Wag Muna Ngayon, Puso

425 4 0
                                    

Pakiusap. Wag muna ngayon, puso.
Wag ka munang manikip dahil dito.
Wag ka munang umiyak at dumugo.
Wag ka munang tumigil at sumuko.

Alam kong mahirap kumapit kapag manipis na ang lubid.
Alam kong masakit na at unti-unti ka nang namamanhid.
Alam kong nakakapagod nang lumaban kapag sinusukuan ka na.
Alam kong nakakahilo na ang paghahanap ng dahilan upang patuloy na ipaglaban ang pagmamahal mo sa kanya.

Minamahal at pinili mo siya diba?
Kaya anong ginagawa mo? Lumaban ka!
Kahit siya na mismo nagbibigay ng isang katerbang dahilan para sukuan mo siya!
Mahal mo diba? Kaya bakit ka susuko nang dahil lang sa pagod ka na?

Iniibig mo siya ng buong puso, yan ang nadadama mo.
Kaya bakit kinakailangan mong gayahin ang ginawa niya sayo?
Hindi porke pagod ka na, mas pipiliin mo na ang umatras nalang sa laban.
Pahinga lang ang iyong kailangan dahil alam kong ayaw mo rin siyang mawala ng tuluyan.

Kaya pakiusap, wag muna ngayon, puso.
Wag ka munang sumuko sa taong minamahal mo at "nagmamahal" sayo.
Hindi ba't nangako ka na maghihintay ka?
Hahayaan mo nalang bang mapako ang mga ipinangako mo sa kanya?

Masakit ba? Wag kang mag-alala, gagamutin kita.
Pero dapat hindi ka muna susuko kapag magaling ka na.
Alam kong pagod ka nang makipaglaban sa giyera.
Giyera na dalawang taon na ang itinatagal magmula noong tumibok ka para sa kanya.

Puso, wag mo siyang sukuan dahil mahal na mahal mo siya.
At mas lalong hindi mo kakayanin kung muli siyang mawawala.
Siya ang nagpadama sayo ng pag-ibig, saya, at ligaya.
Kaya normal lang na ipadama niya rin sayo ang sakit, lungkot, at pighati sa piling niya.

Siguro, upang umayos ka, kailangan mo lang ng kaunting pagbabago.
Tulad ng bawasan ang kakaasa na maibabalik mo agad yung "dating kayo".
Alam kong mahirap dahil marami na ang kailangan lusutan na hadlang sa inyo.
Kaya magtiis ka muna sa lihim niyong pagkikita at pagsasama nang patago.

Alam kong mahirap dahil may mga kapalit ito.
Mga kapalit na unti-unting dumudurog sayo.
Ngunit ganito talaga pag nagmahal, kailangang mag-sakripisyo.
Magiging maayos din ang lahat, maniwala ka sa sinasabi ko.

Kaya pakiusap, wag muna ngayon, puso.
Dahil ayoko nang mawala siya muli sa piling ko.
Mahirap, alam ko, pero kakayanin mo ito.
Kakayanin mo ito sapagkat siya yung minamahal mo.

Susuko na o lalaban pa?
Mahal mo siya diba? Kaya bakit susuko ka?
Diba dati hindi mo naman pinapakinggan ang mga sinasabi ni utak?
Kaya bakit ngayon sa bawat sinasabi nito, unti-unti ka nang nawawasak?

Susuko na o lalaban pa?
Nangako ka na maghihintay ka diba?
Kaya bakit ganyan ang naiisip mo, puso?
Napapagod ka lang, pahinga lang ang kailangan mo.

Sa pagitan ng susuko na o lalaban pa, ako'y nakatayo.
Umaasa na baka sakaling babalik pa siya sa buhay ko.
Ayaw mo na ba, puso?
Alam kong kahit masakit na, siya pa rin ang itinitibok mo.

Spoken Words Poetry By OtakuZone (Part One)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon