Pinakamatalas Na Kutsilyo

491 1 0
                                    

Tahimik akong nakaupo sa loob ng aking kwarto.
Pilit na dinidedma ang ingay sa labas nito.
Baliwala na iyon sa akin sapagkat ako'y sanay na.
Sanay na marinig ang sigawan nila.

Bato dito, bato doon.
Minsan ako'y nagtataka kung bakit ganon?
Parehas silang nagbabatuhan ng mga masasakit na salita.
Mga salita na ayaw nilang sinasabi ko... Pero bakit nila ginagawa?

Bakit ba ganito ang takbo ng isip ng mga tao?
Bakit palakasan ng boses at palutungan ng mura lang ang panlaban niyo?
Hindi ko lubos na maintindihan noon kung bakit ganito ang mundong ginagalawan ko.
At sa edad na labing-tatlo, doon ko lamang naintindihan kung gaano kalakas ang epekto nito.

Ang bawat salitang binibitawan natin ay maaaring maging bulaklak.
Bulaklak na nakakaikit at napakabango ng halimuyak.
Ngunit nasa atin pa rin ang desisyon kung paano gagamitin ang mga ito.
Maaaring bilang isang bulaklak o di kaya'y bilang isang matalas na kutsilyo.

Kutsilyong babaon at tatagos hanggang sa puso't kaluluwa.
Yun bang sinisigurong unti-unti iyon mababasag at masisira.
Magsisimula sa ulo, papunta sa utak at puso.
May mga ibang tao na mahina kung kaya't naiisipan nilang tapusin nalang ito.

Tapusin at tuldukan ang mga salitang nakabaon sa isipan.
Mas mabuti sana kung pisikal silang masasaktan.
Dahil ang mga sugat na maiiwan ay maghihilom din naman agad.
Di tulad ng kutsilyong nakabaon sa kanilang isipan ng sagad.

Matagal ko nang naranasan ang bagay na ito.
Hanggang sa tuluyan na kong nasanay sa mga naririnig ko.
Ngunit hindi ko pa rin maintindihan kung bakit nila iyon ginagawa.
Hindi ba sila pwedeng mag-usap ng maayos at mapayapa?

Ngunit kahit pala sanay na ko, nakakasawa din pala.
Nakakasawang marinig ang bangayan nila.
Gusto ko sanang sabihin na tumigil na sila.
Gusto ko sana silang tanungin kung hindi ba sila nakararamdam ng hiya.

Hanggang sa dumating ang araw na hindi ko inaasahan.
Hindi ko inakalang pati ako ay madadamay at masasabihan.
Masasabihan ng mga salitang nababalot ng lason.
Mga salitang tumagos sa aking puso at sa isipa'y unti-unting bumaon.

Hindi ko ginusto ang madamay sa kanilang pag-aaway.
Hindi ko ginustong marinig ang mga salitang nakamamatay.
Hindi ko ginustong maranasan kung gaano katalas ang kutsilyo.
Hindi ko inaasahang sila pa ang sasaksak at magbabaon nito sa aking pagkatao.

Paulit-ulit. Dinaig pa ang sirang radyo.
Dinaig pa ang sirang radyo dahil palagi ko itong naririnig sa utak ko.
Para bang isang karerang walang katapusan.
Kung kaya't pabalik-balik at paikot-ikot lamang ang mga iyon sa aking isipan.

Dinaig pa nito ang lason na taglay nitong kamandag.
Kamandag na unti-unting nagdudulot ng pagkabulag.
Pagkabulag sa katotohanang hindi iyon sinadya.
Kamandag na kumakalat at nagpapalala ng sakit na aking nadarama.

Ano nga bang dapat gawin upang matigil na ito?
Hindi ko na kinakaya ang mga sugat na aking natatamo.
Hindi ko na kaya... Hindi na ko makahinga.
Nais ko munang maiwang mag-isa at ako'y magpapahinga na.

Spoken Words Poetry By OtakuZone (Part One)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon