BIKTIMA?

798 6 3
                                    

Sumilip na ang haring araw mula sa likod ng mga bundok.
Rinig na rin ang tandang na walang tigil sa pag-tilaok.
Ang ihip ng hangi'y unti-unting umiinit.
Tila pinapahiwatig na kailangan ng bumangon ulit.

Isang normal na umaga, tahimik at mapayapa.
Isang panibagong araw para maging abala.
Papasok sa eskuwela o di kaya'y sa trabaho.
Lahat ay may gawain, maliban sa isang tao.

Para bang isang estatuwang di kumikibo.
Para bang isang bangkay na kasing-lamig ng yelo.
Para bang isang batang gustong matulog muli.
Ganyan talaga ang tipikal na ugali ng isang sawi.

Nagdadalawang-isip kung babangon pa ba o hindi.
Matapos tanggihan, ano pa nga ba ang silbi?
Para saan pa ang pag-bangon mula sa malambot na kutson?
Gayong wala namang dahilan para tumayo siya roon?

Naaalala niya pa, na para bang kahapon, ang buong pangyayari.
Ang mga salitang mismo ang taong iniibig niya ang nag-sabi.
Ilang buwan na rin ang lumipas ngunit sariwa pa rin sa alaala.
Ang sakit at sugat na dulot ng bawat letra't salita.

Hindi niya mawari kung bakit kailangang sabihin sa kanya iyon.
Bakit kailangan pang diinan ang kutsilyong matagal ng nakabaon?
Hinugot panandalian, ibinalik din agad ng biglaan.
Para bang siniguradong labis siyang masasaktan.

Parang isang ilaw na napupundi't nawawala.
Kinausap na para bang may interes ito sa kanya.
Pinaramdam na sa taong yun, siya ay mahalaga.
Pinaparamdam na siya'y mahalaga, ngunit naglalaho rin na parang bula.

Sa maikling salita, siya'y pinaasa ng taong mahal niya.
At kahit nag-hinala siya nung una, umasa pa rin siya.
Buong akala niya'y gawa-gawa lamang sa istorya ang mga paasa.
Ngunit, di niya hiniling o inakalang siya rin ay magiging biktima.

Saan nga ba siya nagka-mali ng liko sa mapa?
Sinundan nga ba niya ng maayos ang bawat direksyong nakatala?
Sumobra ba siya ng isang hakbang o siya ba'y may nalagpasan?
O baka naman siya'y may nakalimutan?

Tila naligaw sa dilim ang ating bida sa istorya.
Ang ilaw na inakala niyang hawak niya ay naglalakad pala mag-isa.
Naglakad papalayo at hindi man lang siya nilingon.
At iniwang nalilito't nasasaktan ang bida natin ngayon.

Gustuhin man niyang habulin, ay hindi na niya magagawa.
Masyadong malaki ang tinik ng rosas sa kanyang mga paa.
Nanatili siya sa kanyang puwesto at di na kumibo.
Masyado na rin kasing malabo na maabutan pa niya ito.

Kasabay ng paglayo, ang pagkawala ng kanyang puso.
Sapagkat nasa kamay pa rin iyon ng iisang tao.
Hindi na rin nakayanan ang sunod na nasilayan.
Ang kanyang iniibig, ay may iba ng kasintahan.

Isa-isang pumatak ang mga diyamanteng mamahalin.
Mataas ang halaga nito dahil may halo itong damdamin.
Damdamin ng isang taong patuloy na nagmamahal kahit nasasaktan na.
Kahit pa alam niyang wala na talagang pag-asang maging sila.

Alin sa kanila ang nagka-mali at naging masama?
Ang tao ba na nagpaasa't nanakit sa kanya?
O siya ba na umasa't tumalon agad sa konklusiyon na magiging sila?
Sino nga ba ang nawalan sa kanilang dalawa?

Umiikot nga ang istorya sa pagitan ng isang paasa at ang biktima niya.
Ngunit, ang biktima lang ba ang tinutukoy ko sa simula ng aking tula?
Sawi ba na maituturing ang biktima?
Paano nalang ang taong paasa sa ating istorya?

Lahat ng tao'y may dahilan kung bakit kailangan nilang manakit ng damdamin ng iba.
Hindi niyo nga lang malalaman dahil hindi niyo alam ang kanilang istorya.
Magkita na lamang tayo muli sa susunod kong tula.
At baka magbago ang tingin niyo sa itinuturing niyo dito na kontrabida.

Spoken Words Poetry By OtakuZone (Part One)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon