Chapter 13 ♬ You Captured Me

64.1K 1K 41
                                    

CHAPTER 13 - YOU CAPTURED ME 

JACE


Alas-siyete imedya ng gabi, wala na halos na estudyante ang natitira sa Princeton Academy. Isang oras na ang nakakalipas magmula nang matapos ang band practice. Hindi ako pumunta. Kinausap ko na si Mr. Valdez ukol doon bago pa man magsimula ang klase kaninang umaga.

"Bakit? Kailangan n'yong practice mamaya para mas lalo pa nating mapulido ang entry natin." Naaalala kong tanong niya kanina noong pinuntahan kio siya sa opisina niya.

"May kailangan lang po akong gawin."

"Jace alam mong hindi ito ang una na nagpaalam ka sa akin para mag-skip sa band practice. Gusto mo ba talaga na mapabilang sa banda ko? Hindi puwedeng palaging ganyan. August na ngayon. Next month na ang Battle of the Bands. You need to be serious about this." Umiling pa siya sa harap ko. "Akala mo ba hindi ko alam ang ginagawa mo sa tuwing nagi-skip ka? You are joining illegal car racing kaya minsan napapaaway ka pa." Hindi ako sumagot pero alam kong alam na niya na tama siya. "Look at those scars on your hands, even in your arms. Tapos ano na naman 'yang nakabenda riyan sa balikat mo?" turo niya pa sa akin. "Akala mo ba hindi ko napapansin? Jace, matalino ka at talented na bata. You have a bright future ahead of you, why are you wasting your time doing those kinds of things?"

Inilayo ko ang tingin sa kanya. Kahit pa ipaliwanag ko sa kanya hindi niya rin maiintindihan. Because no one does.

Hindi ako nagsalita, huminga siya ng malalim. "Okay sige, pagbibigyan kita ngayon na mag-skip pero sana Jace ito na ang huli. Maliwanag ba?"

Tumango ako sa kanya bilang sagot. Mabuti na lang hindi na siya nagtanong kaya malaya kong nagawa ang gusto ko sa mga sumunod na oras.

Pagkatapos magpalit ng itim na damit at pantalon ay lumabas na ako ng guy's locker room sa gym. Iniwan ko na lahat ng gamit ko roon. Tapos ko na rin naman kanina ang lahat ng mga takdang-aralin namin kaya wala na akong problema. Hindi ako pumunta sa band practice dahil ito ang tinapos ko kasama na ng iba pang mga bagay na kailangan ng aking kaukulang atensyon. Isa na roon ang pagpaplano ng mga istratehiya para sa mga gagawin ko ngayong gabi na ito.

Isinuot ko ang sumbrero at isinara ang zipper ng itim na hoody na suot ko. Nagtungo ako sa school parking lot ng nakabulsa ang mga kamay, naglalakad ng kay bagal, nasa kamay ko ang oras.

Mabilis na rumaragasa ang itim kong kotse sa kahabaan ng kalsada. Wala akong pakialam kung ilang beses na akong nag-over take sa mga mababagal na kotse sa harap ko. Ang tingin ko ay nakadiretso lamang sa pupuntahan. Kahit sino ay walang makakapigil sa gagawin ko.

Sandali ko pang isinandal ang isang braso sa bukas na bintana sa tabi ko habang ang isang kamay ang siyang natitirang nagmamaneho sa manibela. Pinakiramdam ko ang malamig na hangin ng gabi. Inihahangin nito ang buhok ko, ang sumbrero na suot ay marahan pang naitulak ng hangin palikod. Tahimik itong humimlay sa upuan doon. Pinagmasdan ko lamang ito sa rearview mirror, walang pakialam kung mawala man ito ng tuluyan dahil kahit na anong bagay naman ay madaling palitan.

Madaling palitan.

Gano'n naman lahat ng bagay hindi ba? Walang nagtatagal. Lahat nagtatapos. Kahit pa ang mga tao minsan parang mga bagay, madaling mapalitan. Hindi ba't diyan nagsisimula ang lahat ng kasamaan sa mundo? Pera, kapangyarihan at ganid. Sa panahon ngayon mas pinapahalagahan na ang mga bagay at binabalewala ang mga tao.

Ang stop light ay naging kulay pula kaya huminto ako. Inilibot ko ang tingin sa paligid. Pinakiramdaman ang buong lugar. May isang kotse ang huminto sa tabi ko. Kay lakas ng musika na nanggagaling sa loob ng kotse nila. Kung umasta sila ay parang walang ibang tao sa paligid na nakikinig at naaabala sa kayabangan nila. Dalawa ang taong sakay nito, mga lalaki na halatang ibinibida ang mamahaling klaseng kotse na sinasakyan nila. Nagtama ang mga mata namin ng lalaking may hawak ng manibela. Napansin niyang isang magandang uri ng sports car ang sasakyan ko kaya tumango siya sa akin na puno ng paghahamon. Nakakairita ang ngisi sa labi niya lalong-lalo na ang ang bubblegum sa bunganga niya na animoy isang kambing kung ngumuya. Gayunman, pinagmasdan ko siya. May bigote siya sa mukha at kapansin-pansin din ang bagong shave nitong buhok na may disenyo sa gilid nito. Naalala ko ang mga larawan na pinagmamasdan ko kanina roon sa rooftop.

Listen To My SongTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon