III - Perfect Crime

28.8K 1.7K 463
                                    


'No one expects an angel to set the world on fire.'


III – Perfect Crime


"Kapag lumingon ka, mamamatay ka," babala ni Ariadne habang nakatingin sa babae. Duguan ang mukha nito at puno ng takot ang dalawang mga mata.

Hindi narinig ng babae ang sinabi niya at lumingon sa likod nito.

"AAAAAAAHHH!!!" bigla nitong sigaw nang may sumaksak sa dibdib nito. Tumalsik ang dugo nito nang hugutin ang patalim. Bumagsak ang katawan ng babae sa sahig.

Napailing nalang si Ariadne at saka sumubo ng butternut cookie. 'Bakit ba hindi marunong mag-isip ang mga tao rito?'

"Addy, okay ka lang ba na mag-isa rito?" tanong ng Yaya Linda niya na pumasok sa kwarto.

"Opo Yaya," sagot ni Ariadne habang hindi inaalis ang tingin sa TV. Malapit nang matapos ang pinapanood niya. Dismayado siya dahil halos walang nabuhay sa mga tao na pumasok sa loob ng cabin. Ganoon ba sila kabilis patayin? Sa totoo lang ay hindi niya gusto ang makakita ng sobrang dami ng dugo. Hindi niya gusto ang amoy nito. Kaya naman mas gusto niya ang gumamit ng lason.

Pero hindi rin masama kung gamitin niya sa iba ang mga matututunan niya sa palabas. Napangiti siya. Lalo na kung gagamitin niya ito sa mga taong tatanggap ng ganti niya.

"Addy! Hindi pambata 'yang pinapanood mo," saway sa kanya ng Yaya niya.

"Okay lang, Yaya. Malapit nang matapos."

"Haay, bata ka. Dati takot na takot ka manood ng mga ganyan. Ano ba ang nakain mo at bigla kang nahilig sa mga horror? O siya, iiwan muna kita. Busy si Yaya, umalis nang hindi nagpapaalam si Cora kaya ako ang tatapos sa mga naiwan niyang trabaho habang hindi pa nakakakuha ng kapalit si Sir. Kapag nagutom ka tawagin mo ako, nasa laundry lang ako. Hwag kang lalabas ng bahay," bilin nito sa kanya bago nito isara ang pinto.

'Paano magpapaalam si Cora kung patay na siya?'

Hindi kasama sa plano ni Addy si Cora. Hindi naman niya alam na iinumin ni Nesta ang juice na hinanda niya para sa umaga. Pero wala na siyang magagawa, nangyari na. Kagabi, habang nasa bubong siya ng bahay, nakita niyang inilabas ni Nesta ang katawan ni Cora. May dumating na lalaki para tulungan ito. Sa alaala ni Addy, ito ang kapatid ni Nesta na si Edwin. Binuhat nila ang katawan ng babae at isinilid sa isang itim na plastic. Si Edwin ang naglabas ng bangkay mula sa subdivision gamit ang kotse nito.

Pinapahanga talaga siya ng babae sa husay nitong umarte na parang walang nangyari. Kaninang umaga ay masaya itong umalis kasama ng asawa nito upang magpa-check up. Kung hindi lang niya nakita ang nangyari kagabi, maniniwala rin siyang wala itong problema.

Nagkibit balikat si Ariadne. Bahala na si Nesta mag-linis ng kalat nito. Matapos ang palabas na pinapanood niya ay saglit niyang inilipat ang channel. Bigla siyang nagulat nang makarinig ng masiglang kanta.

"A-Ano 'to?" tanong niya.

Hindi niya maintindihan ang lenggwahe na gamit nila. May mga makukulay na ilaw sa likod ng mga lalaki na kumakanta at nagsasayaw. Nang ipakita sa TV nang malapitan ang mga mukha ng lalaki ay nagulat siya. Mas... mas maganda pa ang mga ito sa ibang mga babae sa kaharian nila!

Hinanap ni Ariadne sa isip kung ano ang tawag sa mga taong nakikita niya. Koreans. Ang sagot sa kanya ng alaala ni Addy. Galing sa isang maliit na bansa na ang tawag ay South Korea ang mga lalaki sa telebisyon.

Muling napa-isip si Ariadne. Tunay na napakalaki ng mundo ng mga tao rito. At kahit pa gaano kalayo sa isa't-isa ang mga bansa, may mga teknolohiya naman na nag-uugnay sa kanila. Iba'ng-iba sa pinanggalingan niya. Kadalasan ay umaabot ng ilang araw para makapunta sa isang lugar. Kung gusto naman nilang pumunta sa ibang kaharian, kailangan ng dalawang bwan bago makarating.

A Taste of Poison [Under ABS-CBN Publishing]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon