CHAPTER 233

2.1M 50.4K 53.3K
                                    

DEIB'S POV

"HINDI 'YAN totoo," napapangiting sabi ko kay Tita Heurt.

Ngunit sa halip na sagutin ako ay tumitig siya sa akin at lumuha. Nang hindi na ako makapagsalita ay sinalubong niya ako ng mga braso at biglang niyakap. Hindi ko magawang umiyak, naiwan akong tulala.

Hindi ko maintindihan, gusto kong kumawala. Alam ko namang ganoon ang mangyayari, ilang beses nang sinabi sa 'kin 'yon. Nabuhay, huminga at nagpatuloy ako ng ilang araw, linggo, buwan nang alam ang tungkol do'n. Kahit mahirap ay pinilit kong intindihin. Kahit na masakit ay sinikap kong tanggapin. Dahil nandoon na. Naiintindihan ko at tanggap kong hindi ako sapat para matigil iyon, para hindi iyon mangyari. Alam ko na ang mga dahilan. Alam ko na ang mga batas nila. Lahat ay alam ko na. Pero bakit ngayong nasa harap ko na ay saka ko nararamdamang hindi ko pa tanggap? Hindi ko na naman maintindihan. Hindi na naman ako makapaniwala. Alam ko sa sarili kong hindi na ako umaasang mauudlot 'yon. Aminado akong hindi na ako humiling na sana ay magbago ang desisyon ng batas nila. Dahil ang mga katotohanang nalaman ko ay inalisan ako ng kakayahang lumaban. Dahil nakumbinsi ko ang sarili kong kailangan ko itong pagdanan at tanggapin na lang. Dahil hindi mababago ng pagmamahal ko kay Taguro ang batas na ilang taon na nilang nakasanayan at sinunod nang buong-puso.

Iba pala talaga kapag nandiyan na, kapag nasa harap mo na, kapag narinig mo na, kapag nangyari na. Ibang-iba. Wala kang ibang magagawa kundi ang magsisi na lang dahil wala kang ginawa. Wala kang ibang mararamdaman kung hindi galit dahil wala kang magawa.

Nangilabot ang buong katawan ko nang marinig ko ang iyak ng iba pang naro'n. Nanghina ang mga tuhod ko, dahan-dahan akong napadausdos paupo sa semento. Iba ang pakiramdam, noon ko lang naramdaman at hindi ko mapangalanan. Napuno ng katahimikan ang sandaling iyon. Walang nakapagsalita dahil ang lahat ay naiyak na lang.

Nangibabaw sa isip ko ang mga plano kong isa-isang balikan ang mga lugar na pinuntahan namin ni Taguro. At sa huli ay pupunta ako sa BIS, sa mismong floor kung saan kami unang nagkita. Pero mukhang hindi ko na magagawa pa lahat iyon. Dahil sa sandaling iyon ay gusto ko nang tumakbo agad papunta sa school.

Para akong mababaliw. Hindi ako makapaniwala, sa isip ko ay hindi talaga ako naniniwala. Pero may kung ano sa akin mismo ang nagsasabing totoo iyon. Nasasaktan ako. Hindi ko naisip na posible palang magpatong-patong ang matitinding sakit na nararamdaman ng isang tao. Malas nga lang dahil ako 'yon mismo. At hindi ko akalaing posible palang mabuhay, huminga at makapag-isip nang may gano'n katinding sakit na bitbit sa dibdib.

Binalot ako nang matinding takot. Hindi ko alam ang gagawin. Nanlamig ang mga kamay ko, may kung anong ugong sa pandinig ko. Ang paghinga ko ay lalalim at biglang bumababaw. Hindi na normal ang daloy ng buo kong katawan.

Matagal kaming nanatiling tahimik hanggang sa magdesisyon sina Lee at Tob na iuwi ako. Masiyado silang nag-aalala sa lagay ko. Tulala akong nakarating sa bahay. Naririnig ko silang nagpapaliwanag sa mga magulang ko pero wala na akong maintindihan pa. Ang buong bahay ay napuno ng hagulgol at pag-iyak. Ang katotohanang hindi ko alam kung paanong sasabihin at ibabalita sa kanila, sa iyak pa lang ay mukhang alam na nila.

Namanhid ang buo kong katawan. Bigla ay parang wala akong maramdaman. Huminto ako sa pag-iyak pero sa loob ko ay patuloy akong lumuluha at dumurugo. Hindi ko na kailangan pang sabihin at ipaalam na nasasaktan ako. Dahil ako mismo ay nararamdaman ang nag-uumapaw kong emosyon. Hindi ko alam ang gagawin. Naupo lang ako sa sofa at tumulala sa kung saan.

Nang sandaling iyong ay kinuwestiyon kung bakit kailangang maging maayos ang sitwasyon ko at siya ay hindi. Kinuwestiyon ko kung bakit kailangang maiwan ako. Kung bakit hindi pwedeng magkasama na lang kaming pareho. Nang sandaling iyon ay kinamuhian ko ang bawat segundong pumapatak nang humihinga ako. At nang gabing iyon ay dumaan nang hindi ko na nararamdaman o nakikita ang paligid ko.

HE'S INTO HER Season 3 | COMPLETED |Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon