyon ay kailangan mong dumalo bilang respeto.

Tahimik kaming bumiyahe nina Manang, mommy at daddy. Sa likuran namin ay naro'n sina Noona at pamilya niya. Nakabuti na rin sa kanila ang dalawang araw na pahinga nang hindi kami hayaan ng mga Moon na dumalo sa burol ng Chairman. Sa ikatlong sasakyan ay naro'n sina Chairman Enrile at Lolo. Nakasunod naman sa kanila ang mga tauhan ng Moon na hanggang ngayon ay buong pusong nagbabantay sa 'min.

Hindi na ako nagulat nang makita ko kung gaano karaming tao sa bungad ng hall. Ito lang ang araw na inilaan ng mga Moon sa mga bisita at kakilala na imbitado para dumalo sa seremonyas. Hindi ko nga lang naiwasang mamangha dahil pawang mga Korean ang bisita, iilan lang ang masasabi kong Pilipino. Wala akong kilala ni isa sa mga iyon maliban sa mga tauhan ng Moon.

Nasisiguro ko kung gaano katataas ang antas sa buhay ng mga bisitang iyon. Makikita sa pananamit at bukod doon ay nasa bilang ng bulaklak na dala nila ang estado nila sa buhay. Sa bukana pa lang kasi ng floor, kung saan napakalayo pa sa entrada ng hall, ay nakahilera na ang mga bulaklak.

Dumeretso kami sa entrance, nagsulat sa guestbook saka inilapag ang monetary gift sa hilera ng bungkos na puting sobre, bago kami tuluyang pumasok. Hindi ganoon ang inaasahan kong burol. Bagaman bata pa ako noon ay nasisiguro kong malayo ito sa seremonyas na ginawa namin para sa namayapa kong lola.

Agad kaming dumeretso sa unahan at sabay-sabay na tumango nang malalim sa harap ng larawan ni Chairman Moon, sa pinakamababa at pinakamatagal na paraan na alam namin. Dalawang beses kaming tumango paluhod hanggang sa maibaba ang aming noo sa mat. Naging hudyat ang pagtayo ni More para umayos kami upang muli lamang tumango sa pamilya nila. Tumango rin ang mga Moon sa 'min, maikli at mababaw bago ngumiti nang kapos. Naroon ang lungkot sa mga mata nila. Ang galit at sakit ay hindi ko maiwasang makita.

HE'S INTO HER Season 3 | COMPLETED |Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon