Chapter 33 (Final)

114K 2K 81
                                    

           

                                                                         *****

Sa isang pribadong beach resort na may sariling maliit na chapel sa isang bayan ng Batangas, nagdadatingan ang mga panauhing lahat ay nakabihis ng pormal na kasuotan. Iilan sa mga ito ay kaibigan at kamag-anak nina Warren at Lena at ang karamihan ay mga empleyado ng Luxuria.

Nagkalat ang mga puting bulaklak sa paligid. Nangingibabaw ang mga magagaan sa dibdib na mga awitin mula sa isang magaling na live singer na may katabing pianista na noon ay nagpeperform sa loob ng isang puting gazeboong napapalamutian ng pinaghalong kulay puti at pink na mga rosas ang bawat haligi. Nauulinigan din ang masayang mga boses ng nagkukuwentuhang mga bisita at ang mga tawanan, hagikhikan at takbuhan ng mga bata.

Sa tabing dagat naman ay doon nakaposisyon ang mahigit apatnapung mga mesang may sosyaling table arrangement. Napapaligiran din ang kabuuan ng lugar ng mga mababang garden pillars na napupuluputan ng berdeng mga baging at nakasiksik dito ang mga kulay puti at pink din na mga bulaklak. Ang bawat pillar ay may nakapatong na isang  buhay na halamang carnation na hitik na hitik sa kulay rosas na mga bulaklak.

At sa loob ng isang magarang cottage ng nasabing resort, tahimik na pinagmamasdan ni Lena ang repleksiyon sa salamin. Gusto niyang kurutin ang sarili upang maniwalang ilang sandali na lamang ay mangyayari na ang araw na pinakaaasam-asam niya para sa kanilang dalawa ni Warren. Hinaplos niya ang sariling imahe sa salamin at unti-unting gumuhit ang mga ngiti sa kanyang mga labi.

May nakapatong na isang malaking puting lily sa kanyang nakatirintas papaikot na buhok. Nakamake-up siya ng simple ngunit eleganteng tingnan. Nakalitaw ang kanyang buong balikat sa suot na puting-puting tube wedding gown na punong-puno ng beads ang pantaas habang mula beywang ay balloon na balloon naman ang pang-ibaba nitong gawa sa satin na pinaibabawan ng ilang patong ng frosted organza. Sa haba ng damit ay hindi na niya makita ang suot na kulay silver na flat dollshoes. Sinadya niyang huwag magsuot ng may takong bilang pag-iingat sa kanyang pagbubuntis.

"Pasensiya ka na baby ha. Mamaya hindi gaanong hihinga si Mimi para makapagpacute ng ilang sandali kay Didi," nakangiting sambit niya habang marahang hinahaplos ang hindi pa kalakihang tiyan.

Natigilan siya sa pagmumuni-muni nang pumasok sa silid si Cindy. Nakasuot ito ng kulay pink carnation na bridesmaid gown bitbit ang isang bouquet na gawa sa kumpol ng pink na mga rosas at carnations. Halata sa mukha nito ang pagkataranta at pagiging abala.

"Lena eto na yung bouquet mo, sa wakas dumating na rin. Grabe muntik na akong atakehin sa pagkakalate ng delivery ng mga bouquets na yan," sabay abot nito sa kanya ng mga bulaklak at tiningnan siya mula ulo hanggang paa. " Wow, you look amazing in that wedding dress! Tiyak na dobleng maiinlove na naman sayo ang groom mo," nakangiting puri nito.

Lumapit ito sa kanya at sinuri ang damit sa bandang beywang niya. " Tama pa rin ba ang sukat? Hindi ka ba nasisikipan? Pina-adjust ko na yan sa designer, sabi ko lagyan ng kaunting allowance yung size."

"Okay naman. Hindi maluwang at hindi rin naman masikip. Salamat Cindy ha, pasensiya ka na ikaw ang masyadong nagiging abala sa lahat ngayon. Madalian kasi ang plano nitong kasal habang hindi pa gaanong lumalaki ang tiyan ko," mapagkumbabang wika niya sa babae.

You Gave Me A ReasonTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon