Chapter 20 ♬ Battle of the Bands

68.1K 1.2K 91
                                    

CHAPTER 20 - BATTLE OF THE BANDS 

SERENE


Ito na ang araw na pinakahihintay namin. Walang iba kundi ang Battle of the Bands!

Maaga akong bumangon ngayong araw na 'to dahil kailangan daw nasa school na kami ng saktong 7:00 am. Kailangan pa raw naming magpractice para sa mga pyesa na kailangan naming kantahin. Magsisimula ang Battle of the Bands mamayang 5:00 pm kaya mayroon pa kaming mahabang oras para gawin ang lahat ng kailangan naming gawin.

"Ate Desi papasok na po ako!" Paalam ko sa kanya. Nagmadali akong lumabas ng pinto. Naroon sa garahe ay ang naghihintay na si Manong Raul.

"O, sige hija. Ingat at good luck sa'yo!"

"Sige po. Salamat!"

Alam ni Ate Des ang tungkol sa Battle of the Bands na sasalihan namin. Sobrang saya nga niya at todo ang suporta noong nalaman na kasali ako roon. Parehas sila ni Manong Raul na todo rin ang bati sa akin. Sabi nila masaya raw sila para sa akin dahil sa wakas kumakanta na ako ulit.

"Serene hija, aba ang ganda natin ngayon ah." Binuksan ni manong ang pinto para sa akin. Kaya pumasok na ako agad doon sa likod kung saan ako madalas umuupo. Hindi ko mapigilang matawa sa pahayag niya. Nahihiya man ay nagpasalamat pa rin ako.

"Kailangan ko pong mag-ayos eh. Siyempre ayoko naman po silang mapahiya sa akin." Pagkagising ko ay inayusan ko na ang sarili. Inilabas ko ang mga make-up ko sa labas na matagal ko nang hindi nagagalaw. Ang tagal na rin noong huling panahon na ginawa ko ito. Mabuti na lang hindi pa rin expired 'yung mga make-up ko dahil kung hindi baka hindi ko na alam kung ano ang gagawin.

"Sa'yo pa ba naman mapapahiya sila? Naku kapag nakita ka nila siguradong magugulat sila. Ayos mo pa lang pati na ang damit mo. Grabe. Hindi na talaga bata ang alaga namin ni Desi. Dalaga na."

Pinagmasdan ko saglit ang suot kong damit. Alam kong hapon pa naman ang mismong Battle of the Bands ngunit nag-ayos na ako para magrere-touch na lang ang gagawin ko mamaya. Puwede kaming magsibilyan ngayon dahil hindi naman kami papasok sa klase. Diretso lang kaming lahat sa band studio bago didiretso sa event.

Nakasuot ako ng puting sando at itim na 3/4 long sleeve cardigan. Itinerno ko pa rito ang isang black leggings at black leather combat boots. Pinalitan ko ang black sport wristband na palagi kong isinusuot sa pulsuhan upang matakpan ang gclef tattoo ko ng itim na punk and rock bracelet.

Binuksan ko ang dalang compact at pinagmasdan ang sarili. With my perfect thin winged eyeliner, white and maroon eye shadow combined with my favorite burgundy lipstick, I totally look like a rockstar. Like the old me.

"Hi Serene Lopez. It's been a long time." Hinaplos ko ang repleksyon ko sa salamin. Ang mga mata ko ay marahang nangingiti dahil sa pagkasabik at pagkamiss sa sarili na muntik ko nang kinalimutan. Masyado akong abala sa pagbabago, sa pagiging mabuti sa takot na mapahamak ang mga tao na nasa paligid ko. Hindi ko namamalayan na unti-unti ko na palang kinakalimutan ang dating ako. 'Yung palaban. 'Yung palaayos. 'Yung matapang at walang kinakatakutan.

Pagdating namin sa tapat ng school ay ngumiti pa sa akin si manong. "Galingan mo hija ha? Alam kong kaya mo 'yan. Nandito lang kami ng ate mo at palagi ka naming susuportahan. Mahal ka namin anak. Proud na proud kami sa'yo. At alam kong kung nandito man ang mga magulang mo, iyon din ang sasabihin nila sa'yo."

Hindi maiwasang manlambot ang puso ko dahil sa sinabi niya. Unti-unting sumilay ang ngiti sa aking mukha, puno ng pasasalamat at saya na hindi ko alam kung paano sasambitin. Hinawakan ko si Manong Raul sa balikat at hinawakan niya ang kamay ko. Konti na lang at iiyak na ako ngunit pinigilan ko ito. Ngumiti siya sa akin at tumango ako. Binuksan ko ang pinto sa gilid ko bago isinuot ang dala kong shades.

Listen To My SongTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon