Chapter 8 ♬ At War with Mr. Cold

68.3K 1.1K 49
                                    

CHAPTER 8 – AT WAR WITH MR. COLD

SERENE

Puyat akong pumasok sa school kinabukasan. Kahit pa si Manong Raul ay nagulat sa eyebags ko na biglang lumitaw matapos ang isang gabi ng pag-iisip kung anong dapat kong gawin upang mabawi ang bag ko at kung paano ko maisosoli ang bag na ito sa kanya.

"Okay ka lang Serene?" nag-aalalang tanong sa akin ni manong lalo na noong makita niya na tulala akong pumasok doon sa loob ng kotse.

"Manong, ano ang pinakamabisang paraan para mamatay?"

"Mamatay? Hala, bakit?"

Napasabunot ako ng buhok. "Manong Raul! Nagkapalit kami ng bag ng isang schoolmate ko at hindi ko na alam kung anong gagawin!"

"Naku naman bata ka akala ko kung ano na, bag lang pala. Pinakaba mo ako roon ah."

Tinulak-tulak ko si Manong Raul na naghahanda na upang paandarin ang sasakyan. Hinila-hila ko pa ang damit niya. Gusto kong umiyak pero walang luha na tumutulo mula sa aking mga mata. Marahil nababaliw na nga ako dahil patuloy ako sa pagngawa sa harap niya. Pero sanay na yata siya sa akin dahil parang wala na lang sa kanya ang ginagawa ko.

"Hindi n'yo naiintindihan! Manong hindi lang 'yun isang bag okay? Nandoon 'yung mga notebooks ko. Nandoon 'yung assignment ko sa bag na nasimulan ko sa school kahapon pero hindi ko natapos. At 'yung assignment na iyon ay ipapasa ngayon sa first subject. Papatayin ako ni Ms. Christina, Manong Raul. Papatayin niya ako!"

"Sino ba kasi ang kaklase na iyan? Eh 'di bibilisan ko na lang ang pagmamaneho para maaga kang makapasok. Tapos puntahan mo siya 'di ba? Gawin mo na rin 'yung assignment mo. Magpaturo ka sa mga kaklase mo o kaya kumopya ka na lang. Eh 'di tapos ang problema 'di ba?"

"Manong Raul hindi n'yo kilala kung anong klaseng ng tao ang napagpalitan ko ng bag okay? Pipi nga yata eh. Ni hindi nagsasalita! Tapos kung makatingin sa akin akala mo ako ang may kasalanan ng global warming pati na rin sa patuloy na war sa buong mundo. Galit yata sa mundo 'yung taong 'yun eh. Ni hindi ngumingiti."

"Eh 'di ngitian mo. Wala namang gulo na hindi naaayos sa isang maayos na usapan."

Pero hindi ko pa rin matanggal ang haba ng nguso ko. Jusko! Ano bang gagawin ko?

Binilisan talaga ni Manong Raul ang pagmamaneho kaya nakapasok ako ng maaga. Binigyan pa niya ako ng isang masigabong pagkaway bilang good luck daw sa akin. Kung sa ibang pagkakataon lang siguro ay tumatawa na ako ngayon pero sa pagkakataong ito ay hindi ko magawa iyon. Parang akong natatae sa itsura ko ngayon pero ang totoo niyan, problemado lang talaga ako.

Ayoko ngang lapitan ang lalaking 'yun. Bakit kasi sa kanya pa. Pwede namang si Niel 'di ba? O kaya si Rico? Bakit siya pa?

Tinakbo ko agad ang band studio pero walang tao. Pumunta rin ako sa Section A class pero wala pa ring gaanong estudyante. Hinanap ko pa si Mr. Valdez o kaya kahit sino sa kanila sa banda upang magtanong kung nasaan si Jace pero wala naman akong nakita ni isa sa kanila.

Pinakialaman niya kaya ang mga gamit ko? Binuksan din kaya niya ang mga notebooks ko at binasa ang mga naroon? Gustong magmura ng mga labi ko pero pinigilan ko na ang sarili bago pa ako may masabi. Ayoko talagang nagmumura pero sa mga ganitong pagkakataon, wala ka na talagang ibang salitang maihahambing sa nararamdaman mo kundi ang isang napakalutong na mura.

"Nasaan ba ang lalaking iyon?" hawak-hawak ko ang bag niya sa kamay ko. Nandito ako sa may school garden at kanina pa ako pagod kakalakad at kakatakbo upang hanapin siya. Umupo ako roon sa tabi ng puno, naiinis sa sarili dahil sa kapabayaan ko.

Listen To My SongTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon