Chapter 32

1.1M 45.8K 40.3K
                                    

Chapter 32: Shoot

Ace's Point of View

Alam kong may nagbago. Pilit kong itinago at ipinagsawalang bahala ang lahat. Iwinaksi ko ang lahat ng pangamba dahil ang mahalaga lang sa akin ay ang nagbalik ka. Nagbalik ka sa akin.

Nagbalik ka nang hindi buo. Bumalik ka at nagpanggap na walang nangyari. Nakakatawa na sinabayan ko ang pagpapanggap na ginawa mo. Nagpanggap ako gaya nang ginawa mo kasi alam kong 'yon ang nais mo.

Zein. Nakakapagod din pala. Nakakapagod ang ginagawa natin. Napapagod na ako at ang nag-iisang babaeng pinagkukunan ko ng lakas ang siyang nagpapahina sa akin ngayon. Kailan ba natin 'to tatapusin?

Nanatili akong nakatulala sa mga bituin sa labas nang nakabukas na bintana sa kwarto ko.

Sa lahat ng bituin, ikaw ang nahawakan ko. Sa lahat ng pangarap ko, ikaw ang naabot ko. Sa lahat ng taong dumaan sa buhay ko, ikaw ang pinakaminahal ko. Hindi ko alam na ikaw din pala ang makakapanakit sa akin nang ganito.

Bumukas ang pinto at iniluwal nito si Zein na namumugto ang mata.

Gusto kong iiwas ang aking mata dahil nasasaktan akong nakikita syang gano'n. Gusto kitang yakapin pero ikaw ang gumagawa ng puwang sa pagitan natin.

"I'm sorry..." 'yon ang dalawang salitang lumabas sa kanyang bibig.

Ngumiti ako dahil pakiramdam ko ay kailangan ko na namang magpanggap.

Heto na naman tayo.

Umupo sya sa tabi ko at hinawakan ang aking kamay. "Nagugutom na ako, Ace." wika nito.

Hindi ko nagawang ibuka ang aking bibig para sumagot man lang o ipakita na naririnig ko ang mga sinasabi nya.

Napatingin ito sa aking laptop kung saan nakita ko ang panlalaki ng kanyang dalawang mata. Patuloy pa rin ang paggalaw no'n.

"Sorry? Para sa akin ba 'yon?" Sa wakas ay nagawa ko ng magsalita.

Hindi ito sumagot at nanatili ang kanyang malamig na mata sa laptop ko.

Napangiti ako nang muling bumalik sa una ang video. Tumatakbo si Allison palabas ng kanilang bahay na lumuluha. Bakas sa kanya ang labis na lungkot at pagsisisi. Ang mga sumunod na pangyayari ay ang pinakamasakit na nakita ko. Nakita kong lumabas din si Zein sa bahay at tinutukan ng baril si Allison. Pinaputukan nya ang kanyang ate sa binti dahilan nang pagbagsak nito sa sahig. Lumapit sa kanya si Zein na nagbabaga ang mata at mabilis na tinakpan ang mata at bibig nito.


"H-Hindi ko kilala ang babaeng 'yon, Zein." natatawa kong sambit kay Zein na hindi kumikibo. "Ikaw, kilala mo ba sya?" tanong ko.

Tumayo ito at kinuha ang laptop ko.

"Kayo ang pumatay sa akin. Kaya ang bumago sa akin. Ang kasakiman nyo ang dahilan kung bakit ko nagagawa ito."

Itinapon nya ang laptop ko sa pader dahilan nang pagkabasag nito. Hindi ako kumibo. Nanatili ang mata ko kay Zein. Wala akong ibang nararamdaman ngayon kundi ang... Awa.

Naaawa ako kay Zein.

"Naiintindihan ko, Zein."

"Ganon?" natatawa nyang tanong. "Buti ka pa naiintindihan kasi ako? Gulong-gulo ako at walang maintindihan." mapaklang sambit nito.


Katahimikan ang sumunod na nangyari. Sa sobrang tahimik ay nakakabingi na ito. Tanging ang mabibigat na paghinga lang ni Zein ang naririnig ko.


Chasing Hell (PUBLISHED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon