Chapter 17

118K 2.1K 96
                                    

       

                                                              *****

Nakapangalumbaba sa tabi ng bintana si Lena. Lumilipad ang isip habang nakatanaw sa malayo. Panaka-nakang napapatitig sa isang katabing puno ng bintana na tila inaabangan ang pagbagsak ng bawat dahong malalaglag. Wala sa sariling pinipitas ang mga talulot ng mga bulaklak na nakalagay sa plorerang nakapatong sa mesang kanyang kinauupuan. At makailang ulit binabatukan ng mahina ang sarili.

"Ano bang nangyayari sayo? Bakit parang kanina ka pa matamlay?" tanong ni Charles na ilang oras nang napapansin ang kakaibang ikinikilos ng wala sa sariling kapatid.

Nilingon ni Lena ang nakahigang kapatid. Pagkagaling sa bahay ng kanyang amo ay dumiretso naman siya sa hospital ng kanyang kuya.

"Wala, may iniisip lang ako." walang ganang sagot niya at muling ibinaling ang mga mata sa labas ng bintana.

Kanina pa nga siya natutulala at nag-iisip...dahil sa ginawa niyang pang-aaway kay Warren. Habang unti-unting tumatanim sa utak niya ang nangyari sa bahay ng amo, unti-unti rin siyang nilalamon ng hiya. Ano ba kasi ang nangyari sa kanya? Bakit ba kasi bigla na lang siyang nagpadala sa pansamantalang galit na naramdaman niya? Sa tuwing inisa-isa niyang balikan ang mga kilos at pinagsasabi niya, posibleng isipin ng lalaki na nagseselos siya kaya siya nagalit.

Hindi selos ang naramdaman niya. Ito ay isang simpleng pagkadismaya. May kinikimkim man siyang sama ng loob sa dating kaibigan pero sa likod nito ay umaasa siyang sana ay totoo ito sa mga binibitawan nitong salita. Masyado niya lang pinoprotektahan ang sarili kung kaya't natatakot siyang basta-basta na lang ulit maging malapit dito. Ngunit, masarap pa ring paniwalaan ang mga sinabi nito na wala na itong inililihim na galit sa kanya. May pinagdadaanan silang problema dahil pareho nilang nasaktan ang isa't isa subalit hindi niya isinasarado sa sarili na maaring dumating pa rin ang araw na magkakapatawaran din sila nito. At kapag dumating ang araw na iyon, wala siyang ibang hiling kundi ang makitang muli ang mga dating pag-uugali ng isang Warren Tyler Gonzales.

Ngunit sa nasaksihan niya kaninang umaga sa bahay nito ay tila naglaho ang lahat. Sabi ng lalaki na siya ang dahilan kung bakit naging ganito ang pagkatao nito. Kung ganoon nagkakamali ba siya sa pag-aakalang kasabay ng paglimot ng mga hinanakit nito sa kanya ay ang pagbabago rin nito sa pag-uugali? Umasa lang ba siya na kasabay ng pagpapakita nito ng kabaitan sa kanya ay titigil na rin ito sa mga kalokohan nito? Naguguluhan siya. Eh ano naman ngayon kung maging mabait sa kanya pero hindi na ito magbago sa ibang bagay? Wala pa rin siyang karapatang magalit. Nakakahiya pa rin ang ginawa niya kanina. Wala siya sa lugar para pagsabihan ang amo tungkol sa pambabae nito. Ahh... matapos ang mahaba-habang panahong pagiging mailap niya sa lalaki, ito ang unang pagkakataong gusto niyang humingi ng despensa dito.

"Si Warren ba ang iniisip mo?"

Dumulas ang mukha ni Lena sa pagkakapangalumbaba sa tanong ng kapatid. Tila biglang dumaloy lahat ng dugo niya papaakyat sa kanyang nananamlay na mukha.

You Gave Me A ReasonTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon