CHAPTER SEVEN

11K 393 44
                                    

A/N:  Dedicated to the first commenter.

**********

Medyo nag-alangan akong pumasok sa school namin isang umaga dahil ang daming puting nandoon. Tatlo sa kanila'y mga lalaki at dalawa nama'y babae. Maliban sa dalawang lalaki, tingin ko'y nasa mid-thirties to forties na ang tatlo. Pinakamatanda ang isang mamang papanipis na ang buhok. Pinakilala agad sila sa akin ni Akemi.

"Hi there," nakangiti kong bati.

"Hi," halos sabay-sabay nilang sagot. Kahit nakangiti sila, napansin kong tila pinasadahan nila ako ng mapanuring tingin. Taas-noo naman akong humarap sa kanila dahil alam kong presentable ako. Maayos kaya ang pagkakapusod ko sa buhok at natural din ang kinalabasan ng make up na ginawa ko para sa sarili.

"Kent and Aaron-sensei will start teaching in our school tomorrow morning," pagpapaliwanag ni Akemi habang tinuturo niya ang dalawang bata-batang lalaki. Tumangu-tango sila sa akin. "They will be in charge of our junior high school students. Karen and Nikki-sensei, on the other hand, will be in charge of the office ladies and the ojiisan (old men)." Pabirong nag-salute sa akin ang dalawa at tumawa-tawa pa. Nakitawa na rin ako kahit na medyo kinakabahan na. Naaalarma ako sa pangyayari.

Tumikhim ang matandang kalbo sa bandang gilid namin. Natawa naman si Akemi. Siyempre daw, hindi naman siya nakalimutan nito. Siya raw si Bobby Anders, dating propesor sa American Literature sa isang pribadong unibersidad sa Kansai at siya ang magiging head teacher ng school namin.

"It's a pleasure to meet you. You are from---?"

"Philippines," sagot ko kay Mr. Anders.

"Oh, Philippines." At tumangu-tango rin siya.

Ewan ko ba. Kumulo nang kaunti sa tensyon ang tiyan ko nang magtama ang aming paningin. Hindi maganda ang nakita kong pangitain. Ang dalawang twenty-something na lalaki ay ang gugwapo at parehong galing ng UK. Ang isang babae na tinging ko'y thirty five years old ay taga-Australia at ang kasama naman nitong halos nasa ganoon ding edad ay nagmula naman sa Canada. In short, lahat sila'y native speakers. Ako lang ang hindi. Paano na? Malaya pa namang nakakapagpa-schedule sa guro na gusto nila ang bawat estudyante namin. Ano na ang mangyayari sa akin kapag nagsipaglipatan sila sa mga bagong guro? Mahirap na ngang kakompetisyon sina Sarah at Lyndon kung bakit nagdagdag pa ang eskwelahan. Hindi naman gano'n kadami ang mga suki naming estudyante.

"Nakakuha tayo ng kontrata sa tatlong junior at senior high schools sa Osaka para sa English summer classes nila kung kaya marami tayong trabaho ngayong Hulyo at Agosto," natutuwang balita sa akin ni Akemi sa lenggwahe nila. "Idagdag pa roon ang pagdami ng mga estudyante nating office ladies at mga lolo. Tinitiyak ko sa iyo, Fereru-sensei, wala kang pahinga nitong summer!"

Hindi ako umimik. Nang lumingon ako sa direksiyon ng mga bagong guro, nahuli kong nakatingin sa akin ang head teacher namin. Ngumiti siya agad sa akin kaya gano'n din ang ginawa ko.

Nang ikuwento ko kay Tita Chayong ang kaganapan sa school nang araw na iyon, medyo natigilan siya.

"Huwag mong sabihing pinapaalis ka na? Ni wala ka pang isang buwan do'n."

"Hindi naman po siguro," sagot ko. Pinapatatag lang ang loob.

"Kung bakit naman kasi nagpupumilit ka sa ganyang trabaho. Wala ka ngang laban do'n sa mga kasamahan mo. Alam mo naman dito. Ang hihilig nila sa native speakers. Sabi ko naman kasi sa iyo, tumingin-tingin ka na rin sa paligid. Baka may mapusuan ka."

"Tita! Ayoko mag-asawa ng lolo! That's final!" Nagpadyak pa ako. Pinandilatan ako ni Tita Chayong.

"Hindi ko naman sinabing lolo ang asawahin mo! Ang sabi ko lang idilat mo naman ang mga mata mo't baka nasa paligid lang ang lalaking hinahanap mo."

SUKIYAKI (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon