Eleven

1.7K 51 1
                                    

NAPAHINTO muna nang ilang segundo si Jane sa kinatatayuan, pinagmasdan bulto ng lalaki kung hindi siya nagkakamali sa nakikita.

"PJ?" hindi niya napigilang pagtawag rito. Huminto si PJ sa paghakbang pero ilang segundo muna ang dumaan bago siya nilingon.

"Jane? Hi," sabi nito, hindi na itinuloy ang pag-upo sa wooden chair, marahang humakbang pasalubong sa kanya. "Hindi na ko na nakitang bumalik ka mula nang first meeting natin."

Hindi na humakbang pa si Jane, nakatitig lang siya sa matangkad na bulto ni PJ na papalapit sa kanya. Ang ginawa lang ng dalagita ay lumunok. Ghost ba talaga si PJ? May ghost ba na nagha-hi sa tao? May ghost ba na kung kumilos parang friendly lang na mortal? May ghost ba na friendly?

Meron, Jane. Favorite mo pa nga. Si Casper!

Gustong pagalitan ni Jane ang sarili na sa sitwasyong iyon ay nag-iisip pa siya nang kung ano ano. Dapat ay nasa isang bagay lang ang atensiyon niya—sa sadya niya sa lugar na iyon.

Pero hindi napigilan ni Jane ang sariling tumingala kay PJ—ang layo talaga ng agwat ng height nila. Wala pa siyang five flat pero si PJ parang five-eight o five nine na yata kung tama ang hula niya. Gaya ng una niyang nakita ito, nakasuot na naman ng cap na nagkukubli ng mukha sa liwanag na nagmumula sa dalawang lamp na nasa paligid.

"Midnight eh," sabi ni Jane nang sa wakas ay matagpuan ang boses. "Nasa loob ng bahay at tulog dapat ang tao, 'di ba? Hindi nasa labas..."

"Then why are you here?" si PJ na nakatayo na sa tapat niya. "Bakit wala ka sa loob ng bahay at natutulog?"

"Kailangan ko lang lumabas..." si Jane na hinanap na ng mga mata ang duyan—naroon iyon, sa pagitan ng dalawang matandang puno, para bang naghihintay ng kung sinumang uupo roon. Mabilis niyang inilayo ang mga mata nang maisip ang eksena kaninang tiningnan nila ni Pierre ang lumang box.

Naalala ng dalagita ang sulat ni Marissa...


Marked Hearts (COMPLETED.Published)Where stories live. Discover now