Papel

884 3 0
                                    

Kinuha ko ang isang buong piraso ng papel sa mesa.
Tinitigan ko iyon ng mabuti habang iniisip kita.
Mabuti pa ang papel na ito, maayos at buong-buo.
Di tulad ng aking pagkatao at ng puso ko na pira-piraso.

Naglalaro sa aking isipan ang mga alaalang pilit kong binabaon.
Mga alaalang mas masakit pa kesa sa kagat ng leon.
Parang isang bulaklak tuwing tagsibol ang panahon.
Ang mga alaala nati'y unti-unting umaahon.

Nililibing kitang pilit sa pinaka-madilim na sulok ng aking isipan.
Ngunit ang laman ngayon ng aking isip ay ikaw nanaman.
Bakit ba palagi nalang kitang naaalala kahit sa maliliit na bagay?
Dahil ba sa ikaw pa rin ang itinuturing kong "buhay"?

Isang papel. Isang papel lang ngunit rumagasa na na parang baha ang mga alaala natin.
Isang papel lang pala ang mananakit at magpapaalala sakin.
Isang papel lang ngunit parang sinasaksak na ang aking damdamin.
Bakit kinakailangan pang mawala ka sa akin?

Ito ba? Ito ba ang kapalit ng kagustuhan kong makapagtapos ng kolehiyo?
Makapagtapos para sa ating kinabukasan at para maging masaya tayo?
Sagutin mo ko mahal, ito ba ang parusang nakalaan sa akin?
Ang araw-araw na danasin ang masaktan ang damdamin?

Mahirap tanggapin na wala ka na sa aking piling.
Mahal, paano na ang ating mga pangarap at hiling?
Paano ko iyon tutuparin ngayong mag-isa nalang ako sa mundo?
Paano ko mabubuo ang pamilya at bahay na isa sa ating mga plano?

Ang hirap huminga mahal, nalulunod nanaman ako.
Mahal, nararamdaman ko nanaman ang pangungulila sayo.
Mahal, nais kong madama muli ang mga yakap at halik mo.
Mahal sumagot ka, sabihin mo na magkakasama rin ulit tayo.

Hindi ko na dapat hinawakan o pinakialaman ang papel na ito.
Dahil dito nalaman ko kung ano ang totoo.
Mahal, sabihin mong isa lamang itong kalokohan.
Sabihin mo na makikita pa rin kita at mahahagkan.

Bakit mahal? Bakit mo nagawa ang bagay na ito?
Paano mo nagawang iwanan akong mag-isa sa mundo?
Nangako naman ako sayo na babalikan kita, hindi ba?
Wala ka bang tiwala o iniisip mo ba na hindi ko kaya?

Mahal... Ano bang pumasok sa utak mo?
Bakit pumayag kang ibigay sa akin ang iyo?
Alam ko na dati'y nangako kang nasa kamay ko lang ang puso mo.
Pero hindi ko inakalang magiging literal ang iyong pinangako.

Hindi ko na dapat ginalaw ang papel na naglalaman ng resulta.
Resulta ng operasyon, isang napaka-laking ebidensya.
Ang sabi nila iniwan mo ko at ipinagpalit sa iba.
Parang mas tanggap ko pa iyon kesa sa aking binabasa.

Mahal, paano na ko? Paano na yung ating mga plano?
Paano ako mag-papatuloy kung wala na ang inspirasyon ko?
Hindi ba't nangako ka na manonood ka habang sinasabit sakin ang medalya?
Sino na ang manonood gayong wala ka na?

Ah, hindi nga pala ako pwedeng malungkot ng sobra-sobra.
Dahil ayokong mawala rin at mapalitan ang puso mo, sinta.
Mahal, aalagaan ko ang regalong iyong inialay sakin.
Masakit man sa damdamin, kailangan ko iyon tanggapin.

Mahal, ngayon na ang araw na kung saan aakyat na ko sa entablado.
Wala ka man para manood ay kasama pa rin kita dito.
Isang malungkot na ngiti ang gumuhit sa aking mukha.
Habang tinititigan ang medalyang nakasandal sa kung nasaan ka.

Spoken Words Poetry By OtakuZone (Part One)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon