Kabanata 6

2.7M 64.7K 56.5K
                                    

[Kabanata 6]

NAGKATINGINAN kami ni Juanito at parehong natulala sa aming mga pamilya na narito na rin ngayon. 

"Ano ang ibig sabihin nito?!" matapang na saad ni Don Mariano habang nakatingin kay Juanito.  "Ipapaumanhin niyo po ama at Don Alejandro ngunit wala pong ibang ibig sabihin ito. Kami po ay naghahanap lang ng puno ng..." hindi na natapos ni Juanito ang sasabihin niya dahil nagsalita muli si Don Mariano.

"May iba pa bang ibig sabihin ang lihim niyong pagkikita ni Carmelita? Ganyan ba ang itinuro ko sa iyo Juanito?" sermon ng tatay niya. Halos tahimik lang ang lahat at nakatingin sa amin. Napatingin naman ako kay Madre Olivia, nakayuko lang din siya at bakas sa mukha niya na gustuhin man niya tumulong pero wala na siyang magagawa. 

Hindi nga pala normal sa panahong ito ang makitang magkasama ang isang babae at isang lalaki na silang dalawa lang. Napahawak ako sa aking noo, bakit ba hindi ko naisip 'yon agad? 

Ang bigat ng tensyon, kailangan ko makatakas sa sitwasyong 'to. Mabuti na lang dahil naalala ko ang palagi kong ginagawa kapag gusto kong tumakas sa sermon ni Dad. "A-aray! Parang nahihilo a-ako" saad ko saka nagkunwaring nawawalan ng balanse hanggang sa mawalan ng malay. Agad lumapit si Doña Soledad, Maria at Josefina para alalayan ako.

"Carmelita!" tawag ni Doña Soledad. Hinawakan niya ang mukha ko at tinapik nang marahan ang aking pisngi. Pinaypayan naman ako nina Maria at Josefina. "Gumising ka anak!" patuloy pa niya. Sinubukan na rin akong gisingin ng iba pero hindi ako susuko, hindi ko imumulat ang aking mata. 

Lumapit naman si Madre Olivia at hinipo ang noo at leeg ko. "Tiyak na pagod na si Carmelita. Mas makakabuti kung makakapagpahinga na siya" wika niya. Buti na lang na-gets agad ni Madre Olivia na ito ang escape plan ko.

"Marahil ay napagod siya sa mahabang paglalakbay at hanggang ngayon ay hindi pa pala kayo nakakapagpahinga" narinig kong sabi ni Maria. Gusto kong imulat ang mga mata ko at sabihing kami ngayon ni Juanito ang napahamak kakahanap sa kaniya. #FeelingBetrayed.

Napatikhim si Don Alejandro, "Mauna na kayong umuwi. Aming pag-uusapan ang hindi kaaya-ayang kilos ng dalawang batang ito" sinubukan kong silipin ang mga hitsura nila pero agad kong ipinikit ulit ang mga mata ko nang mapatingin sa akin si Juanito. 


MAINGAT na hinihilot ni Doña Soledad ang braso at kamay ko para raw mawala ang pamamanhid at dumaloy nang maayos ang aking dugo. "Caremlita, anak, huwag mong damdamin ang sinabi ng iyong ama kanina. Tiyak na nabigla lang din siya" saad niya, minabuti ko na magkaroon ng malay pagdating namin sa mansion ng pamilya Montecarlos. Hindi ko kayang magtulog-tulugan nang matagal.

Napatingin ako kay Doña Soledad. May pagkakahawig din siya kay mommy. Parehong mahaba at kulot ang kanilang buhok, maliit na ilong at payat na pangangatawan. "Ikaw ay hindi matitiis ng iyong ama. Mahal na mahal niya kayo, kaniyang gagawin ang lahat para sa inyong tatlo" patuloy niya. Napatulala na lang ako sa kisame. Parang ang weird dahil may nanay ako sa panahong 'to. Kahit papaano gusto ko ulit maranasan magkaroon ng mommy.

"Ilang buwan din kitang hindi nasilayan anak. Kumusta ang buhay sa Maynila?" ngiti niya saka tumingin sa akin. Napaisip tuloy ako, anong isasagot ko? Hindi ko naman alam kung anong mga nangyari sa buhay ni Carmelita sa Maynila. Alangan naman sabihin ko sa kaniya na may report kami kay Prof. Hermios bago ako mapunta sa panahong ito. 

Para akong malaking hibang na napangiti sa sarili. Nakatakas pala ako sa report dapat namin. "Okay lang naman" hindi ko namalayan na nasabi ko iyon habang nakangiti sa kisame. 

"Okey? Madalas bang gamitin ang salitang iyan sa Maynila?" nagtatakang tanong ni Doña Soledad dahilan para matauhan ako. Sinubukan kong ngumiti kahit halatang napipilitan lang. Tama nga si Madre Olivia, I should shut my mouth na.

I Love You since 1892 (Published by ABS-CBN Books)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon