Ganito Na Ang Mundo

2.3K 5 0
                                    

Sa mundong aking ginagalawan, mayroon akong napansin.
Bakit halos lahat na ng mga bagay-bagay ay nagagawa nang baguhin?
Lumalawak nga ang ating bokabularyo, ngunit anong naitutulong nito?
Dapat bang gawin ito dahil lang sa iyon ang nauuso?

Ano na nga ba ang nangyayari sa ating mundo?
Tunay nga bang baliktad na ito?
Ang mga dating Eva, nagiging si Adan na ngayon.
Subalit, bakit kaya maraming nagagalit sa ganitong sitwasyon?

Bakit nga ba pabago-bago ang takbo ng panahon?
Hindi ko maintindihan kung bakit at paano nagka-ganoon.
Ang mga bata na dati'y naglalaro, ngayo'y may sarili nang pamilya.
Marami na rin ang kumikita ng pera dahil sa mga maling ginagawa.

Ako'y napatingin sa isang programa sa telebisyon.
Petmalu? Lodi? Werpa? Saan nanggaling ang mga iyon?
Bakit hindi ko alam na ang bokabularyo nati'y may bago nang bersyon?
Hindi ko na maintindihan ang mga pangyayari ngayon.

Noong panahon ko, tanging Tagalog lamang ang lengguwaheng ginagamit.
Lahat ng mga bata'y marunong gumalang at ubod nang bait.
Ang pag-sagot sa mga takda'y hindi naging madali.
Kinakailangan pa naming pumunta sa silid-aklatan para lang may maisagot kami.

Noong panahon ko, lahat ng mga babae'y malumanay at mahinhin.
Hindi marunong magtaas ng boses, mga madadaling kausapin.
Halos lahat sila'y hindi humihithit ng sigarilyo, mga walang bisyo.
Ngunit bakit sa panahon ngayon, kakaunti nalang ang ganito?

Noong panahon ko, lahat ng lalaki ay ma-ginoo.
Lahat sila'y maayos pumorma at marurunong rumespeto.
Pero bakit kaya ngayon nanganganib nang maubos ang mga ganito?
Kinakailangan ba talaga nilang sumunod sa nauuso?

Noong panahon ko, lahat ay nagtutulungan.
Subalit sa panahon ngayon, tila unti-unti nang nalilimutan ang salitang, "bayanihan".
Madami nang nagbabago at unti-unting naglalaho sa bawat pag-agos ng panahon.
Tunay nga bang iba na ang mundong ginagalawan natin ngayon?

Ganito na ang mundo, malaki ngunit napaka-liit.
Ganito na ang mundo, lahat marurunong nang kumapit.
Lalapit at kakapit sa mga taong may sapat na kakayahan.
Kakayahan na tulungan at bayaran ang mga taong sunud-sunuran.

Ganito na ang mundo, pinapatakbo na ito ng salapi at ginto.
Halos lahat na ng bagay, nabibili na ng kahit na sino.
Ganito na ang mundo, ibang-iba na sa kinagisnan at nakasanayan ko.
Tunay nga bang para sa ikabubuti ang mga pagbabagong ito?

Naguguluhan ako, maaari bang ipaliwanag mo?
Paano ito nagbago para sa ikabubuti kung may mga taong naiipit dito?
Paano iyon nakabubuti kung wala namang naitutulong ang mga ito?
Hihintayin ko ang iyong tugon, mahal kong apo.

Lubos na nagmamahal,
Ang iyong Lolo

Spoken Words Poetry By OtakuZone (Part One)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon