Epilogue

145K 7.2K 5.1K
                                    

Epilogue


Nilapitan ni Yngrid ang glass tube kung saan nakakulong ang propesor. Kahit na nanghihina ay nagwawala parin ito sa loob. Paulit-ulit nitong hinahampas ang salamin na kulungan.

"PALABASIN MO AKO RITO, YNGRID!!!" sigaw nito na nanlilisik ang mga mata na nakatingin sa kanya. "HINDI AKO PWEDENG MAMATAY NANG GANITO! KAILANGAN MALAMAN NG MUNDO KUNG SINO TALAGA ANG TOTOONG HENYO!!!"

May natitira na lamang na dalawang minuto bago siya sumabog. Sa pagkakataon na ito, matatapos ang lahat sa pagkawala niya. Mangyayari na ang gusto niya. Sa ganitong paraan pagbabayaran ng lalaking ito ang pagpatay kay Yngrid at sa mga magulang nito.

"PALABASIN MO AKO!!! YNGRID!!! INUUTUSAN KITA, PALABASIN MO AKO!!!" utos nito sa kanya. Magulo ang mukha nito at basang basa ng pinaghalo-halong pawis, luha at dugo.

"Hindi ba ito ang gusto mo, ang makuha ako?" mahinahon na tanong ni Yngrid habang nakatingin sa lalaki. "Magkasama na tayong dalawa ngayon, professor. Hindi na ako aalis pa sa tabi mo."

"H-hindi! Lumayo ka! K-kailangan kong..." unti-unti nang bumibigay ang katawan nito dahil sa patuloy na pagkawala ng dugo mula sa mga sugat na tinamo kanina. "A-ang pangarap ko... Olivia... ako dapat... ang maging... Kailangan kong mabuhay..."

Pinanood ni Yngrid ang lalaki na unti-unti nang nanghihina. Napasalampak ito ng upo sa sahig at patuloy na lumalaban upang hindi mawalan ng malay. Umaasa parin itong makalalabas.

"Umabot ako," ang sabi ng isang tinig mula sa likod ni Yngrid.

Kaagad siyang napalingon sa pinanggalingan ng boses. Nakita niya ang isang lalaking naka-puting labcoat at salamin. Kalahati ng buhok nito ay namumuti na. Nakangiti ito sa kanya at namamasa ang mga mata.

"Yngrid," tawag sa kanya nito.

May kung ano sa lalaki na pamilyar kay Yngrid. Ang mukha nito pati ang boses nito. Kilala niya kung sino ang lalaki. Alam niya ang pangalan nito pero hindi niya magawang sambitin. Kahit na isa siyang makina, nahihirapan siyang iproseso ang nangyayari ngayon.

"Nakikilala mo ba ako?" tanong nito sa kanya. Unti-unti itong lumapit, hindi inaalis ang tingin sa kanyang mukha. "Kilala mo ba ako?"

"Ikaw si..."

Inabot ng lalaki ang kamay ni Yngrid. May ginawa ito sa suot na pulseras ng dalaga, bigla itong nabuksan at nalaglag sa sahig.

"Noon, hindi ko nagawang tanggalin ito," sabi ng lalaki. May kinuha ito mula sa bulsa ng labcoat. Isang micro-chip. "At hindi rin ako naging matagumpay sa paggawa ko nito noon. Alam ko na ngayon kung bakit ni-reject ng system mo ang program na ginawa ko noon."

"Andrew..."

Bumakas ang saya sa mukha ng lalaki nang marinig ang pangalan. Lumipat ito sa likod ni Yngrid at may binuksan sa batok ng dalaga. Doon ipinasok ni Andrew ang chip.

Sandaling naging kulay pula ang paningin ni Yngrid habang dumadaan sa security protocol ang program. Mabilis din na na-transmit ang data at nagkaroon ng pagbabago sa system ng dalaga.

Ipinikit ni Yngrid ang kanyang mga mata nang bigla nalang siyang may naramdaman. Bumaha ang napakaraming emosyon sa kanya. Bagay na hindi niya naramdaman sa napakahabang panahon. Ngayon, pakiramdam niya ay nagising siya sa isang napakahabang panaginip.

"B-bakit ka nandito, Andrew? Kailangan mo nang umalis!" sabi niya saka hinarap si Andrew.

"Hindi kita iiwan," seryoso nitong sabi.

"Ano ba ang sinasabi mo?! Umalis ka na, ayokong mamatay ka!"

"Hindi kita hahayaan na maiwan ulit mag-isa, ate Yngrid!" lumuluhang sabi ni Andrew. "Pinagsisihan ko nang husto ang nangyaring ito, hindi ko nagawang makalimot. Alam kong sinabi mo sa akin na mabuhay ako para sa sarili ko at kalimutan ka na pero hindi ko kaya! Sa tuwing pipikit ako, ikaw ang nakikita ko!"

"P-pero mamamatay ka..."

"Ito ang kahilingan ko. Gusto kong makasama ka hanggang sa huling sandali. Hindi kita iiwanan dito."

"Ilang taon na ang lumipas, Andrew?"

"Dalawampu at apat na taon na simula nang mamatay ka rito," pahayag ni Andrew. "Tatlong buwan makalipas ng insidenteng ito, inalok ako ng trabaho ng kompanyang pinasukan noon ng mga magulang mo. Sa kanila ako nagtrabaho."

"Bakit mo ginawa iyon?" pabulong na tanong ni Yngrid. Hindi iyon ang gusto niyang mangyari.

"Dahil gusto kitang makasama ulit. Inakala ko na kaya kitang gawin ulit, pero nagkamali ako. Maraming beses akong nabigo. Hanggang sa naisip ko na gumawa ng paraan para makabalik sa nakaraan." Hinawakan ni Andrew ang mga kamay ni Yngrid. "Patawarin mo ako kung hindi kita nagawang sagipin. Hindi ko mabalikan ang oras kung saan namatay ka."

Umiling si Yngrid. "Tanggap ko na ang pagkamatay ko, Andrew. At sa tingin ko, hindi mo na mababago pa ang naging tadhana ko."

Bumaha ang lungkot sa mga mata ni Andrew. Napansin ni Yngrid ang mga kamay nito na mukhang nagamit sa mabigat na trabaho. Maging ang mga mata nito ay puno na ng pagod. Ngunit puno ng determinasyon ang lalaki. Hindi iyon nagbago.

"Ito ang unang beses na gumana ang nilikha ko. Kahit na utusan mo ako na bumalik sa hinaharap, hindi ko magagawa iyon. Isa lang itong one way ticket para makita ka," bahagyang ngumiti si Andrew sa kanya at nakita ni Yngrid ang kilala niyang Andrew ngayon. Hindi parin nawawala ang pamilyar na kislap sa mga mata nito, ilang taon man ang lumipas.

Marahan na niyakap ni Andrew si Yngrid. Humigpit iyon nang gumanti ng yakap ang dalaga. Nakaramdam sila pareho ng kapayapaan. Anumang oras ay matatapos na ang lahat...

"May ibinilin na mensahe si Noah para sa'yo. Noong sinabi mo sa kanya na gusto mo siya," pahayag ni Andrew habang hindi inaalis ang yakap. "Gusto mo bang marinig? Matutuwa ka."

Ngumiti si Yngrid. Kanina lang iyon nangyari. Naalala niyang may gusto itong sabihin sa kanya pero dahil sa panghihina ay hindi nito nagawa.

"Ano 'yon?" tanong niya.

"Matagal ka na rin daw niyang napapansin. At nahalata niya ang pagsunod mo sa kanya noon."

Kung may dugong dumadaloy sa katawan ni Yngrid, naisip niya na baka namula na siya.

"Sinabi niyang masaya siya dahil nilapitan mo siya at kinausap nang gabing 'yon." Hinaplos ni Andrew ang buhok ni Yngrid. Pinagmasdan niya kung gaano kagaan ang hibla ng buhok nito. "Nagustuhan ka rin niya noon. Masaya ka ba? Pero hwag kang umasa ngayon dahil masaya na sila ni Sabina. May tatlo na silang anak."

"Masaya ako na marinig 'yan."

"Hwag kang mag-alala, ikaw lang ang minahal ko."

"Andrew," bulong ni Yngrid saka pumikit. "Ako rin, mahal kita."

Tumango si Andrew at malapad na ngumiti. "Sa susunod nating buhay, sana hindi kita maging pinsan. Para magawa kitang mahalin nang mas higit pa sa kayang ibigay nang kahit na sino."

Ngumiti si Yngrid.

"Makikilala mo kaya ako?"

"Imposible kitang makalimutan."

"Hihintayin kita."

"Hahanapin kita."

3...

"Hanggang sa muli, Andrew."

2...

"Hanggang sa muli, Yngrid."

1...






***FIN

Project: YngridTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon