Para Sayo, Mahal Ko

1.2K 2 2
                                    

Isang panibagong piyesa nanaman ang aking nabuo.
Isang piyesang isinulat ko gamit ang mga luha ng aking puso.
Sa ganitong paraan ko lamang nailalabas ang tunay kong nadarama.
Ang tunay kong nadarama magmula nung nawala ka.

Maraming nagbago magmula nung tuluyan mo kong iniwang mag-isa.
Kung kaya't hindi na ko magpapaligoy-ligoy pa.
Nawa'y basahin at damhin mo ang bawat salita sa piyesa na ito.
Sapagkat isinulat ko ito para sayo, mahal ko.

Nais ko sanang simulan ito sa pangungumusta.
Sapagkat nais ko munang malaman kung ayos ka lang ba.
Kumakain ka ba nang maayos, mahal ko?
Sana'y hindi mo pinapabayaan ang sarili mo.

Kamusta na ang iyong pag-aaral, irog ko?
Nakikinig ka ba sa itinuturo ng inyong guro?
Nakakapasa ka ba sa lahat ng iyong pagsusulit?
Sana'y hindi ka bumabagsak o umuulit.

Sumasayaw ka pa rin ba tulad ng iyong palaging ginagawa?
Madali pa rin ba para sayo ang bawat tanong sa Matematika?
Mahirap pa rin ba para sayo ang Ingles, mahal ko?
Nagagawa mo pa rin ba ng maayos ang lahat ng mga takda mo?

Sumasali ka pa rin ba sa bawat paligsahan sa eskuwela niyo?
Palagi ka pa rin bang napapabilang sa mga nananalo?
Palagi ka pa rin bang nag-eensayo sa tuwing kayo'y may sasalihan?
Sana kahit ganun, nagagawa mo pa ring maupo at magpahinga kahit paminsan-minsan.

Labis akong nagagalak kung sakaling "OO" ang sagot mo sa lahat ng ito.
Dahil yun ang nagpapahiwatig na ayos lamang ang lagay mo.
Natutuwa akong malaman na ganun pa rin ang takbo ng iyong buhay.
Yun bang parang normal lang, masaya, at puno ng kulay.

Nabalitaan kong mayroon ka nang bagong napupusuan.
Di ko maiwasan ang inggit na nararamdaman.
Ngunit wag kang mag-alala, sapagkat ayos lamang ako.
Sino ba naman ako para masaktan at maapektuhan nang dahil dito?

Sa katunayan nga, labis akong natutuwa.
Natutuwa ako dahil kahit malayo ka dama ko ang iyong saya.
Ramdam kong masaya ka habang pinagmamasdan mo siya.
Ramdam ko na siya na ang dahilan kung bakit ka lumiligaya.

Nais ko rin sanang magpasalamat sa iyo, irog ko.
Nais kong magpasalamat sa katapatang ipinamalas mo.
Hindi na mahalaga kung nasaktan man ako sa katotohanan na iyong sinabi.
Ang mahalaga'y naging totoo ka at hindi mo niloko ang iyong sarili.

Inaamin ko na labis akong nasaktan sa iyong mga inamin.
Na hindi na pangalan ko ang isinisigaw ng iyong damdamin.
Na wala nang pag-asang maibalik pa ang nakaraan natin.
Na wag na kong maghintay dahil hindi ka na babalik sakin.

Batid kong siya na ang itinitibok ng iyong puso.
Kung kaya't naiintindihan ko kung bakit iniwan mo ko.
Napaka-sakit lamang dahil hindi mo ko pinagbigyan.
Hindi mo ko pinagbigyan na marinig iyan mula sayo nang harapan.

Labis akong nasasaktan dahil nawala ka na nang tuluyan.
Parang isang presong nakapag-piyansa kaya nakamit ang kalayaan.
Buti ka pa nagawa mong palayain ang iyong sarili nang hindi pinagpapawisan.
Samantalang ako, nahihirapang kumawala sa pagkakagapos sa tanikala ng nakaraan.

Tanikala ng ating nakaraan na siyang nakapulupot sa aking puso.
Paulit-ulit akong hinahatak pabalik at pinapaalala yung dating tayo.
Kapag nagagawa kong makalaya, agad naman akong mumultuhin ng mga alaala.
Mga alaala na kung saan mayroon pang tayo at nasa piling pa kita.

Walang araw na lumilipas nang hindi ako umaasa.
Umaasa na baka sakaling ika'y muling magpadama.
Umaasa na mayroon pa kong lugar at papel sa buhay mo.
Umaasa na baka pwede pang maibalik yung "tayo".

Mahal, wag mo sanang mamasamain ang aking mga sinasabi dito.
Pagbigyan mo sana ako dahil dito ako nagpapakatotoo.
Nangako akong hindi na kita gagambalain pa.
Kung kaya't dito ko nalang sasabihin ang aking nadarama.

Spoken Words Poetry By OtakuZone (Part One)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon