IV - Strange Child

30.5K 1.8K 446
                                    


IV – Strange Child


Nakatutok ang mga mata ni Ariadne sa kanyang tablet – pinapanood ang isang youtube video. Kumikislap ang kanyang mga mata sa mga impormasyon na natututunan. Dahil dito, hindi niya napansin ang madilim na tingin sa kanya ni Nesta.

Namatay si Edwin kahapon – ang nag-iisang kapatid nito. Halos nasunog ang buo nitong katawan. At dahil doon ay hindi ito nakilala. Inaalam ng mga pulis kung sino ito at kung ano ang motibo ng lalaki. Kung isa ba itong simpleng magnanakaw o may iba pa itong pakay. Upang ma-itago ang katotohanan, nagbayad ng malaking pera si Nesta upang bigyan ng ibang pagkatao ang katawan ng kapatid. Hindi maaaring malaman ni Allan na kapatid ni Nesta ang pumasok sa kwarto ni Addy.

Nagngingitngit sa galit si Nesta, ngunit walang emosyon na makikita sa mukha nito. Nasa loob sila ng isang van. Patungo sa isang bahay bakasyunan sa isang maliit na bayan. Dahil sa mga nangyayari sa pamilya nila, nagdesisyon si Allan na saglit na manatili sa isang tahimik na lugar. Nag-aalala ito para sa lagay ng asawa at anak. Buntis pa naman ang asawang si Nesta kaya naman kailangan mag-ingat at ilayo sa gulo.

Ang hindi alam ni Allan, kasama nila sa loob ng sasakyan ang taong pinaka-gustong layuan ni Nesta. Kahit gaano pa katahimik sa bayan na pupuntahan nila, hindi ito mapapanatag dahil sa batang si Addy.

'Nakilala kaya ni Addy si Edwin?' ang tanong sa isip ni Nesta. 'Pero kung oo, siguradong sinabi na niya kay Allan kung sino ang pumasok sa kwarto niya.'

Ngunit kahit na ano'ng isip ni Nesta, hindi niya magawang pakalmahin ang sarili. Hindi siya matatahimik hangga't hindi nawawala ang bata.

Nang matapos ang video na pinapanood ni Addy, saka lang niya naramdaman ang titig sa kanya ni Nesta mula sa salamin. Kaagad siyang nagbigay ng inosenteng tingin at matamis na ngiti. Binawi ni Nesta ang pagtitig sa bata. Ang tingin at ngiti nito ay nagbigay sa kanya ng hindi magandang pakiramdam.

***

Tumigil ang sasakyan sa isang lake house. Tinulungan sila ng caretaker na kunin ang mga gamit mula sa sasakyan.

"Addy, matagal na rin simula nang huli tayong pumunta rito. Masaya ka ba?" tanong ni Allan sa anak.

Ngumiti si Ariadne. Hindi maitago ang saya sa mga mata niya. "Yes, Daddy!"

Tumawa si Allan. Nakita niyang tuwang-tuwa ang anak sa lugar. Kaagad na tumakbo ang bata papunta sa may lawa.

"Linda, bantayan mo'ng mabuti si Addy."

"Opo, Sir!" sagot ni Yaya Linda saka tumakbo upang habulin ang alaga na nasa dock area.

"Nagustuhan mo ba ang lugar, Dear?" tanong naman ni Allan sa tahimik na si Nesta. Halata sa mukha nito ang pagod. Hindi maiwasan ni Allan na mag-alala sa lagay ng asawa. Sunud-sunod ang nangyari sa kanila, nalunod si Addy, umalis si Cora at ngayon naman ay may pumasok sa bahay nila. Siguradong naapektuhan si Nesta.

Tumango si Nesta at bahagyang ngumiti. Saglit na lumipat ang tingin nito kay Addy bago pumasok sa loob ng log house.

***

Hindi maitago ang saya na nararamdaman ni Ariadne. Malapit sila sa kagubatan. Dito ay mas puro at sariwa ang enerhiya na makukuha niya. Gusto rin niyang pumasok sa kakahuyan upang hanapin ang mga diwata. Siguradong matutulungan siya ng mga ito na maibalik ang dati niyang lakas.

Sumilip siya sa bintana ng kanyang kwarto na nasa ika-dalawang palapag. Kitang kita niya ang kabuuan ng lawa at ang kagubatan hindi kalayuan sa kanila.

A Taste of Poison [Under ABS-CBN Publishing]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon