Kabanata 43

2.7M 58.4K 165K
                                    


[Kabanata 43]

Mahal kong Juanito,

Patawad kung hindi na ako makakabalik pa sa loob ng sampung araw. Patawad kung ito na ang huling sulat ko sa iyo. Patawad kung hindi na tayo magkikita pa. Hindi ko gusto gawin ito ngunit ito lang ang tanging paraan para hindi ka masaktan. Hinihiling ko na sana mabuhay ka ng matagal, Huwag mong pababayaan ang sarili mo. Maraming Salamat sa pagmamahal na ipinaranas mo sa akin, Hindi ko akalaing sayo ko matatagpuan ang tunay na kahulugan ng pag-ibig. Hanggang dito ko na lang kayang patunayan sa iyo ang pagmamahal ko, Hanggang sa huling tibok ng puso ko, ikaw pa rin ang sinisigaw nito. Mag-iingat ka palagi at Maraming Salamat sa lahat.

Nagmamahal,

C

Tatang Caloy,

Kahit pa nagawa niyo akong ipapatay noon dahil sa inyong galit sa aking ama, Hindi po ako nagtanim ng sama ng loob sa inyo. Naiintindihan ko po ang pinaglalaban niyo, at sa maniwala po kayo o hindi, suportado ko po ang inyong layunin. Ngunit may mga bagay po na hindi tayo maiiwasan, alam kong buong loob niyong iaalay ang buhay niyo para sa kalayaan subalit hindi po ito ang tamang oras, Alam na po ng pamilya Flores ang inyong mga magiging hakbang kung kaya't mas mabuti po kung ipagpaliban niyo po muna ang inyong pagsalakay.

Nakikusap,

C

Nakatulala lang ako ngayon sa daan habang tinatahak namin ang daan pabalik sa simbahan ng San Alfonso. Tahimik lang din si Eduardo habang pinapatakbo niya ang kabayo. Hindi ko na mapigilan ang mga luha ko, marahil ay binabasa na ni Juanito ang sulat kong iyon sa mga oras na ito.

Pero kahit ganun, Hindi na rin naman niya ako maabutan dahil papunta na kaming Maynila mamayang alas-dos. At ito na rin ang huling pagkakataon kong makita ang lalawigan at bayan ng San Alfonso sa panahong ito.

Malalawak na palayan at paminsan ay mga maliliit na bahay kubo sa gitna ng mga palayan. Ang kalsada ay makinis na lupa lamang. At ang mga puno sa paligid ay animo'y nagpapaligsahan sa laki at yabong ng mga dahon. May mga kababaihan rin akong namataan na nagtatawanan at nagkwekwentuhan sa tabing ilog habang naglalaba, at ang ilan naman ay abala sa pagbibilad ng mga palay sa labas ng kanilang mga kabahayan.

Ang mga bata ay naglalaro ng habulan at nagtatawanan. Ang ilang mga kalalakihan naman ay nagsisibak at nagsisiga ng apoy at masayang nakikipagkwentuhan sa mga kapitbahay. Ang ilan naman ay may mga bitbit na malalaking lambat at mga balde na punong-puno ng mga isda dahilan para palibutan sila ng mga tao na nais makahingi.

"Binibini, huwag po kayong mag-alala tulad ko po ay naiintindihan ko pong hindi kami magkikita ni Maria agad" narinig kong tugon ni Eduardo at nakalingon siya sa akin ngayon. Hindi ko maiwasang mapatitig sa kaniya, siya ang great great great great grandfather ko. Sa totoo lang hawig niya si Lola Carmina, bilugan na mata, matangos na ilong, manipis na labi.

Napaisip naman ako sa sinabi niya, parang unti-unting nadudurog ang puso ko dahil walang ideya si Juanito na iyon na ang huli naming pagkikita.

At sinadya ko talagang hindi sabihin sa kaniya upang hindi na niya ako pigilan pa dahil baka magbago pa ang isip ko kapag umiyak siya sa harapan ko.

"Sabi nga po nila, ang tunay na pag-ibig ay nakapaghihintay, kahit gaano pa ito katagal, umaraw o umulan, lumipas man ang ilang araw, buwan, taon o dekada hindi ka mapapagod maghintay sa muling pagdating ng taong minamahal mo" patuloy niya pa, napalingon naman ako sa bintana ng kalesa. Tama nga si Eduardo, ang taong tunay na umiibig ay magagawang maghintay kahit gaano pa ito katagal ngunit walang tao ang makapaghihintay ng higit isang daang taon.

I Love You since 1892 (Published by ABS-CBN Books)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon