Chapter 35: He-who-must-not-be-named

53K 844 43
                                    

Chapter 35: He-who-must-not-be-named

“Tara na! Umuwi na tayo! Pupunta pa ako ng parlor!”

“Oo nga, kailangan ko pa ng beauty rest para fresh ako mamaya. Lunch muna kaya tayo?”

“Ayoko. Isang linggo na akong nagda-diet para maganda yung figure ko mamayang gabi. Sisirain ko pa ba yung diet ko ngayon?”

Ito yung mga linyang narinig ko noong lumalabas na ako ng classroom. Hindi na ako tumigil para makipag-usap at magpaalam sa kanila. May kailangan akong gawin ngayon. Kung gusto kong makinis ang pagsasagawa ng “OPERATION: Bisitahin ang Mama ni King habang wala pa siya sa bahay” kailangan kong bilisan ang pag-alis ko.

Ilang araw akong nakipagdebate sa sarili ko kung bibisitahin ko si Tita o hindi. Sa huli, hindi ako nakatiis at napagpasyahang bisitahin siya. Hindi dahil sa Mama siya ni he-who-must-not-be-named-from-this-point-on kundi dahil sa naging kaibigan ko na din si Tita Brenda. Magtataka siya kung hindi niya na ako nakita simula noong Saturday debacle na ‘yon. Isa pa, oras na para sa isang maayos na closure namin ni he-who-must-not-be-named. At sa tingin ko ito na yung last step at pwede na akong umusad sa buhay ko.

Ang lakas ng loob kong pumunta sa bahay nila. Magtatanong siguro kayo, paano kung nandoon siya? Simple lang. Wala kasi siya doon. May pinapagawa sa kanya si Mrs. Saragosa. Hindi ko alam kung ano iyon. Huwag niyo ng itanong. It’s none of my business anymore.

At kung nandoon man siya? Ayos lang. Galit na naman siya sa akin. Ano pa yung konting gatong sa apoy?

Nag-tricycle ako papasok ng village nila para mas mabilis akong makarating sa bahay nila. Nag-doorbell ako noong nasa gate na ako. Buti na lang at hindi ako pinaghintay ng matagal at bumukas na agad yung gate.

Basang basa ang gulat sa mukha ni Tita. “Sofia!” yinakap niya ako. “Kamusta ka na? Ang tagal kitang hindi nakita. Sabi ni King busy ka daw sa school eh.”

Hindi pala niya sinabi yung totoo. “Opo. Masyadong madaming ginawa sa school kaya nga po ngayon lang ako nakabisita sa inyo. Ito po, dinalhan ko kayo ng fruits,” inabot ko sa kanya yung basket ng prutas. Nag-research ako nung isang gabi ng mga fruits na maganda para sa puso at iyon yung pinabili ko kay Mama.

“Halika, pasok ka muna,” tumabi siya para padaanin ako.

Papasok na sana ako dahil gusto kong makipagdaldalan kay Tita ng mahabaan kaso lang napatigil ako. Umalis ka na sa bahay namin, umalis ka na rin sa buhay ko, narinig ko sa isip ko.

“Ah, hindi na po. Nagmamadali rin po kasi ako, prom…” sabi ko kahit na hindi naman talaga importante sa akin ang umalis kaagad ng bahay nila. “Kamusta na po pala kayo?”

“Ayos na ako ngayon. Sobra sobrang pag-aalaga ang ginagawa sa’kin dito sa bahay. Daig ko pa ang bata. Siya nga pala, alam mo ba kung bakit… ganoon ang anak ko? Para siyang zombie sa bahay ngayon. May nangyari ba sa school?” kunot-noo na tinanong niya.

“Stressed lang po iyon,” mabilis na labas ng mga salita mula sa labi ko. “Bukod sa pag-aalaga sa inyo, meron din po kaming thesis last week at finals nitong linggo kaya siguro pagod na pagod na po siya.” Ayoko sanang pag-usapan siya kaso nga lang kapag sinabi ko kay Tita yung totoo, baka damdamin niya at  mangyari nanaman yung nangyari dati. At this time, ako na talaga yung may kasalanan kung mangyari man.

LimerenceTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon