Kilala Kita...

968 8 0
                                    

Kilala kita, ikaw yung palaging may ngiti sa mukha.
Yung palaging nagbibiro at tumatawa.
Yung palaging nagbibigay ng payo sa iba.
Yung madalas lapitan ng mga tao na palaging iniiwan mag-isa.

Kilala kita, ikaw yung palaging napapalibutan ng mga tao.
Yung palaging maingay at mahilig mag-kuwento.
Yung nagbabaliw-baliwan para lang mapasaya ang iyong mga kaibigan.
Yung parang bulateng binudburan ng asin pagdating sa kakulitan.

Kilala kita, ikaw yung pinaka-matalinong estudyante sa klase lalo na sa Matematika.
Yung kapag may pagsusulit, palaging pasado at mataas ang marka.
Yung palaging nagtataas ng kamay kapag may tanong ang inyong guro.
Yung bihirang lumabas at gumala kasama ang mga kaibigan mo.

Kilala kita, ikaw yung palaging tinatawag na sikat sa inyong grupo.
Yung maraming kayang gawing talento kaya lahat ng atensyon nila'y nasa iyo.
Yung palaging nagbibigay ng kulay sa mundong ginagalawan mo.
Yung maraming kaibigan at kilala ng lahat ng tao.

Tama ako, hindi ba?
Tama ako sa sinabi ko na kilala kita.
Ngunit may isa pa kong pruweba para ito'y mapatunayan.
Hayaan mong ako ang magtanggal ng maskara at ipakita ang inyong tinatakpan.

Kilalang-kilala ko ang tao na pilit mong tinatago.            
Yung kabaligtaran ng alam ng ibang mga tao.                    
Yung taong iilan lamang ang nakakita at nakakakilala.  
Dahil nailalabas mo lamang siya sa tuwing ika'y nag-iisa.

Nais kong humingi ng pabor sa iyo.
Maaari ba kong magsilbi bilang sandalan mo?
Sandalan na pwede mong lapitan sa tuwing kinakain ka ng kalungkutan.
Sandalan na handa kang salubungin kapag wala kang matakbuhan.

Maaari bang itigil mo muna ang iyong pagpapanggap?
Dahil ang iyong tunay na pagkatao'y natatakpan na ng mga ulap.
Maaari bang huwag mo munang ipakita sa'kin ang iyong ngiti na marami nang naloko?
Dahil kahit gaano pa yan kalaki, nakikita ko pa rin ang lungkot sa mga mata mo.

Hayaan mong ako ang magtanggal ng maskara mo kahit pansamantala lamang.
Dahil ang iyong pag-ngiti at pagtawa ng tunay ay nagiging madalang.
Maaari bang ipakita mo sakin yung tao na aking kilala?
Hindi yung madalas mong pinapakita, kundi yung nasa likod ng iyong maskara.

Hindi mo ba napapansin kaibigan?
Na pati ang sarili mong mukha'y iyo nang nalilimutan?
Kaya pakiusap, wag mo nang piliting tumawa kahit hindi ka naman masaya.
Wag ka nang magpapanggap na kaya mo pa kahit hirap na hirap ka na.

Kilala kita... Kaya wag ka ng magtago sa likod ng iyong maskara.
Kilala kita... Kaya hindi mo na kailangang magpanggap kapag ako ang iyong kasama.
Kilala kita... Dahil marami na rin ang gumawa noon ng ginagawa mo ngayon.
Kilala kita... Kaya pakiusap, tama na ang pagpapangap dahil nasasaktan ako sa tuwing ginagawa mo iyon.

Wag mong iisiping mag-isa ka lamang sa mundong ito.
Dahil nandito lang ako para masandalan mo.
Handa akong makinig sa lahat ng iyong kalungkutan o problema sa buhay na ibinigay Ko sayo.
Pagdikitin mo lamang ang iyong mga palad at tutulungan kitang malagpasan ito.

Patuloy na magmamahal nang lubos,
       Ang inyong Ama at Diyos

Spoken Words Poetry By OtakuZone (Part One)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon