Three

2.4K 78 0
                                    

"BAKIT tayo lumabas, Pierre?" curious na tanong ni Jane sa kasamang nakatingala na sa kalawakan habang paisa-isa ang mga hakbang.

"Magpapagutom," maikling sagot ng lalaki, hindi iniiwan ng mga mata ang kalawakan.

Ah, magpapagutom lang pala, sa isip ni Jane na sumabay na rin sa paisa-isang mga hakbang ni Pierre. Hindi na nagsalita ang lalaki kaya ramdam na ni Jane ang katahimikan. Nakita na rin niya ang paligid na tinatanglawan ng liwanag ng buwan. Tumingala ang dalagita...

Ang ganda ng langit, sa isip niya. Papabilog na pala ang buwan at ang aliwalas ng langit. Wala ang mga ulap kaya kitang kita ang kislap ng mga bituin. Kusang tumigil ang mga paa ni Jane mayamaya; napatitig sa kumikislap na mga bituin.

"Ano kaya ang ginagawa ni Mommy ngayon?" mahinang sabi ng dalagita. Sinakop na naman ng lungkot ang puso niya. Nami-miss na naman niya ang ina. Wala siyang narinig na kahit ano mula kay Pierre pero naramdaman ni Jane ang paghinto rin nito.

Nag-angat siya ng tingin, dahilan para magtama ang mga mata nila ni Pierre. Tahimik pa rin ito, tinitigan lang siya. Hindi alam ni Jane kung anong mayroon sa mga mata ni Pierre at hindi niya nagawang magbawi ng tingin. Mahabang sandali na nakatitig lang sila sa mga mata ng isa't isa.

Si Pierre ang unang nagbawi ng tingin—tumingala sa kalawakan at nagsimula na namang humakbang. Hindi agad sumunod si Jane, mga tatlong hakbang na ang pagitan nila ni Pierre nang magsimula siyang maglakad uli. Hindi na niya pinag-aksayahan ng oras ang paligid o ang kalawakan, nakatutok na ang mga mata niya sa likod ni Pierre.

Kitang-kita na niya nang sandaling iyon kung gaano katangkad ang lalaki. Kung gaano ka-perfect ang mga balikat at biceps nito. Kung gaano katatag ang tindig at kung kung gaano—huminto si Pierre at lumingon. Nailipat na ni Jane sa buwan ang tingin.

Hindi na naglakad si Pierre, hinintay siyang makalapit. Naglakad uli sila nang tahimik. Hindi na namalayan ni Jane kung ilang street ang nilampasan nila at kung saan na sila umabot. Nagpatuloy lang siya sa pagsabay sa tahimik na paglalakad ni Pierre.

Napatigil sila pareho ni Pierre nang may isang kotseng biglang humarurot. Bukas yata ang lahat ng bintana dahil narinig nila ang tawanan at sigawan ng mga boses. Umikot lang yata sa unahan ang kotse dahil dumaan uli sa tapat nila. Sa hula ni Jane ay mga lasing ang nasa kotse. Mayamaya lang ay dumaan na naman at may sumigaw pa pagdaan sa tapat nila. Napatingin si Jane kay Pierre na walang reaksiyon. Naglakad na uli ang lalaki, na sinabayan ni Jane pero agad rin na huminto nang makita niyang umaatras ang kotseng ilang beses nang dumaan sa tapat nila.

Ang alam ni Jane, safe ang subdibisyon na iyon pero kinabahan siya. Hindi niya napigilan ang sarili, dumikit siya sa tagiliran ni Pierre nang palapit na nang palapit ang kotse. Sila talaga ang sadya!

"P-Pierre," wala sa loob na kumapit siya sa braso nito. Wala siyang naramdamang reaksiyon ng lalaki, tumingin lang sa papalapit na sasakyan. Sa hula ni Jane ay nauntog pa ang mga sakay sa biglaang atras-abante ng kotse bago huminto sa mismong tapat nila. Apat pala ang sakay ng kotse. Lalaki ang nasa manibela katabi ang isang babae. Dalawang lalaki naman ang nasa backseat—mga teenagers lahat.

Napanganga na lang Jane nang sabay sabay na sumigaw ng "hi, crush!" ang tatlong lalaki. Kulang na lang ay pagkasyahin ng dalawang lalaki sa backseat ang mga ulo sa bintana para mailabas pareho. Ang nag-iisang babae na nasa passenger seat ay nasa mukha ang isang kamay, hiyang-hiya yata kaya hindi nagawang mag-angat ng mukha. Nagtawanan ang mga lalaki at humarurot na ang sasakyan palayo.

Pagtingin ni Jane kay Pierre ay nakasunod ang mga mata nito sa kotse, napapailing at napapangiti.

Kung tama si Jane, ang babae sa kotse ang may crush kay Pierre. Inaasar ng mga lalaking kasama nito ang babae kaya binalikan sila at nag-'hi crush' pa. Ilang teens pa kaya ang may crush kay Pierre? Malakas yata talaga ang hatak nito sa mga teens kaya nga pati siya ay nahatak na rin.

#Irresistible

"Kilala mo sila?" basag ni Jane sa katahimikan.

"Anak ng dating doctor ni Mama 'yong nag-iisang babae," sabi ni Pierre. "They're cousins. Five houses away lang sa atin ang bahay nila."

"Nasa'n pala ang parents mo, Pierre?"

"Seventeen ako no'ng namatay si Papa sa bangungot. Mula nang mawala siya, naging malungkot na lagi si Mama. Mabilis siyang humina hanggang nagkasakit na. Twenty lang ako no'ng nawala siya."

"Oh...I'm sorry..." si Jane, bakit ba nagtanong pa siya? Dapat ay tungkol na lang sa mga teenagers na may kakaibang trip sa kasagsagan ng gabi ang pinag-usapan nila.

Naglakad na uli si Pierre, at saka lang napansin ni Jane na nakakapit pa rin siya sa braso nito. Maingat niyang binawi ang bisig pero bago tuluyang dumulas palayo ang kamay niya ay sinalo iyon ng malaking kamay ni Pierre.

Kakaiba ang naging pagsikdo ng puso ni Jane nang maramdaman niya ang init ng palad ni Pierre. Bumilis at lumakas ang tibok ng puso niya. Ibang pintig iyon. Unang beses pa lang niyang maramdaman.

Wala sa loob na nag-angat siya ng mukha—nakayuko sa kanya si Pierre, nakaawang ang bibig na parang may kakaiba rin na naramdaman. Iisipin sana ni Jane na sobra lang ang pag-iisip niya, na siya lang talaga ang may kakaibang pakiramdam pero umangat ang malayang kamay ni Pierre at humagod sa dibdib na para bang saglit na nahirapan itong huminga.

"N-Naramdaman mo rin?" hindi namalayan ni Jane na naitanong niya, nakatitig sa mga mata ni Pierre. Ang bilis pa rin ng tibok ng kanyang puso!

Hindi sumagot si Pierre, nakatitig lang din sa mga mata niya habang hinahagod ang sariling dibdib.

Matagal na nagtama lang ang mga mata nila. Hindi alam ni Jane kung ano ang iisipin o sasabihin. Wala siyang naintindihan sa kakaibang pakiramdam na iyon.

#Confused!


Marked Hearts (COMPLETED.Published)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon