Mag-laro Tayo

1.5K 5 2
                                    

Ang pag-ibig ay isang bagay na dapat siniseryoso.
Ngunit karamihan sa atin, ginagawa itong laro.
Laro na kung saan minsan kailangan mong sumugal.
Hindi ginto o salapi, kundi ang iyong pagmamahal.

Mag-sisimula kayo sa larong tagu-taguan.
Kung saan parehas kayong naghuhulaan.
Naghuhulaan kahit parehas kayong may tinatagong nararamdaman.
Ngunit mas pinili nalang itago kahit labis nang nasasaktan.

Ang ikalawang laro ay ang lutu-lutuan.
Kailangan tama ang timpla upang mas tumatag ang inyong samahan.
Lagyan ng kaunting alat at pait, wag masyadong tamisan.
Dahil pag nasobrahan sa tamis, maaari kayong magkasawaan.

May mga ibang nagpapasakop sa sariling kapusukan.
Kaya madalas na ang pag-ibig ay kanilang nakakalimutan.
Mas nangibabaw ang pagnanasa at hindi pinairal ang talino.
Kaya may mga umaabot sa ikatlong uri ng laro.

Isang larong pamilyar sa mga kabataan.
Isang larong di madaling kalimutan.
Isang laro na kung saan magaling at maayos na pag-ganap ang kailangan.
Isang laro na kung tawagin ng mga kabataan noon ay "bahay-bahayan".

Karamihan sa mga umaabot sa larong ito ay hindi nagtatagal.
Sapagkat sa pagmamadali'y naglaho na ang kanilang pagmamahal.
Kakaunti nalang ang nananatili sa laro na ito.
Sapagkat ang iba'y tumalon na papunta sa ika-apat na laro.

Simple lang ang mga pamantayan na kailangan sundin.
Ngunit kakaunti lamang ang nakakaintindi kung paano ito laruin.
At tanging mga desperado lamang ang mga nananalo.
Mga walang pakialam kahit pa makasakit sila ng ibang tao.

Ang kailangan lang naman gawin ay ang tumakbo.
Tumakbo at makipagpatintero sa tao na humahabol sayo.
Tanging mga desperado at mga duwag ang nakakatungtong sa larong ito.
Mga takot na akuin at panindigan ang responsibilidad bilang magulang ng anak niyo.

Sinong nagsabing puno ng kasiyahan ang pag-ibig?
Kung may ibang mga taong puro iyak lang ang lumalabas sa kanilang mga bibig?
Paano niyo nasasabing nagkasawaan kayo?
Kahit na ang totoo'y parehas lang kayong nang-loloko?

Kung nais mong magtagumpay sa laro na ito, kailangan mong sumugal.
Kailangan mong ihanda ang iyong sarili sa sakit na dulot ng iyong pagmamahal.
Kailangan mong itaya lahat ng bagay na mayroon ka.
Hindi ka dapat nagdadalawang isip kung tutuloy ka pa ba.

Sa laro ng pag-ibig marami na ang bumagsak at nabigo.
Dahil sadyang mga tuso ang ibang manlalaro.
Di dapat dayain o suwayin ang mga panuto.
Kung nais mong makamtan ang pag-ibig na wagas at totoo.

Ano? Gusto mo pa bang maglaro?
Kung gayon, halika dito at umupo ka sa tabi ko.
Tandaan mo ang mga pamantayan at isapuso mo ito.
Sapagkat dito na natin sisimulan ang unang laro.

Mag-laro tayo, mahal ko, wag ka nang tumakbo.
Dahil sisiguraduhin kong magtatagumpay ako.
Wala ka ng kawala dahil nakalatag na ang baraha ng ating mga puso.
Parehas na handang masaktan at mabigo, ngunit di tayo titigil hangga't di natin nakukuha ang premyo.

Spoken Words Poetry By OtakuZone (Part One)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon