CHAPTER 239 : THE END Part 3

5.3M 94.6K 373K
                                    

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.


CHAPTER 239 : THE END Part 3

DEIB LOHR'S POV

"THANK YOU."

Bumuntong-hininga ako bago tuluyang lumingon kay Maxpein. Saka napilitang ngumiti. "You're welcome."

Naiilang siyang tumitig sa 'kin, nakamaang ang labi na tila ba kinakapa kung ano ba ang dapat niyang sabihin. Bumuntong-hininga ako saka inihilig ang ulo ko sa sandalan. Saka ako deretsong tumitig sa kaniya. Dahilan para lalo siyang mailang.

Kumibot ang labi niya, sa maangas niyang paraan, saka pasiring na nag-iwas ng tingin.

Kakaiba talaga...kakaiba pa rin talaga.

Nakabibingi ang katahimikan. Tanging kuliglig na maligalig sa gabi ang maririnig. Batid kong naiilang siya sa gano'ng sitwasyon namin sa sandaling iyon. Kaya nga hindi niya magawang tumingin nang deretso sa 'kin. Naglilikot lang ang mga mata niya saka pasimpleng sumusulyap sa 'kin. Pero dahil hindi ko inaalis ang paningin sa kaniya, 'ayun at nahuhuli ko siya.

"Bakit?" tanong niya. Hindi naman ako kumibo. "Meron ka pa bang sasabihin?" nauutal na tanong niya, umaasa.

Umiling ako. "Ikaw?"

Parang nagulat siya sa tanong ko. Inosente siyang tumitig sa 'kin saka umiling.

Gusto kong matawa. Sa ikinikilos niya ay para bang isa siya ro'n sa mga taga-hanga ko. Na tila ba hihimatayin na makita lang akong sumulyap sa kanila.

Maging ako man ay hindi alam ang sasabihin. Ni wala yata akong gustong sabihin. Gusto ko lang ang sandaling 'yon. Na nakatingin ako sa kaniya at nakikita ko siyang gumagalaw. Kontento na 'ko ro'n.

Nang makontento ay umibis ako sa sasakyan upang pagbuksan siya at alalayang bumaba. Sa saglit na pagkakadaupang-palad namin ay naramdaman ko ang panlalamig niya at panginginig.

Hindi maalis-alis ang mga tingin niya sa 'kin kaya naman kaswal ko siyang tiningnan. Nagtatanong ang mga mata niya ngunit hindi ko malaman kung paano 'yong sasagutin. Hindi ko pa rin malaman ang sasabihin. Lalo pa at hindi mawala sa isip ko ang ginawa ko kanina. Hindi ko inaasahang magagawa ko 'yon, nabigla rin ako.

"See you tomorrow," mahinang aniya.

"See you."

"Take care." Halatang nag-aalangan pa siyang talikuran ako. Halatang handa siyang maghintay kung sakaling may gusto pa akong sabihin. Halatang ayaw niya pang matapos ang gabing 'yon. Halatang ayaw niya pa akong umalis. Halatang gusto niya pa akong makasama.

"I'll go ahead," kaswal kong sinabi dahilan para bumagsak ang mga balikat niya at bumalatay ang panghihinayang sa kaniyang mukha.

Hindi ko na siya hinintay pang magsalita. Mabilis akong bumalik sa sasakyan at nagmaneho pauwi. At habang mag-isa sa tahimik at madilim na biyahe ay pilit kong nilalabanan ang lungkot na pilit din akong nilalamon.

HE'S INTO HER Season 3 | COMPLETED |Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon