THREE

73 2 0
                                    

"TAMA BA naman itong ginawa ko?" tanong ni Rose sa sarili.

Mahigpit ang hawak niya sa papel na bigay sa kanya ni Manang Cora. Nakalagay roon ang mapa kung paano niya matunton ang bahay ng lalaking iyon. Dala na rin niya ang perang pambayad.

Hindi niya ito gagawin kundi lang kay Manang.

"Miss? Saan ang punta mo? Ihahatid ka na namin," alok ng isang lalaki mula sa grupo ng mga lalaking nag-iinuman. Maingay din ang maliit na kalsada dahil sa paglalaro ng mga kabataan. Sa di-kalayuan naman ay malakas na hiyaw ng mga taong nag-bi-bingo.

"No, thank you. Kaya ko na ang sarili ko. Hindi naman sobrang laki ng lugar ninyo."

"O. Hanep. Inglesira. Duduguin yata tayo sa babaeng ito. Tagay ka na lang muna, Miss."

Nagsalin ito ng tuba sa baso at inalok sa kanya.

She will not drink such liquor. Lalo na kung sa kanto-kanto lang. Baka magayuma pa siya ng maaga. Hindi sa pinaparatangan niya ang mga lalaking ito pero mas mabuti ng mag-ingat.

Prevention is better than cure.

"Hindi kaya ng sikmura ko ang ganyang klaseng inumin. Sabihin ni'yo na lang sa akin kung saan ang bahay ni Drek Cristobal."

I even memorized his name while he couldn't even utter her name right.

Napakamot sa ulo ang medyo panot na lalaki. Mamula-mula na ang mga mata nito.

"Ikaw ba iyong girlpren niya?"

"Hindi 'no! May pakay lang ako sa lalaking iyon." Naglabas siya ng isang daan mula sa bulsa. "Sa inyo na ang perang iyan kapag sasabihin ninyo sa akin kung saan nakatira ang lalaking iyon."

Mabilis pa sa alas kwatrong kinuha ng isa sa mga lalaki ang pera saka tumayo.

"Walang problema."

SA ISANG may kaliitang bahay dinala si Rose ng lalaki na sa katabilan nito (dahil na rin siguro sa tuba) ay nalaman niyang Rome ang pangalan. Nalaman din niyang gusto yatang magtayo ng isang basketball team ang ina nito sa dami ng anak. Isang dosena lang naman!

Sa labas pa lang, dinig na niya ang halakhakan ng mga bata sa loob.

"Isang! Isang! Lumabas ka na nga muna riyan. May naghahanap na chicks sa anak mo. Maganda at maputi!"

"Ayos na manong. Kaya ko na ito. Maaari na kayong bumalik sa mga kaibigan ninyo."

Hindi naman siguro siya mawawala. Hindi lang sa pagma-manage ng boutique siya magaling, pati na rin sa direksyon. Mabilis niyang makabisado ang mga pasikot-sikot ng isang lugar kahit isang beses lang niya itong madaanan.

Isang patpating ginang na may kalong-kalong na sa tantiya niya'y isang taong gulang na batang lalaki ang nagbukas sa kanila ng pinto. Mayamaya pa'y dinumog na ang pinto ng lima pang mga bata.

"Oy, Rome. Ano bang problema mo? Eh, nag-iinuman na naman kayo? Aba'y ang dami ni'yo namang pera. Kaya parang manok na putak na putak iyong asawa mo dahil sa ginagawa mo, eh. Kailan ka ba magbabago?"

"Huwag na ninyong hintayin kung kailan ako magbabago. Saka na. Ikaw na ang bahala kay binibini. Baka maubusan ako ng mga kumpare ko."

Naiwan siya.

Mataman siyang pinagmasdan ng bata at parang kating-kati na hawakan ang malambot niyang buhok kung hindi lang pinigilan ng ginang.

"Miss? Ano bang maipaglilingkod ko sa inyo?"

Only Rose Where stories live. Discover now