Chapter 1 ♬ Façade Emotions

113K 1.7K 119
                                    

CHAPTER 1 – FACADE EMOTION

SERENE

Isang taon na ang nakalipas magmula noong umuwi ako rito sa Pilipinas. Napagpasyahan ng mga magulang ko na dito ko na ipagpapatuloy ang pag-aaral ko hanggang sa makatapos ako. Sa totoo lang, hindi ko masasabing 'pinauwi' ang tamang salita para maisalarawan ang ginawa nila sa akin. 'Ipinatapon' nila ako rito.

Tama. Dahil iyon ang totoo.

Wala akong hinanakit dahil alam kong nararapat lang ito para sa akin. Nagkasala ako at kailangan kong harapin ang kabayaran ng mga pagkakamali ko.

Sa malaki naming bahay kung saan ako lumaki noong bata pa ako, ipinagkatiwala ako ng mga magulang ko sa isang kakilala. Sabi ni mama siya raw ang nag-alaga sa kanya noong maliit pa siya. Halos sa pamilya na raw namin siya nanilbihan buong buhay niya kaya malaki ang tiwala ni mama sa kanya.

Desi, iyan ang pangalan niya.

Isa siyang matandang dalaga na palaging may magaan na ngiti sa mukha. 'Ate' ang tawag ko sa kanya kahit halatang may edad na. Mas sanay kasi ako roon.

Hindi gano'n kalapit ang loob namin sa isa't isa ngunit sa bawat araw na lumipas na nakakasama ko siya rito sa loob ng bahay, unti-unti na kaming nagkakapalagayan ng loob. Mabait siya at maalaga. Wala akong maipintas sa kanya. Siguro kaya magaan ang loob ko ay dahil nakikita ko sa kanya si mama. Hindi ko man sinasabi pero miss na miss ko na siya... silang dalawa ni papa.

"Serene hija, kailangan mo ba ng tulong diyan?"

Ngumiti ako kay Ate Desi at saka umiling. Kasalukuyan akong nag-aayos ng mga gamit sa loob ng kwarto ko. Gusto kong mag-general cleaning para sa mga kahon na halos ilang taon ko nang hindi nabubuksan. May nakita akong isang pamilyar na photo album sa isa sa mga kahon na kasalukuyan kong hawak. Kinuha ko ito bago pinagpag at hinipan. Sa ilang taon na pagkaka-imbak, napuno na ito ng alikabok. Our dearest Angel: Serene Lopez—ito ang pamagat ng photo album na hawak-hawak ko. Hindi ko mapigilang mapangiti habang binubuksan ito. Gayunman, sa kabila nito ay ang makaramdam ng lungkot na pilit kong itinatago.

Koleksyon ito ng mga larawan noong sanggol pa ako. Naaalala ko pa, binigay sa akin ito ni mama bago ako umuwi rito sa Pilipinas.

Pitong taong gulang ako noong lumipat ang pamilya ko sa Canada upang doon na manirahan. Doon ko ginugol ang panibagong pitong taon ng buhay ko hanggang sa bumalik ako rito.

Hindi na ako nasamahan ng mga magulang ko na umuwi dahil abala sila sa kanya-kanyang mga trabaho. Noong dumating nga ako rito ay gulat na gulat ako dahil lahat ng mga gamit ko ay kumpletong-kumpleto na. Mapadamit, mga koleksyon kong libro at mapa-instrumentong mahal na mahal ko—lahat narito.

Hindi nila sinasabi pero alam ko na gusto nilang dito na ako mamalagi. Iyon na lang naisip ko, dahil ano pa nga ba? Hindi ko sila masisisi.

Minsan umiiyak ako gabi-gabi dahil sa mga kasalanan na nagawa ko sa kanila. Ang kaso sa buhay sadya talagang walang rewind button. Nangyari na ang dapat mangyari at hindi ko na ito maibabalik pa. Hindi ko na mababago. Wala na akong magagawa.

Pagdating sa umaga, todo na lamang ang ngiti ko na para bang walang nangyari. Sabi nga ng mga taong nakakasama ko ay napaka-hyper ko raw. Hindi raw ako nauubusan ng joke at laging may naka-ambang ngiti sa mga labi na para bang wala akong problema. Minsan natatawa na lang ako sa sarili dahil nagkakamali sila. Hindi lang nila alam, mas mabigat pa yata ang problema ko sa lahat ng problema na maaring kinakaharap nila. Magaling lang akong magtago. Iyon ang lamang ko sa kanila. Kaya ng dahil doon tawa roon, tawa rito. Kung maaari ayoko nang mag-isip pa ng problema para puro saya na lang.

Listen To My SongTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon