CHAPTER 180

4M 69.1K 141K
                                    

MAX'S POV

"Ilabas mo 'yong sasakyan," utos ko sa driver nang makalabas ng mansyon. "Ihatid mo 'ko sa apartment."

"Yes, Ma'am Maxpein."

Agad itong kumilos upang pangunahan ako, dumeretso ako sa sasakyan matapos niya akong pagbuksan. Hindi pa man ito tuluyang nakakaalis ay nahagip na ng paningin ko si Sensui. Napabuntong-hininga ako dahil halatang hinahanap niya ako. Sinulyapan ko lang siya at pinagmasdan. Tinted ang salamin ng sasakyan kaya naman hindi niya ako makikita.

"Tara na," anyaya ko. Tumango ang driver at agad na pinaandar ang sasakyan.

Hindi ko malaman ang mararamdaman ko, hindi naman ako nabastos pero kinakabahan ako.

Hindi ko alam kung natural bang maramdaman iyon o ano.

Napabuntong-hininga muli ako. Aminado akong may parte sa kalooban kong hindi natuwa sa ginawa ni Sensui. Kakaiba ang haplos niya at masyadong malalim ang kaniyang halik, bagay na hindi ko pa nararamdaman kahit kanino man. Nagtatalo ang puso't isip ko, alam kong hindi tama ang bagay na 'yon.

Pakiramdam ko ay nasa balat ko pa rin ang labi at haplos niya.

Napapikit ako dahil hindi ko gusto ang isiping 'yon, pakiramdam ko ay nasasaktan ako at gusto kong maghinanakit. Hindi ko talaga maipaliwanag ang kakaibang pakiramdam na ito.

Ilang saglit pa ay nag-ring ang aking cell phone, kinuha ko agad 'yon at tiningnan.

One Message Received

From: Sensui

Ipinahatid ko na ang motor mo kanina sa bahay ninyo. Mahal na mahal kita, babe. Kahit anong mangyari ay mahal na mahal kita. Mahal na mahal talaga kita. Ingat.
07:00pm

Hindi na ako sumagot pa. Ibinulsa ko ang cellphone 'tsaka sumandal nang todo sa upuan, inihilig ang batok ko at pumikit. Ngunit agad na nanuot sa isipan at pakiramdam ko ang paraan nang paghalik ni Sensui. Kunot-noo kong pinanood sa isip ang eksenang 'yon.

Wala pa tayo sa tamang edad para ro'n, Sensui. Naniniwala ako sa tamang edad at hindi sa legal na edad. Sana ay maintindihan mo.

Hindi ko namalayan ang pagpatak ng minuto, pakiramdam ko ay naging napakatagal ng byaheng iyon kaya nakaidlip ako.

"Ma'am Maxpein, nandito na po tayo," tinig ng driver.

Nakabukas na ang pinto sa tabi ko kaya naman hinihintay na lang nitong umibis ako. Muli akong pumikit saka marahang nagmulat. Kamalas-malasan namang tumama iyon sa ilaw ng poste kaya agad na kumirot ang sentido ko.

"Salamat," tugon ko at agad na bumaba. "Ikaw na lang ang magsabi sa kanila kung anong oras akong umuwi."

"Yes, Ma'am Maxpein."

"Mag-iingat ka pauwi."

"Salamat po nang marami, Ma'am Maxpein," bigay na bigay pang aniya 'tsaka tumango nang todo sa 'kin.

Naabutan ko sina Yaz at Naih sa sala. Agad akong naupo sa sofa, inihilig muli ang batok at pumikit. Hindi ko man sila tingnan ay batid kong nasa aking ang paningin ng magkapatid.

"Kumain ka na ba?" tanong ni Yaz, umiling naman ako. "Nagluto ako nang paborito mo," tiningnan ko lang siya. "Chicken with pineapple!"

"Busog pa ako."

"Huh? But you're not yet eating dinner 'ka mo?"

"Wala ako sa mood kumain."

HE'S INTO HER Season 3 | COMPLETED |Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon