CHAPTER ELEVEN

10.2K 449 33
                                    

A/N: Dedicated to the first commenter.

**********

Matagal bago kami nagkibuan ni Tita Chayong. Nakatungo lang ako habang nakaupo sa sofa. Siya nama'y paikot-ikot sa maliit naming living room con dining area.

"Ang buong akala ko ayaw mo sa lalaking iyon," may himig pagtatampo ang tinig ni Tita. "Kung hindi pa ako dumating, malamang bumukaka ka na sa Hapong iyon!"

"Tita naman! Hindi naman gano'n iyon, e!" mariin kong pagtanggi.

"Anong hindi? Tigilan mo ako, ha? Dumaan din ako sa pagkabata. Iyong papikit-pikit mo habang hinahalikan ka niya'y may ibig sabihin iyon!"

"Lahat naman ng babae pumipikit kapag hinahalikan," pangangatwiran ko pa.

"Oo! Lahat ng babaeng inlab sa kahalikan nila! Naku!" At tumigil siya sa paglalakad. Binagsak niya ang katawan sa tabi ko.

"Tatanungin pa sana kita kung nililigawan ka na ng Kaitong iyon, pero hindi na. Sapat na ang nakita ko para malaman ang totoo."

Itinanggi kong nanliligaw si Kaito. Pinandilatan ako ni Tita at lalo itong nagalit. Paanong nagpahalik daw ako sa lalaking ni hindi naman nanliligaw sa akin? Hindi ako nakasagot. Makaraan ang ilang sandali, nagsalita na naman ito. This time malumanay na ang tinig.

"Mas mabuti ngang hindi siya nanliligaw sa iyo. Malaking problema kapag ginawa niya iyon."

Napaangat ako ng mukha at tinitigan siya nang matiim. Ano'ng ibig niyang sabihin? Hindi ba't binubuyo pa nga niya ako kay Kaito noon? Na jackpot pa nga raw ako kapag napusuan ako ng lalaking iyon? Bakit biglang nagbago ang ihip ng hangin?

"Kaya dali-dali akong umuwi at iniwan na lamang muna ang omise kay Roselda dahil 'kako'y kailangan nating mag-usap nang masinsinan tungkol kay Kaito. Marahil nagtataka ka kung bakit nagbago ang isipan ko tungkol sa batang iyon."

Gano'n na nga. Pero hindi ko iyon isinatinig. Hinayaan ko siyang magsalita nang magsalita.

"Sinadya ako ni Mrs. Furukawa noong isang araw. Tinanong niya ako kung kaanu-ano kita. Siyempre nagtaka ako kung bakit kilala ka niya. Nagkuwento siya sa akin. May pintayuan daw na English school ang anak niyang si Kaito. At nang tanungin ko kung ano iyon, sinabi niyang F-K English School."

Napanganga ako sa narinig. Sasagot na sana ako nang pinatahimik ako ni Tita Chayong. Hindi pa raw siya tapos. Huminga muna ito nang malalim bago nagpatuloy.

"Alam kong magaling ka. Hindi ko minamaliit ang iyong kakayahan. Subalit nang biglaang makakita ka agad ng trabaho sa larangang gusto mo, inaamin kong nagkaroon ako nang kaunting pagtataka. Ganunpaman, inisip ko na lamang na sinuwerte ka. Kaya nang malaman ko ito---hindi ko alam kung matutuwa ba ako o ano. Kung noon ko ito natuklasan, siguro'y nagtatatalon na ako sa kaligayahan. Alam mo namang gusto ko si Kaito para sa iyo. Pero nang malaman kong mayroon na siyang Amane at desidido ang mga magulang niyang silang dalawa ang magkatuluyan, labis akong nalungkot."

Gusto ko nang maiyak. Biglang nagsiksikan kasi sa isipan ko ang mga naging eksena sa pagitan namin ni Kaito. Ngayon ko lubos na naiintindihan kung bakit medyo ngarag at takot sa kanya si Akemi. Wala na akong mukhang maihaharap sa lalaking iyon. Nagyabang pa man din ako sa kanya!

"Mayaman din ang pamilya nila Amane sa Kansai. Kung gugustuhin nila, madali nila tayong mapatalsik dito. Alam mo naman na ang omise ko na lamang ang inaasahan ko, di ba? Hindi naman kasi ganoon ka laki ang pension na iniwan sa akin ng asawa ko."

Hindi ako nakaimik. Abala ang isipan ko sa mga naganap noong nakaraan. Ang mga panlalait ko kay Kaito. Ang pagmamagaling ko sa kanya. Dios ko! Sa kanya pala ako may utang na loob! Siguro grabe ang tawa niya sa akin noon. Ano na ang gagawin ko?

SUKIYAKI (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon