One

5.1K 103 0
                                    


One week later...

"MARY JANE?"
Ibinaba ng dalagita sa kama ang smartphone, nilingon ang pinto kung saan pumasok ang tumawag sa kanya—si Pierre Montervo. Ang lalaking sumalo sa kanya nang biglaan na lang siyang iniwan ng ina isang linggo na ang lumipas. Ang lalaking nagsabing kailangan niyang sumama rito hindi lang dahil wala na siyang ibang mapupuntahan kundi dahil alam nito ang lihim ng pamilya niya. Lihim na malalaman din niya kung sasama siya at susunod sa mga gusto nito. Ang lalaking parang si Piolo Pascual kapag nakatalikod pero kapag humarap ay si Albert Martinez ang look-a-like. Albert Martinez noong thirty three lang.
One month ago, unang nakita ni Jane si Pierre sa Lababest, ang three years old laundry shop ng kanyang ina. Sabado ng hapon iyon, pumasok ang lalaki bilang isa sa mga customers ng shop. Tuwing Sabado ay nasa shop si Jane kaya napansin niyang laging bumabalik si Pierre nang ganoong oras at araw, kinakausap lagi ang mommy niya at lumalabas ang dalawa. Siya ang naiiwan sa shop na nagtataka. Hindi lang iyon, napansin rin ni Jane ang kotse ng lalaki na nagtatagal sa tapat ng gate nila. Hindi naman kumakatok, nasa labas lang na parang may hinihintay. Hindi sigurado ni Jane kung may kaugnayan ang pagdating ni Pierre sa pagbabago ng ina. Naging tila laging balisa ang kanyang mommy. Mas madalas rin ay tahimik at parang nag-iisip nang malalim. Pero nang nagtanong naman siya, ang sagot nito ay tungkol sa manliligaw na nakilala nito sa Facebook. Hindi nahulaan ni Jane na pagkatapos ng isang buwan, biglaan siyang iiwan ng ina.
At si Pierre ang naroon para saluhin siya. Hindi alam ng dalagita kung ano ang dapat niyang maramdaman.
Dapat ba niyang pagkatiwalaan si Pierre?
Magulong-magulo pa ang isip ni Jane nang araw na iyon kaya tahimik siyang sumama kay Pierre. Pinilit ni Jane na tatagan ang loob. Pinigil niya ang mga luha. Hindi siya iiyak sa harap ni Pierre. Hindi niya rin ipapakitang natatakot siya. Gusto ni Jane na maging matapang sa paningin ng lalaki nang sa ganoon ay magdalawang-isip ito na gawin ang masamang iniisip sa kanya—kung mayroon man.
Tahimik lang si Jane habang nasa passenger seat ng kotse ni Pierre. Ang lalaki rin ang nagkabit ng seat belt niya dahil para siyang estatwang nakaupo at tulala. Hindi rin nagtangka ang lalaki na kausapin siya. Tuloy ang tahimik nilang biyahe mula sa San Juan hanggang Quezon City. Sa isang bahay sa isang ekslusibong subdibisyon pala nakatira ang lalaki.
Walang kasama sa bahay si Pierre Montervo liban sa isang maid na sa hula ni Jane ay forty plus na ang edad. Ang babae ang sumama sa kanya sa isang silid—ang magiging silid daw niya sa bahay na iyon. Mabait ang maid na si Ate Myrla, pati ang password ng wifi ay ibinigay sa kanya para hindi raw siya mabagot.
"Tama ako," sabi ni Pierre pagkakita sa kanya. "You're still awake," humakbang ang lalaki patungo sa kama ni Jane, mahigpit na hinawakan ang bisig niya at itinayo siya. Napilitang sumunod ang dalagita sa paghila nito.
"A-Ano'ng gagawin mo sa akin?" naitanong ni Jane na kinabahan. Sa lumipas na isang linggo na nasa bahay na siya ay unang beses iyon na pumasok sa silid niya si Pierre. "Saan mo ako dadalhin—"
"Sa kitchen," putol ni Pierre, parang walang anuman na naglakad palabas ng silid na hila siya. "Hindi ka na naman kumain sabi ni Myrla. Kakain tayo, Jane."
Hindi nga napilit ng maid na kumain ng dinner si Jane. Wala siyang gana. Mas gusto niyang manahimik at tumitig sa kisame kaysa kumain. Paulit-ulit na bumabalik sa isip ng dalagita ang biglaang pag-alis ng ina nang walang paalam. Lumipad na ba ito ng Australia? Masaya na ba ito kasama ng boyfriend? Bakit kailangan siyang pabayaan para lang sa lalaking iyon? Kasalanan ba niyang ipinanganak siya? Bakit kailangan nitong isumbat sa kanya ang mga isinakrispisyo mula nang isilang siya? Ginusto ba niyang isilang? Hindi naman, ah. Siya ang walang malay na anak na naging bunga ng pagmamahalan nito at ng ama niya. Pagmamahalan nga ba? Kung oo, bakit wala siyang nagisnang ama?
At ang hindi pa maintindihan ni Jane ay ang biglaang pagbabago ng ina. Sa fifteen years na nakasama niya ito, hindi niya naramdamang hindi siya mahal ng inang si Pauleen Morelos. Hindi niya naramdamang labag sa loob nito ang sinasabing mga sakrispisyo para sa kanya. Inalagaan at minahal siya nito. Mas mahirap pala iyon—ang tanggaping inabandona siya ng inang hindi niya naisip na sasaktan siya. Ang pagmamahal ba nito sa boyfriend ang dahilan? Kung oo, sobra sobrang pagmamahal siguro iyon para mas piliin na iwan siya. Hindi lang basta iniwan, ginamit pa siya para makakuha ng perang kailangan nito—na napapaisip din siya. Hindi rin niya alam na kinukulang ng pera ang ina. Nagawa nga siya nitong tustusan sa pribadong eskuwelahan. Sinuportahan rin nito pati mga luho niya. Wala siyang ginusto na ipinagkait nito.
Pero ayon kay Pierre, malaking halaga ang kinuha ng ina.  Malaking halagang kapalit ng bahay nila at ng laundry shop na pag-aari nito—na naging pag-aari na ni Pierre mula nang araw na umalis nang walang paalam ang kanyang ina.
"Ayokong kumain..." mababang sabi ni Jane nang nasa kitchen na sila. Handa na sa mesa ang dinner na tinanggihan ng dalagita kanina. Hindi sumagot si Pierre, hinawakan lang siya sa mga balikat at sapilitang pinaupo sa isa sa mga silya sa dining set.
"Kumain ka, Jane."
Umiling siya. "Wala akong gana..."
"Magkakasakit ka sa ginagawa mo," si Pierre sa banayad na tono. "Ilang araw nang hindi ka kumakain nang tama."
"Mas okay 'yon," sabi agad ni Jane. "Para bumalik si Mommy. Hindi naman siguro niya ako hahayaan na mamatay na lang—"
"Mas gusto mong magkasakit?" agaw ni Pierre. "Kung may masamang mangyari sa 'yo, maitatanong mo pa ba kay Pauleen ang mga gusto mong itanong?"
Napatingin si Jane kay Pierre. Tama naman ito pero wala talaga siyang gana. Ang bigat ng pakiramdam niya. Parang may nakadagan na malaking bato sa kanyang puso. Pati paghinga ay mahirap gawin. Pagod na rin siyang umiyak kapag mag-isa na lang siya.
"At hindi ka rin daw halos natutulog?" si Pierre uli.
"Namamahay siguro," sabi ni Jane. "Hindi rin kasi ako sanay na mag-isa sa room, eh."
Tiningnan lang siya nito bago nagsimulang kumain. Pinanood lang ni Jane ang pagsubo at pagnguya ni Pierre. Iniisip ng dalagita kung anong mangyayari sa kanya sa mga susunod na araw. Ano'ng gagawin sa kanya ni Pierre Montervo? Magiging kasa-kasama ba siya ni Ate Myrla? Ganoon naman ang bagsak ng mga gaya niyang napupunta sa ganoong sitwasyon kapalit ng malaking halaga. Hindi niya naisip na totoo pala na nangyayari iyon. Lalong hindi niya naisip na mararanasan niya mismo.
"Hindi ka mabubusog sa pagtitig sa akin," sabi ng lalaki. "Kumain ka," At ito na ang naglagay ng pagkain sa plato niya.
"Sasaktan mo ba ako?" iyon ang balik ni Jane kay Pierre, hinintay niyang mag-angat ng tingin ang lalaki  at tumingin sa kanya para makita niya ang mga mata nito. Sa kung anong dahilan ay wala siyang maramdamang takot kay Pierre kahit alam niyang kinuhanan ito ng ina niya ng malaking halaga kapalit ng mga properties—kasama yata siya sa mga 'properties' na iniwan ng ina sa lalaki.
"Bakit kita sasaktan?" si Pierre na mabagal na ngumunguya ng pagkain. "Kung saktan pala ang plano ko, hindi na kita sasamahang kumain."
"Gagawin mo ba akong maid?"
"Kaya mo bang maging maid?"
Hindi sumagot si Jane. Pinanood pa rin niya ang lalaki habang kumakain. Ilang segundo ang lumipas bago siya nagtanong uli. "May anak ka na ba?"
Napatigil si Pierre sa pagnguya, tumingin sa kanya.
"Kung meron na, gagawin mo ba sa kanya ang ginawa sa akin ni mommy?"  Mababang mababa na ang boses ni Jane. "She loves me," patuloy niya. "I've felt it..." hindi niya gustong umiyak pero nag-umpisang mamasa na naman ang mga mata niya. "Kaya nga ang hirap tanggapin ang ginawa niya, eh." Agad niyang tinuyo ang umalpas na luha. "Ano'ng gagawin mo sa akin, Pierre?"
Mahabang segundo na hindi umimik si Pierre, tinitigan lang siya. Mayamaya ay naramdaman ni Jane na nasa mukha na niya ang kamay nito, maingat na tinuyo ang kanyang luha.
Napatitig siya sa mga mata ni Pierre. Naalala ng dalagita na ang titig nito ang pabalik balik sa isip niya noong una silang nagkita sa Lababest. Tandang-tanda niya kung paano nagtagal sa mga mata niya ang titig nito.
"Shhh...'wag kang umiyak, Jane," si Pierre na nasa pisngi pa rin niya ang kamay. "I won't hurt you."
Hindi alam ni Jane kung bakit mas napaiyak siya pagkatapos na sabihin iyon ni Pierre. Nanatiling tahimik lang ito, tinutuyo lang ang umaagos na mga luha niya. Hindi nito inaalis ang tingin sa mga mata niya. 

Marked Hearts (COMPLETED.Published)Where stories live. Discover now