VI - Liyandra

25.9K 1.4K 326
                                    

VI - Liyandra


May tatlong bagay na nalaman si Ariadne mula sa pakikinig sa nakasaradong pinto ng opisina ni Allan. Una, hindi normal na tao ang pamilya na napuntahan niya. Nanggaling sila sa kabilang mundo!

Pangalawa, alam na nila na nagbalik siya. Sa paano'ng paraan, hindi niya alam. At gusto ng mga ito na kunin siya upang labanan ang sumpa niya. Hindi niya napigilan na tumawa. Mga hangal! Gusto na talaga nila na mapadali ang kamatayan nila!

At pangatlo, naka-gawa siya ng isang pagkakamali. Dapat ay pinigilan niya ang tawa niya dahil kahit ano'ng liit ng boses niya ay narinig parin siya ng mga nasa loob.

Biglang bumukas ang pinto at napukol sa kanya ang tingin ng tatlong lalaki na nasa loob ng silid.

"Addy," tawag ni Allan sa kanya nang makita siyang nakatayo roon.

"Daddy," sabi niya sa maliit na boses. Nagpakita siya ng takot sa kanyang mukha saka siya tumingin sa dalawang lalaki. "Sino po sila, Daddy?"

Ang isa sa mga lalaki ay may umiilaw na singsing. Gumamit ito ng mahika upang buksan ang pinto nang hindi lumalapit. Pinagmasdan siyang mabuti ng dalawang estranghero. Ngunit ang mga mata niya ay napukol sa singsing. Nawala na ang liwanag nito.

May kung ano sa maliit na singsing na iyon na pilit na humihigit sa kanya. Hindi niya namalayan na pumasok na siya sa loob ng opisina.

"Addy," tawag ni Allan saka binuhat ang anak. Hindi maipinta sa pag-aalala ang mukha nito. Bumalik ang tingin nito sa dalawang lalaki. "Iwan ninyo kami."

"Bibigyan namin kayo ng oras. Bukas ay babalik kami upang kunin siya. Hwag ninyong subukan na tumakas. Mga sarili nyo lang rin ang pahihirapan ninyo," ang sabi ng isa sa mga lalaki.

Lumabas ng silid ang dalawa at naiwan si Allan kasama ang anak.

"Daddy, ano po ba ang nangyayari?"

"Makinig kang mabuti, Addy. May ipagtatapat sa'yo si Daddy."

"Ano po iyon, Daddy?" Pero una sa lahat, kailan ba siya nito bibitawan? Itinago ni Ariadne ang nararamdaman. Pinilit niyang tiisin ang yakap sa kanya ni Allan.

Sa wakas ay ini-upo siya ni Allan sa sofa. Lumuhod ito sa harap niya at tinitigan siya nang mabuti. Tila ba kinakabisado nito ang mukha niya. May bakas ng pag-aalala sa mukha ni Allan. Sa maiksing panahon na hindi ito nakita ni Ariadne, mukhang tumanda ng sampung taon ang lalaki. Siguradong dahil ito sa lungkot na naramdaman nito sa namatay na si Nesta at sa hindi pa naisilang na sanggol.

Ngayon na mawawalan ulit ito ng anak, mukhang hindi na makakabangon pa si Allan. Naisip tuloy ni Ariadne na bigyan ito ng gamot. Hindi niya kayang ibalik ang dating Allan. Ang kaya lamang niyang gawin ay ang bigyan ito ng gamot kung saan magiging manhid ang emosyon nito. Sa ganoong paraan, hindi ito makukulong sa sakit na nararamdaman.

"Addy, simula bukas ay kailangan mo'ng sumama sa kanila. Dadalhin ka nila sa bago mong school," ang paliwanag ni Allan.

"Saang school po, Daddy."

"Natatandaan mo pa ba ang mga kwento ng Mommy mo sa'yo? Tungkol sa mga prinsesa at magic? Doon sa school na 'yon, makikita mo sila."

"Talaga po, Daddy? Parang si Snow White?"

Bumaha ang sakit sa mga mata ni Allan. Nahalata iyon ni Ariadne. Mahal na mahal talaga nito ang anak na si Addy. Nakita niyang pinilit nito ang sarili na ngumiti.

"Oo, Addy. Parang si Snow White. Matututo ka rin gumamit ng magic doon." Hinimas ni Allan ang buhok ng anak. "Gusto mo bang pumunta roon, Addy? Pero hindi pwedeng sumama si Daddy."

A Taste of Poison [Under ABS-CBN Publishing]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon