Ebidensya

496 2 0
                                    

Paano nga ba nagsimula ang lahat?
Paano nga ba natin naisulat ang unang pahina ng aklat?
Paano nga ba naging trahedya ang wakas ng ating istorya?
Paano nga ba naging mapait ang iniwan mong alaala?

Ilang araw ba ang dumaan sa bawat yugto?
Ilang buwan ba ang tinagal ng ating kuwento?
Ilang oras ba ang dapat ilaan sa pagbabasa ng librong sinimulan ko?
Libro na sinimulan ko, ngunit tinapos at winasak mo.

Dahil sa ginawa mo, ako lang ang nakakaalam ng katotohanan.
Ngunit imbis na sakin makinig, mas pinakinggan nila ang iyong kasinungalingan.
Tunay nga na isa kang magaling na manunulat.
Dahil sa paraan ng iyong pagku-kuwento'y, napaniwala mo silang lahat.

Kaya ngayon ako ang itinuturo na salarin.
Sarado na ang kanilang isipan sa bawat salita na aking sasabihin.
Para lang akong nakikipag-usap sa mga bato.
Dahil lahat sila'y napaikot at napaniwala mo.

Nag-panggap ka na para bang ikaw ang naging biktima.
Umiyak-iyak ka pa para lang makumbinsi sila.
Nag-pakita ka pa ng isang pekeng ebidensya.
At base sa kuwento mo sa kanila, sinasaktan kita.

Di ako lubos na makapaniwala sa iyong ginagawa.
Saan nanggaling ang mga sugat at pasa na ipinakita mo sa kanila?
Ni minsa'y di kita nagawang pag-buhatan ng kamay.
Bakit naman kita sasaktan kung itinuring kita noon na aking "buhay"?

Hindi ka lang pala isang magaling na manunulat.
Kaya mo rin palang totohanin ang mga eksena sa iyong aklat.
Aklat na nilikha mo para saktan ako sa iba pang paraan.
Hindi pa ba sapat ang pagdurog sa aking puso na sa iyo'y inilaan?

Dinudurog mo na ang puso ko ngunit wala akong magawa.
Hinayaan lang kitang gawin kung saan ka sasaya.
Gustong-gusto mo na nasa iyo ang atensyon ng madla.
Kaya siguro nagagawa mo kong saktan at ipahiya.

Alam mo siguro na di kita magagawang sumbatan.
Alam mo siguro na minamahal kita ng lubusan.
Kaya naman ginamit mong tinta ang aking damdamin.
Para simulan ang librong magpapabagsak at wawasak sa akin.

Ang bawat letra na iyong isinusulat ay parang mga bala.
Bala na tumatagos sa puso ng iyong mga mambabasa.
Kung alam lang nila sana na binaliktad mo ang mesa...
Marahil ay makikinig na sila sa isang tulad ko na gumagawa lamang ng tula.

Anong ebidensya ba ang nasa kamay ko ngayon?
Maniniwala ba sila kung wala silang makikita roon?
Ang aking ebidensya'y hindi madaling makita.
Sa halip ay madadama nila iyon kung tumitingin lang sana sila sa aking mga mata.

Hindi nagsisinungaling ang mga mata, yan ang sabi nila.
Ngunit mas kapani-paniwala nga naman kung nakikita rin nila ang ebidensya.
Ano ba ang dapat kong gawin para maniwala sila sa akin?
Kailangan ko pa bang umiyak ng dugo at umarte din?

Hindi. Hindi na nila kailangang makinig sa akin.
Hahayaan nalang kita na sila'y paikut-ikutin.
Hahayaan kita na unti-unti silang bulagin para lang makinig sayo.
Ano ba ang laban ko sa isang tuso na tulad mo?

Isang ebidensya lang naman ang nasa mga kamay ko.
Isang ebidensyang tatalo sa iyong sinungaling na libro.
Hindi ko lamang magawang ilabas sapagkat hindi nila iyon maiintindihan.
Ayoko rin makita mo ang aking pusong duguan, nahihirapan, at nasasaktan.

Spoken Words Poetry By OtakuZone (Part One)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon